Medyo badtrip lang ako sa simula ng bakasyon ko na ito. Friday September 7, dala ko na sa opisina ang mga gamit ko. Isang backpack na puno ng mga pamalit na damit. At isang camera bag. Ang original plan, magpapa-late na kami ng stay sa opisina para lang makahabol sa deadline, tapos makikitulog na ako sa condo ng katrabaho ko na malapit lang sa opisina. Medyo excited pa ako nun. Hanggang sa lumipas ang mga oras at hindi na kami nakaalis ng opisina. Dun na kami nag-overnight.
September 8, finished or not finished, sabi ko aalis ako sa opisina ng 9:30AM. Kailangan ko makarating ng mga 11:00AM sa airport NAIA Terminal 3, 12:00PM kase ang flight namin via Cebu Pacific.
Nakarating ako ng maaga sa airport at dun na din nag breakfast. Tapsilog sa Andiamo Cafe sa upper level ng NAIA Terminal 3, malapit sa bilihan ng mga damit/pasalubong, bandang dulo.
Dun ko na din hinintay ang mga kasama ko na parehong late dumating. Akala ko nga hindi sila aabot. Pero kung umabot man sila o hindi, desidido akong ituloy ang bakasyon kahit ako na lang mag-isa.
Nakumpleto kami, mga less than 1 hour before our flight. Medyo masama na ang simula ng araw ko. Iniisip ko na sana, sa kabila ng lahat ng hassle eh makapag-enjoy ako sa bakasyon ko. Excited pa din naman ako lalo na't ang pupuntahan namin eh isa sa mga dream destination ko - Ilocos!
1:20PM ng makalapag ang eroplano namin sa Laoag Airport. Paglabas ng airport, may mga nagtatambol pa na sumasalubong sa mga pasahero. Feeling fiesta. Isang magandang pangbungad.
Mula airport, maglalakad na lang sana kami palabas ng hiway para dun na magabang ng sasakyan papunta sa accommodation namin. Pero habang naglalakad, hinintuan kami ng isang jeep/multicab at sinabing papuntang Laoag City ang biyahe niya. Sumakay na kami at nagpahatid kami sa Texicano, kung saan kami tutuloy. Php. 40.00 ang ibinayad namin sa jeep/multicab.
Mga 20 minutes lang na biyahe, nakarating na kami sa Texicano. Ang original na plano namin eh, dun kame mag-i-stay sa Fan Rooms na walang TV. Php 310.00 per room, since tatlo kaming magkakasama, dalawang kwarto ang kukuhain namin. Ang Fan Rooms eh kaya lang mag-accommodate upto 2 pax (maximum), dun sa isang kwarto magsasama yung dalawang babae. Yung pangalawang Fan Room eh para sa akin. After inspection, hindi ko nagustuhan ang kwarto dahil sa mga sumusunod na dahilan.
Una, nasa lumang building nila ang mga kwarto. Ang flooring ay kahoy. Ang hagdanan ay kahoy. Mga poste ay kahoy. At ang buong kwarto ay kahoy din. Wala namang problema sa amin ito, pero medyo nakakatakot kase ang ambiance. Nagbibiruan pa nga kami na bawat hakbang namin eh may maririnig kaming langitngit na mula sa pintong kahoy na dahan dahang bumubukas.
Pangalawa, yung kwarto na sabi eh good for 2, sobrang sikip para sa dalawang tao. May isang kama sa gilid at sa mismong bandang ibaba lang nito, naglagay lang ng isa pang extra mattress. Kaunti lang ang pagitan ng kama at ng extra mattress.
Pangatlo, yung isang room na ibibigay para sa akin, masyadong malayo sa room nung dalawang babae na kasama ko. So siyempre hindi ako pumayag. Naisip ko kase, paano kung pagdating ng gabi eh natakot ako? Ang layo ng tatakbuhin ko para lang makitago sa kumot ng mga kasama ko. No way!
Ang nasa isip ko, kahit pa sabihing nasa budget travel kami, hindi pwedeng isakripisyo ang accommodation. Dapat kahit papaano, pag pagod ka sa tour, pagdating sa tutuluyan eh dapat madama mo yung comfort na hinahanap mo after ng mahabang araw ng lakaran, kainan at picture-an. At alam ko na hindi iyon mabibigay ng mga lumang kwarto sa lumang building ng Texicano.
Buti na lang, nabanggit nung taga Texicano na may bago silang building, bagong mga rooms. Mas mahal nga lang. Php. 875.00 ang room na good for 2 tapos plus Php. 280 para sa extra pax. After ma-inspect ang kwarto, nagdesisyon kami na yun na lang ang kuhain. Maluwag ang kwarto, sobrang luwag! May tatlong kama. May maliit na T.V. at may aircon. May malinis at maayos na banyo din. (Sayang lang hindi ko nakuhaan ng picture yung luma at bagong kwarto.) Medyo mahal lang ang kwarto kumpara dun sa unang na-i-plano na namin, pero after ng kaunting usapan, pumayag naman yung taga Texicano na bigyan kami ng 10% discount. So okay na din. :)
(Texicano Sign - yung entrance eh nasa gilid, papasok ka pa sa isang street tapos lakad ng kaunti)
Pagkatapos makakuha ng kwarto. Nagayos na kami ng gamit. Nagpahinga sandali at nagpalamig. Kailangan mag-freshen up dahil sobrang init sa Laoag City. Nanunuot sa balat. Kahit yung sangkatutak na melanin sa katawan ko eh muntik nang sumuko.
3:00PM, umalis kami ng Texicano at saka nagsimulang maglakad papuntang Partas Bus Terminal. Walking distance lang ito from Texicano, mga 10-15 minutes na lakad. Pwede din naman kayong mag-tricycle pero there's always the possibility na magulang kayo pagdating sa pamasahe. So mas maigi, kung magta-tricycle kayo, itanong niyo muna sa receptionist sa Texicano kung magkano ang pamasahe para may idea kayo.
From Laoag, bumiyahe kami papuntang Vigan, Dalawang oras ang biyahe. Mas matagal pa na travel time kumpara sa Manila-to-Laoag via airplane. Pero okay lang naman. Air-conditioned naman ang bus eh. At kumportable ang upuan. Pwedeng umidlip.
Bumaba kami sa Munisipyo o City Hall mismo ng Vigan at naglakad kami diretso papunta sa simbahan. Pumasok kami sa St. Paul's Cathedral. May on-going na misa at madaming tao. Sakto kase fiesta sa lugar. Kaya madaming tao din. Sa loob ng simbahan, sa mga poste at mga dingding, may mga lapida na nakalagay. Sabi ng kasama ko, dun daw nililibing yung ibang mga tao at yung mga pari na nagsilbi sa simbahan.
Bell tower ng St. Paul's Cathedral
Front view ng St. Paul's Cathedral
Pagkatapos sa simbahan, naglakad-lakad na kami sa paligid ng Vigan. Nakakatuwa sa lugar na ito kase parang pinananatili nila yung lumang itsura ng mga establishamento. Kahit yung mismong building ng mga banko at ng McDonald's, luma ang itsura. Vintage na vintage ang dating. Ang galing.
Hinahanap namin ang Calle Crisologo, medyo naligaw pa kami nung una pero dahil hindi naman ganun kalaki ang lugar, natunton din namin ang hinahanap namin.
Yung Calle Crisologo, parang Intramuros lang din. Pero mas okay ang dating. Mas okay yung atmosphere. At mas authentic tingnan. Authentic din naman ang Intramuros pero mas lamang para sa akin ang Calle Crisolog.
Ang nakakatutuwa pa sa Calle Crisologo eh ang vintage na dating ng lugar. Yung feeling mo talaga nasa sinaunang lugar ka. Yung tipong kaya mong ma-imagine yung may makikita kang mga babae na naka-FilipiƱana at mga kalalakihan na naka kamisa-de-tsino o nakabarong tagalog.
Makukumpleto pa yung Historical Feeling kapag nilibot mo ang buong lugar sakay ng isa sa mga sinaunang moda ng paglalakbay - Ang Kalesa. Hindi na namin ito ginawa dahil mas na-enjoy naman namin maglakad-lakad.
Nagkalat din ang souvenir shops sa buong kalsada. May mga damit, bag, carved wood figurines, pamaypay at kung ano-ano pa. Tumingin-tingin ka lang at for sure eh may magugustuhan kang damit na maiuuwi mo sa Maynila. Ako personally eh bumili ng dalawang damit. Parehong design, magkaiba lang ang kulay - isang black at isang blue. From original na Php. 200.00 per shirt, pumayag si ate na Php. 190.00 na lang. Ayaw niyang pumayag sa 150 kahit 180. Kuripot ba talaga ang mga Ilocano o baka mahina lang talaga ako tumawad? Nagtatanong lang po.
Isa sa mga souvenir shops sa Calle Crisologo
Calle Crisologo at ang Kalesa na umiikot-ikot sa lugar
Popoygelo at Xtidahl (college friend/classmate and now, travel buddy)
Yung mga street sign, bintana, dingding, pinto at loob ng bawat building sa lugar eh lumang luma talaga tingnan. Parang walang ni-restore. Parang well-preserved from it's original state.
Calle Crisologo sign and lamp post
Travel Buddies Xtidahl and Jona
Para kaming mga batang dinala sa Luneta. Tuwang tuwa sa lugar na pinagdalhan sa amin. Hindi namin mapigilang mapangiti habang naglilibot sa Calle Crisologo. Hindi din namin mapigilan siyempre ang kumuha ng maraming picture. Usually, hindi ako nagpapa-picture ng solo. Tanggap ko naman na kase na pang-likod lang ako ng camera. Pero inilabas ng Calle Crisologo ang camwhore within me. Sa sobrang excited/tuwa/saya ko, nagpapicture ako ng nakahiga sa kalsada doing my "okay" pose.
"Picture me like one of your French Girls" Shot
Isa sa mga souvenir t-shirt designs sa Calle Crisologo - dahil sa souvenir t-shirt na ito, ang buong Ilocos Trip namin eh napuno na ng "second meaning" jokes and punchlines. :D
Pagkatapos magikot, mamili ng souvenir t-shirts at kumuha ng sangkatutak na pang-"FB profile pic" na picture, naghanap na kami ng makakainan. Ang usapan namin, after kumain eh babalik kami sa Calle Crisologo just to see how the place looks like at night time.
Nadaanan namin ang Cafe Leona. Tiningnan ng mga kasama ko ang menu sa nasabing restaurant. Php. 150.00 pesos yata (kung tama ang pagkaka-alala ko) yung presyo nung Pinakbet na good for 2 or 3 ang serving. Pwede naman na pero we opted to look for something cheaper.
Dahil sa fiesta sa lugar, may night market na naitayo sa Plaza. Maraming nagtitinda ng mga furnitures. At marami ding mga makakainan. Dito kami sa night market nagdesisyon kumain. Sa isa sa mga tindahan, umorder kami ng:
- Hotdog (dahil request ng isang kasama namin)
- Vigan Longganisa (na request ko naman)
- Pinakbet
- at Bagnet na inorder namin sa kabilang tindahan naman.
(Trivia lang: Mahilig ako sa longganisa na ulam kaso ang alam ko na lasa ng longganisa eh yung hamonado, yung matamis ang timpla. Nung una akong nakatikim ng Longganisang mabawang ang timpla, hindi ko naubos. Nasusuya kase ako sa lasa. Parang panis. Pero this time, na-enjoy ko na ang pagkain ng mabawang na timpla ng Vigan Longganisa.)
Ang binayaran namin lahat lahat eh Php. 330.00 lang para sa aming hapunan. Sulit na sulit, at busog pa. Masarap din yung libreng soup dun sa kinainan namin sa night market.
Cafe Leona
After maghapunan, bumalik kami sa Calle Crisologo, bukas na ang mga ilaw. Mas kaunti na ang mga tao. At mas maganda na ang lugar. Calle Crisologo at night time is one thing you must see kapag nasa Vigan ka.
Popoygelo doing his one and only and overused "okay" pose
7:00 PM, from Vigan sumakay kami ng tricycle papuntang Hiway. Dun lang daw kase may mga dumadaan na bus papuntang Laoag. Naghintay kami ng bus na bumiyahe pa from Manila. Mga 7:30PM na kami nakasakay. Before 10:00PM, nakabalik na kami sa Laoag, sa aming accommodation sa Texicano. At dun natapos ang Day 01 ng Ilocos Trip namin.
Pagkabalik ng accommodation, kailangan ko pa magbukas ng laptop para magsupport sa trabaho na naiwan ko sa maynila. Bakasyon at nagtatrabaho pa din ako. Paki-ready na ang mga Guardia Civil at ang mga mahahabang riple at i-firing niyo na ang isang martyr na katulad ko. Hehe. :p
--
Total Expenses:
Popoygelo's Travel Tips:
1. Kung sa Texicano kayo tutuloy, ask for their rooms from the New Building. Or kung okay kayo dun sa lumang building, pwede din naman. Whatever floats your boat dude.
2. Humingi ng Discount sa Texicano (kung sakaling dito nga kayo tutuloy), baka sakaling bigyan din kayo ng 10% discount. Ngitian mo lang sila ateng receptionist to lighten the atmosphere at ng mapadali ang tawaran portion.
3. Okay ang pwesto ng Texicano. Strategically Placed. Malapit sa kainan (sa tawid lang yung Saramsam na pwede niyong orderan ng Pinakbet Pizza.) Malapit din ito sa mga terminal ng Bus at sa Plaza mismo ng Laoag City.
4. Wag basta basta sasakay ng tricycle. Magtanong muna sa receptionist ng hotel na tinutuluyan niyo kung magkano talaga ang pamasahe, para lang di kayo magulangan ng mga driver. May nangyari sa amin na parang inikot lang kami ng dalawang kanto lang tapos siningil kame ng Php. 40.00.
No comments:
Post a Comment