In a little while, boarding will now commence

May 2012 nung huli akong nakapasok sa loob ng isa sa mga paborito kong lugar sa Metro Manila. Bumiyahe kami nuon patungong Tuguegarao.

June 2012, nung huli akong nakabalik sa parehong lugar pero hanggang sa may bandang labas lang ako. Hindi ako nakapasok hanggang sa pinakaloob.

At ngayon, naandito na ako ulit sa boarding area ng NAIA Terminal 3, ang isa sa mga lugar na gustong gusto kong puntahan at tambayan.

Hindi ko alam kung ano ang meron sa airport na ito pero pag naandito ako, okay ang pakiramdam ko. Wala akong pakialam kahit matagal akong maghintay ng boarding time at kahit ma-delayed ang flight ko (wag lang sobrang delayed), basta't naandito ako sa lugar na ito, masaya na ako - panatag ang loob ko.

Ngayon, nag-aabang na lang ako ng pagdating ng eroplanong sasakyan namin mula Maynila papuntang Cagayan de Oro. Flight 5J-379, 7:10 AM ang lipad, 6:40AM ang boarding time. Mag-isa muna akong bibiyahe, dun na kami sa CdO mismo magkikita ng boss ko.

Pupunta ako ng CdO para sa isang Official Business Trip. (Naks naman! Gumaganun na pala ako ngayon!) Sa totoo lang, hindi naman talaga ako kailangan dun. Kayang kaya iraos ng boss ko ang training nung bagong project na ginagawa namin. Kumbaga, ang pagpunta ko dun ay isang "Accessory" na lang. Siguro kailangan lang ng isang gwapong tao na ipanghaharap sa mga trainees kaya pinapapunta ako dun. Oh well, hindi ko naman sila masisisi.

Kahit hindi naman ganun ka-importe ang role ko sa CdO (kase nga naandun lang naman ako para magpa-gwapo at magpa-cute), tinanggap ko na din ang alok na pumunta sa nasabing lugar. Medyo stressed out na din ako sa Maynila eh. Nung mga nakaraang linggo, ilang araw (at gabi) din akong napuyat kakapilit tapusin ang project na ginagawa namin (na awa ng Diyos, hanggang ngayon ay hindi pa din tapos.) Muntik na akong maging si "Kuracha" na ihi lang ang pahinga.

Dapat salitan kami ng ka-team ko sa lakad na ito, isa sa amin ang pupunta ng CdO at isa sa amin ang pupunta ng Ilo-ilo. Buti na lang mabait yung ka-team ko (kahit most of the time eh mataray siya - babae kase). Binalato niya na sa akin ang "Business Trip" na ito. Ako na ang pupunta ng CdO at Ilo-ilo. Yehey!

Siguro nga kailangan ko talaga itong biyaheng ito, kahit pa sabihin na hindi naman ako makakapaglibot sa mga nasabing lugar na pupuntahan ko. Basta magkaroon lang ako ng sandaling panahon na iba ang paligid na gagalawan ko. Ibang lugar ang makikita ko. At malayo ako sa maingay at abalang mga kalsada ng Maynila, okay na ako.

At sana, pagkatapos nito, pagbalik ko sa Maynila, nakapag-relax na ako kahit unti para may sapat na lakas ako na harapin ang isa na namang buwan ng pakikipagbuno sa project na hindi matapos-tapos.

Goodluck na lang sa akin at sa good looks ko. :D

2 comments:

Ganda said...

parang kilala ko yong mataray na yon...heheh!

God bless you gelo! sana nga matapos na yang project na yan, para makapagasawa kana..ooppps! heheh!

popoygelo said...

@Ganda: malamang kilala mo nga kung sino yun. hehe. :p

yung project, mukhang mapupurnada na naman at baka sa January 2013 na ang implementation.

yang pag-aasawa, mukhang matatagalan pa. medyo may pinagdadaanan pa ngayon.