Boy Tanong: So sino ka muna?
Popoygelo: Isang self-confessed fan ng isang artista na hindi ko na papangalanan. Hulaan mo na lang kung sino. Isa din akong Programmer sa umaga at nagiging macho dancer sa gabi.
Isang tipikal na empleyado na pumapasok sa opisina, na-le-late at nabibigyan ng memo (and recently, suspension)
** Sabay pasok ng isang seksing babae na halos naka-bikini at sisigaw ng “Congratulations!”. **
Isang tipikal na empleyado na nagla-lunch at nag-o-over break at madalas maglagalag sa internet kahit pa oras ng trabaho at maraming deadline na kailangang tapusin.
"Dear boss, hindi niyo ako masisisi, ako'y empleyado lang na nadadarang at natutukso din ng internet."
Isa din akong frustrated teacher, frustrated musician, at frustrated character actor/action star. At higit sa lahat, isa lang akong normal na tao na tumatambay dito, kumakain, naliligo, jume-jebs, umaasa, nasasaktan at nagmamahal … katulad mo! Mas gwapo nga lang ako.
Boy Tanong: Paano mo i-de-describe ang sarili mo?
Popoygelo: Sa pisikal na aspeto na muna tayo. Dalawa lang naman maging gusto kong ultimate description sa sarili ko eh. Una, “Tall, Dark and Handsome.” Sa ultimate description na yan na sumikat dahil kay Richard Gomez, sa isang katangian lang ako tumama.
Sa “Tall”? Hindi!
Sa “Handsome”? Medyo lang.
Sa “Dark”. Ay! May unicorn na dumaan sa likod mo. Nakita mo ba? Sayang!
Pangalawa. Minsan ginusto ko 'yung datingan ko eh parang “Rugged but Handsome look”. Parang si Bradley Cooper lang. Hindi ako nagaahit ng bigote, balbas at patilya. Tapos nagpapahaba pa ako ng kulot ko na buhok pero lahat ng ito hindi pa din sapat. Bitin! Hanggang dun lang ako sa “Rugged” at hindi umaabot sa "Handsome". Oh well, sabi nga nila: “We can never have it all.”
At dahil katuwaan lang naman ito at para mas madali na ang kwentuhan at wala nang halong bolahan at kasinungalan, i-de-describe ko na lang ang sarili ko bilang isang gwapo na tipong “Boy Next Door” na blogger.
** Sabay kindat and do the pogi pose. **
Boy Tanong: Eh bakit ka nandito ngayon? Nagpapauso ka na naman ba o nakikiuso?
Popoygelo: Hindi ako nagpapauso, nangongopya lang ako, tulad ng dati. Mula pa nung elementary hanggang college. Kaya nga naka-graduate ako eh.
Isa pa, hindi din ako nakikiuso, matagal na akong nagsusulat. Tambay ako sa isang social network site dati kaso nilayasan ko na sila kase puro tindahan na lang ang naandun. Pakiramdam ko, I don't belong. Iniwan ko na ang lugar na yun pati ang aking pitong readers. Sana matagpuan nila ito at muling basahin ang mga isinusulat ko.
Boy Tanong: Bakit ang tagal mo nawala at tumigil sa pag-ba-blog?
Popoygelo: Alam mo yung tinatawag na writer's block?
Boy Tanong: Ano? Writer's BLACK?
Popoygelo: Nang-aasar ka ba? Gusto mo di ko na sagutin mga tanong mo?
Boy Tanong: Sorry na. O siya tuloy na tayo. Writer's block kamo?
Popoygelo: Oo! Ganun yata nangyari saken eh. Isipin mo, kahit gaano karami ang ginto sa mundo, langis sa Middle East, barumbadong driver ng bus sa Edsa at Commonwealth, mga corrupt na politicians sa Pinas, pasasaan ba't mauubos din lahat yan.
Ganun din yata ang nangyari sa mga tunay at gawa-gawang kwento ko, nauubos at nawawala din
… parang …
Love!
Ngayon, sinusubukan ko bumalik, pa-unti-unti, hanggang sa maging regular na ang lahat. Kasing regular ng pag-ngiti mo kapag inlababo ka. Lande!
Boy Tanong: Kamusta ka pagkatapos ng matagal na hiatus?
Popoygelo: Aba, okay ka magtanong ah. May nalalaman-laman ka pang “hiatus”. Ano ba ibig sabihin nyan?
Boy Tanong: Basta! I-google mo.
Popoygelo: Suplado! Che!
Boy Tanong: So kamusta ka nga pagkatapos ng matagal mong hiatus?
Popoygelo: Ang kulet mo din eh no? Sige na nga, sasagutin ko na. Ayos naman ako. Gwapo pa din, as usual. Hindi na yata mawawala sa akin ang kagwapuhan, kakisigan at pagiging sinungaling ko. Medyo pagod lang ako sa buhay empleyado kase dalawa ang trabahong pinapasukan ko ngayon. Kase nga di ba, Programmer ako sa umaga at macho dancer ako sa gabi? Ikaw kaya pagsabayin mo 'yung mga trabaho na 'yun tingnan natin kung hindi ka mapagod. Sa umaga sasakit yung mga daliri, kamay at pulso mo kakadutdut sa keyboard. Sa gabi sasakit naman ang katawan mo kaka-giling at kakadutdut ng mga “matronix”.
On a more serious note (Yes, english. Last na yan, ubos na at wala nang natira sa baon.) Okay nga lang ako. Surviving. Unti-unting nagpapayaman.
At ang pinakamaganda sa lahat …
“Ako ay inlababo nang tunay...”
** Play Tindahan ni Aling Nena by Eraserheads here. **
Boy Tanong: Sige ikaw na!
Popoygelo: Oo! Ako na! At kami na! Ngayon, manigas … ay wag 'yun, parang bastos eh.
Erase! Erase!
Eto na lang: Ngayon, mamatay ka sa inggit!
Die due to extreme envy! Bwahahahaha!
Boy Tanong: Sino first crush mo?
Popoygelo: Ayos sa tanong ah, parang high school lang. First crush ko 'yung kaklase ko nung kinder. 'yung babaeng may mahabang buhok na lampas na sa puwitan niya. Di ko na lang papangalanan kase nahihiya ako eh. Isa pa, hindi mo din naman siya kilala.
Boy Tanong: Si Precious 'yun noh?
Popoygelo: Ay put*ng i*a!
Boy Tanong: Sino first kiss mo?
Popoygelo: Mother!
Boy Tanong: Sino first love mo?
Popoygelo: God!
Boy Tanong: Sino first …
Popoygelo: Teka, teka, teka! Puro ka na “First” ah. Ibahin mo naman. Baka ma-bored 'yung first reader ko kung ganyan na lang lagi.
Boy Tanong: Ilan ba readers mo?
Popoygelo: Dati pito, ngayon, sa bilang ko, mga tatlo na lang yata. Mababawasan pa yan ng isa kung ibabawas ko 'yung pangalawang pagkatao ko na nagbabasa ng blog ko at natatawa sa sarili kong joke.
Boy Tanong: Adik ka?
Popoygelo: Medyo. Kaya mag-iingat ka sa akin.
Boy Tanong: Teka, ala-una na ng madaling araw ah. Bakit gising ka pa?
Popoygelo: Ta*na! Oo nga ano? Di ko napansin. Panigurado late na naman ako neto bukas.
Boy Tanong: Pano yan? Madami pa akong tanong.
Popoygelo: Kaya mo bang magpigil ng ihi mo kung wala kang ibang maiihian?
Boy Tanong: Oo!
Popoygelo: Pwes pigilin mo na din muna yang mga tanong mo kung wala kang pagtatanungan. Matutulog na ako. Good night.
Boy Tanong: Suplado! Kala mo gwapo.
Popoygelo: Talaga!
Boy Tanong: May next time pa ba?
Popoygelo: Oo naman. Mag-abang abang ka lang. :)