Where Parlor Games Include Brush, Scissors, Cuticle and Gossips.

'Yung pangalawa sa huli kong pagupit ng buhok eh nung last year pa. At isa 'yun sa mga pinakamemorable at pinaka-nakakairita. Sa isang parlor sa palengke malapit sa subdivision na tinitirhan ko.


Isa sa mga malalaking dilemma na nararanasan ko eh dumarating pagkalipas ng mga dalawa o tatlong buwan, kapag dumating na 'yung panahon na kailangan kong magpagupit. Tulad ng alam na ng mga taong nakakakilala sa akin, kulot ang mga buhok ko kahit saan: sa ulo, sa binti, sa kili-kili at sa ibang lugar na pwede pang tubuan ng buhok maliban na lang sa ilong. Lahat yan 'kulot. (Ano nga kaya ang pakiramdam ng may kulot na buhok sa loob ng ilong?)


Balik tayo sa kwentong parlor.


Naiilang talaga ako pag naghahanap ng lugar kung saan magpapagupit. Walang barber shop ('yung pang machong mga lalake na pagupitan) sa lugar namin. Puro parlor. Ricky Reyes, Cosmopolitan, Vinia Velez, I love you Salon at isang pagupitan na Barber Shop lang ang nakalagay sa harap pero bakla at medyo matandang babae na blonde ang buhok ang naggugupit.


Sa totoo lang, kahit nasa mahigit tatlong taon ko ng ginagawa ang mga pagpapagupit sa parlor, hindi pa din ako kumportable. Kung hindi ko lang talaga kailangang magpagupit, hindi ko na talaga gagawin. Sa parehong paraan na hindi na ako maliligo kapag hindi lang din kailangan.


December 2009, tulad ng nakasanayan, lahat ng may mga itinitindang produkto at mga nago-offer ng serbisyo ay nagbibigay ng discount dahil sa panahon ng kapaskuhan. Ang electric fan mo, mas mababa na ng kalahating porsyento ang presyo, kaso gawa sa papel 'yung elesi. Ang washing machine, babawasan ng isang libo ang orihinal na presyo, laki na ng natipid mo. Pero masisira kapag nilagyan mo ng tubig. At ang paborito mong brand ng laptop, bagsak presyo na din, kaya lang walang keyboard, keypad lang na katulad ng sa celfone mo pero pwede mo na ding pagtyagaan.


Lahat nagbibigay ng discount at hindi magpapahuli ang mga may-ari at mga empleyado sa parlor dahil kapag mga ganitong panahon, nagbabawas din sila sa presyo ng kanilang mga serbisyo. Ang tsismis lang ang walang discount sa parlor dahil they'll give this to you for free whether you like it or you like it.


Pumasok ako dun sa pagupitan na Barber Shop ang nakasulat sa harapan pero isang bakla at matandang babae na blonde ang buhok ang naggugupit. Medyo madaming tao, pero okay lang, pinili ko na lang maghintay, maupo sa sofa nila at saka manuod ng palabas sa TV. Sa lahat ng pagupitan sa lugar namin, ito lang ang kaya kong tiisin dahil sa medyo maliit ang pwesto nila. Kaunting customer lang ang pwede nilang serbisyuhan ng sabay sabay.


Tapos maya-maya, tinanong ako 'nung bakla kung magpapa-rebond din daw ba ako ng buhok.


Bakla: Magpaparebond ka din sir?

Gwapo este, Ako: Ay hindi po, papagupit lang sana.

Bakla: Akala ko magpaparebond ka din eh, andami kaseng nagpaparebond ngayon dahil sa promo.


(Tulad ng nasabi ko kanina, lahat discounted pag christmas season)


Ewan ko kung nagpo-promote lang talaga siya ng discounted na pagpapaunat na buhok o pasimple siyang nagpapakawala ng indirect insult towards me, my good looks and my kinky hair.


Hindi ako mainiping tao, kaya kong maghintay ng matagal kung alam ko na importante naman ang hinihintay ko (parang 'love' lang). Pero hassle para sa akin ang maghintay na magupitan sa loob ng isang masikip parlor na walang ibang naririnig kundi ang chismis sa tv. Ang chismis galing sa manggugupit. Ang chismis na galing sa customer. At ang maingay na tunog at mainit na hanging galing sa blower ng ginagamit sa buhok ng babae na nagpaparebond.


Yung isang medyo may edad ng babae na katabi ko, panay ang pakikipag-small talk sa akin. Simpleng mga pag-uusisa at pagtatanong na hindi ko alam kung makakapagbago ng ekonomiya ng bansa o magpapaalis sa presidente. Mga echos lang.


Isang malinaw kong naalala eh nung nagpapa-pedicure siya, ayaw niyang ipakutkot 'yung gilid ng kuko ng hinlalaki niya sa paa. Magkaka-in-grown daw siya. Arte! :p


Siya 'yung pinakamadaldal at pinakademanding na customer dun sa parlor habang naandun ako. Tapos pag-alis niya, sampung piso lang ang iniwan ng tip para sa lahat ng mga chinismisan niya. Galante? Tingin ko, oo!


At natural sa mga noypi ang mang-back stab. Kaya paglabas nung customer na 'yun, ayan na ang mga negatibong komento na hindi nila masabi ng harapan kaya inilalabas lang nila pag wala na ang kalaban.


(Not exactly the correct exhange of words:)


Manggupit 1 (bakla) : Grabe naman 'yun, sampung piso ang tip.

Cashier (babae) : Oh ayan, hati hati kayo dyan.

Manggupit 2 (babae) : hahaha (tumawa na lang)

Manikurista (babae) : ngumiti na lang at wala nang nasabi pa.

Ako (lalake, gwapo, macho, kulot) : nag-iisip kung kelan ako magugupitan para makaalis na sa parlor na 'yun.


Matapos magupitab 'yung isang babae na nagpa-layered ng buhok, ako na ang next. Sa wakas. Simple lang ang instruction ko. Clean cut! Wag masyadong maiksi at mataas. 'Yung sapat lang para mawala 'yung pagkulot ng buhok.


Spray ng tubig. Suklay. Gupit. Tsimis ng manggugupit. Pagpapa-cute ko sa salamin. Spray ng tubig. Suklay. Gupit. Tsimis ng manggugupit. Pagpapa-cute ko sa salamin. Spray ng tubig. Suklay. Gupit. Tsimis ng manggugupit. Pagpapa-cute ko sa salamin. Spray ng tubig. Suklay. Gupit. Tsimis ng manggugupit. Pagpapa-cute ko sa salamin. Paulit-ulit ang routine na yan hanggang sa matapos akong gupitan.


Sa totoo lang, hindi ko gusto 'yung naging gupit ko noon, pero no-choice na ako. Hindi naman pwedeng i-scotch tape 'yung mga buhok ko at idugdog para kunwari back to zero ang gupitan. Kaya tinanggap ko na ang mapait na katotohanan. Nagbayad na lang ako at lumabas sa parlor without looking back.


Sabi ko sa sarili ko, hahanap na talaga ako ng barber shop na mga straight na barbero ang manggugupit.


Goodbye parlor experience!


Pagkalabas ng parlor. Pumunta ako sa Eunilane Supermarket na malapit sa parlor at bumili na lang Selecta Quezo Real Ice Cream on Stick para pagaanin ang loob ko.

No comments: