Para kay boss:
Dear boss, sorry kung isasantabi ko muna ang trabaho at mga tasks ko. Kailangan ko lang magsulat ng kwento para sa 3 readers ko. Sandali lang naman ito. Pagkatapos, babalik na ako agad sa pagiging alipin mo at ng kumpanyang ito. Promise! :)
At bago ang kwentuhan, isang pahabol pa.
Salamat Bro, kahit sobrang hassle ng mga nangyari kaninang umaga, nakarating pa din ako sa opisina ng maayos at ligtas. Late nga lang. At least ngayon, nagagawa ko pang enjoy-in ang magsulat at kainin ang baon kong Peanut Butter Sandwich. :)
Ang kwento:
Kahapon, Martes, maganda 'yung naging simula ng araw ko. Kung ano ang dahilan, hindi ko na lang babanggitin para sa sariling kong kaligtasan.
Kaninang umaga, Miyerkules, mga pasado 7:30AM ng makasakay ako ng taxi mula palengke ng T. Sora hanggang Makati. Apat kami na pasahero ng taxi, lahat papunta ng Makati Central Business District - 75.00 pesos ang bayad kada pasahero.
Matanda ang driver nung taxi na nasakyan ko. Naisip ko, dahil sa edad niya, mabait na driver si manong. Responsable magmaneho, maingat. Madiskarte. Tama naman ang hinala ko ... nung umpisa lang. Pero nagbago ang lahat ng nasa Kamuning na kami.
Umiwas yung driver namin sa traffic sa Cubao Tunnel - EDSA kaya dumaan siya ng inner streets sa Kamuning para makarating ng Cubao - Araneta Center tapos saka lulusot ng P. Tuazon pabalik ng EDSA.
Masikip 'yung kalsada, medyo alanganin para sa 2 lanes. Lilipat sana ng kabilang lane yung driver namin, sa may kanang lane. Tinitingnan naman nung driver 'yung kanang bahagi ng taxi, chine-check kung may mahahagip ba o wala. Nung masigurado na safe na, tumingin na ng diretso si manong at saka tumapak sa silinyador.
Tapos.
Blag!
Bigla na lang may motor na sumingit sa gilid at nabunggo ng taxi driver namin. Tumumba 'yung motor pero wala namang malalang nangyari. Minor accident lang. Tumigil 'yung taxi driver namin, hinihintay niya na kumprontahin siya nung dalawang traffic enforcer na sakay nung motor na nabangga namin. Mga limang minuto pa bago lumapit 'yung isang sakay nung motor pero wala naman siyang sinabi sa driver namin. So akala namin, okay na ang lahat.
Umabante 'yung taxi namin at inabutan ng red light kaya tumigil kame ulit sa kanto. Tapos humabol 'yung motor at saka humarang sa harapan ng taxi namin. May sinasabe 'yung nakasakay sa motor pero hindi ko marinig at maintindihan. Siguro sinasabe niya: "Langya kang driver ka ah, binangga mo kami, pasalamat ka at gwapo 'yung nakaupo sa front seat ng taxi mo. Dahil dun, abswelto ka na." Ako 'yung nasa front seat siyempre.
Dahil dun, tumabi ulit 'yung taxi driver namin sa bangketa. Bumaba ng taxi at saka nakipagusap dun sa mga sakay ng motor na nabangga namin. Mga kulang kulang sampung minuto ang nakalipas, bumalik na 'yung taxi driver namin. Hinihingal. Ini-start 'yung taxi at saka humarurot. Akala ko na-settle na nila lahat. Hindi nagsasalita 'yung driver. Bumibilis 'yung pagpapatakbo niya at saka dumaan sa mga eskinita. Nung makabwelo na siya sa paghinga, sabi niya: "Baba na lang kayo dun sa bandang unahan, tinakasan ko kase 'yung dalawang nakasakay sa motor eh." Parang Grand Theft Auto lang.
Patawid na kami sa isa pang intersection tapos dun sa kabilang kanto kami ibaba ni manong. Kung mamalasin nga naman, habang tumatakas eh nakabangga ulit si manong ng isa pang taxi. Pina-atras nung driver namin 'yung taxi at saka humarurot pa-abante para iwanan at takasan din 'yung nabanggang taxi. Kung Grand Theft Auto nga ito, may 2 stars na 'yung criminal rating namin.
Kaming mga pasahero, natakot na kami. Madami nang humahabol sa amin at mabilis na magpatakbo si manong. Kaya sabi namin, bababa na kami. Sabi nung driver: "Dun na sa bandang unahan." Gusto niya munang masigurado na wala na 'yung mga humahabol bago siya tumigil. Maya-maya lang, nakababa na din kami. At mag-isa na lang si manong driver sa paglalaro ng Grand Theft Auto - Live! Kung ano pa nangyari sa kanya at sa mga humahabol sa kanya, hindi ko na alam.
Pumara kami ng ibang taxi para ituloy ang biyahe papuntang Makati. Isang company taxi ang nalipatan namin - DOLLAR Taxi, 'yung kulay pula. Okay naman ang pagmamaneho ng driver. Company taxi kase kaya maingat din siya. Medyo matraffic na sa EDSA mula Cubao hanggang Santolan. Pagdating Ortigas, medyo maluwag na kaya nagsimula na din humarurot si manong.
Sa outer right lane na dumaan 'yung taxi na sinasakyan namin para iwasan 'yung mga nagsisiksikang sasakyan papasok ng Shaw Blvd. Tunnel. Tapos babalik na lang sana siya ng inner left lane kapag malapit na kami sa Tunnel. Nung simulan na nung driver 'yung pagbalik sa left lane, bigla namang may isang bus na bumaling pakanan, papunta ng outer right lane din. Buti napansin agad nung driver namin at naiwasan niya. Sa bilis nung takbo ng taxi namin, kapag bumangga kami sa bus na yun. Panigurado, magpapaikot-ikot kami - parang bote sa larong Spin-the-Bottle.
Sa puntong yon, dalawang aksidente na 'yung kinasangkutan ko tapos 'yung isa, muntikan na. Alam ko male-late na ako, kaya hindi na kasama sa mga dasal ko na sana eh hindi ako ma-late. Ang hinihiling ko na lang, makarating ako sa ofis ng ligtas.
Buti na lang at natupad ang kahilingan ko at nandito pa ako ngayon, nagba-blog sa oras ng trabaho habang kumakain ng peanut butter sandwich na malamig na dahil sa aircon.
Dear Boss,
Ayan na tapos na ako magsulat. Kung mabasa mo man ito, alam mo na kung bakit ako late ngayong araw. Sige, babalik na ulit ako sa pagtatrabaho.