Tulad ng nakagawian late na naman ako nakarating sa opisina. At tulad din ng nakagawian, hindi ko sisisihin ang pagpupuyat at bagal ng kilos ko kung bakit ako na-late. Nahuli ako ng dating dahil sa sikip ng mga kalye ng Maynila, dami ng sasakyan, matinding trapik at dahil sa Biyernes ngayon: Araw ng simba sa Quiapo.
Pero seryusli, nitong mga huling araw ng linggong ito, masyado na talagang nagiging mahimbing ang tulog ko. Hindi dahil sa gatas at lalong hindi dahil sa sleeping pills. Pagod lang talaga ako sa trabaho.
Dati, nung nag-o-OJT pa ako sa isang kumpanya na nasa Delpan, Tondo banda, sinabi ng isang katrabaho ko na mahirap maging empleyado under I.T. May mga panahon daw kase na kahit tapos na ang oras ng trabaho, at nasa bahay ka na pero ang nasa isip mo pa din eh kung bakit hindi mo ma-resolba ang problema na lumalabas sa program mo.
May ilang praning pa nga din na nagsabi na minsan daw, sa sobrang bumabaon na sa isip mo ang trabaho mo, pati sa panaginip mo eh 'yun padin ang makikita mo. At isa ako sa mga praning na nagsabi nun. Siguro minsan, iisipin ko na lang na ang problema ko sa opisina at si Christine Reyes ay iisa, para kung sakaling pumasok man sa panaginip ko, at least seksi at maputing babae ang makikita ko.
Sa totoo lang, tamad ako na empleyado. Kung hindi ako tamad, edi sana hindi ako nale-late sa pagpasok ng opisina. Ewan ko nga kung bakit may nagtyatyaga pang tumanggap sa akin. Dalawa lang naiisip kong dahulan: una, desperado na sila na magkaroon ng karagdagang 'manpower' or pangalawa, gwapo lang talaga ako at gusto nila magkaroon ng pantasya sa opisina. At kung papipiliin ako, mukhang mas matibay na rason 'yung pangalawa.
Ang kinaka-inisan ko lang naman talaga sa sarili ko bilang empleyado eh 'yung momentum. Absent ako sa nung tinuro yan sa physics namen nung high school, pero sabe ng kaklase ko nuon, pwede daw gamitin yan sa normal na pangungusap para magmukhang matalino.
Katrabaho: “Lunch na tayo.”
Ako: Mamaya na ako, sayang momentum eh.
Katrabaho: “Hindi ka pa uuwe?”
Ako: Tapusin ko lang to, sayang momentum eh.
Bibihira lang mangyare, pero pag inatake ako ng sipag sa pagtatrabaho, kahit ako hindi ko mapigilan ang sarili ko. May mga oras na nakakalimutan ko na maglunch, magtoothbrush at uminom ng sangkatutak na tubig para luminis ang internal organs ko dahil lang sa pagtatrabaho.
At siguro, dagdag na din na dahilan ang kawalan ng YM (chat) at Facebook dito sa opisina, nabawasan ang mga distractions para sa akin kaya kahit papaano ay nakakapagpokus na ako ng husto sa trabaho.
At nito ngang mga nakaraang araw, late na ako nakakauwi. One time, umalis ako ng opisina, alas-onse na ng gabi. Pagod at gutom na, kaya dumaan muna ako sa 7-11 sa ibaba ng building namin para lang bumili ng ensaymada at iced tea. Midnight snack na muna. Saka na ang dinner kapag nakarating na sa bahay.
Stressed?
Ako, hindi naman masyado. Dahil sa pagod sa trabaho kaya nagiging mahimbing ang mga tulog ko nitong huling araw, kaya kahit papaano nakakabawi naman ako sa pagod.
Biyernes ngayon. Dapat liliban ako sa pagpasok sa opisina. Nagpaalam na ako sa boss ko at pumayag naman siya. Kaso hindi pa tapos ang problema kahapon kaya napilitan din ako pumasok. Pero okay lang. Dumating ako ng opisina alas nuwebe y medya na ng umaga. Ngayon, pasado alas dose na ng tanghali at wala pa din akong ginagawa kundi mag internet at magsulat (eto ang normal kong pagkatao.) (At hindi pa nga pala ako nagla-lunch).
Kaya lang, kahit papaano sawa at pagod na rin ako na sumakay ng FX, umakyat ng 11th floor sa pamamagitan ng elevator at makakita ng LCD monitor sa harap ko. Gusto ko talagang lumabas at mag-out-of-town, kung hindi man sa buwan na ito, sana next month. Para lanag makapag 'Unload' ng mga naiiwang stress sa katawan at isip.
Pautang naman para may pang bakasyon ako. O kaya pasabit na lang sa bakasyon mo. :D
2 comments:
tara! gala tayo! :)
eh, naka schedule na kayo for boracay eh. pero pag may ibang out of town trips kayo in the near future, sabit ako ha. :)
Post a Comment