Oh My Gulay!
Hindi ko maalala kung ano 'yung kauna-unahang gulay na kinain ko nung bata pa ako. Siguro kalabasa yun. Mula nung bata pa kase ako, ayaw ko na talaga sa mga gulay. Choosy kase ako eh, kung makakakain naman ako ng isda, manok, baboy o baka, bakit ko pa pipiliin kumain ng gulay? Mas gugustuhin ko pa nga mag-ulam ng isang pakete ng Ovaltine o Milo kesa mag-ulam ng gulay. Ibubuhos mo lang 'yung Ovaltine o Milo sa bagong saing na kanin, solb ka na.
Noon, kalabasa lang talaga ang gulay na kaya kong tiisin na kainin. Hanggang ngayon, gusto ko pa din ang kalabasa, isa sa mga paborito kong gulay.
Unti-unti, habang tumatagal, natuto na din ako kumain ng ibang gulay bukod sa kalabasa. Sunod na nagustuhan ko na gulay eh sitaw.
Sunod, nasubukan ko kumain nung mga gulay na nasa pancit tulad ng repolyo, kerots (carrots), baguio beans. Paano ba naman kase, duon sa kinalikahan ko na lugar kapag may mga birthday celebration, laging nasa lamesa ang pancit. Dati sine-segregate ko pa 'yun - hinihiwalay ko 'yung mga gulay sa mga bihon, tapos yung bihon lang ang kakainin ko. 'Yung gulay, maiiwan na lang sa plato ko. Pero pag gutom na gutom ka na, hindi na uso yung pag-segregate pa ng bihon at gulay. Talo talo na. Diretso kain na.
Kadyos at langka, isa din sa mga paborito kong gulay combo.
Alam mo ba 'yung kadyos? 'Yun 'yung parang kulay itim na beans na maliliit. Madalas 'yun niluluto sa bahay dati kasabay ng pata ng baboy saka langka. 'Yung kadyos kapag sinahog mo sa ulam, nagiging kulay itim ang sabaw. Sabi nung ilang kamag-anak ko, pinaglihi daw ako ng nanay ko sa kadyos kaya maitin ang kulay ng balat ko. Minsan tong mga lihi lihi na to nakakaloko din eh. 'Yung iba naman sabi sa adobong pusit daw ako pinaglihi. 'Yung iba, sabi sakape naman daw ako pinaglihi. Hindi ko alam kung inuuto lang talaga nila ako o kung inaasar na nila ako eh.
Talong.
Mga ilang taon pa lang ang nakakalipas mula nung natuto akong kumain nang talong (okay, bawal muna ang 'green' thoughts ha, wholesome na usapan muna). Nung panahon na yun, tortang talong ang kinain ko. At mula nuon, hindi ako kumakain ng talong kung hindi torta ang luto. Pero minsan nangyare sa akin na umorder ako ng kare-kare. Ubos na 'yung karne saka ibang sahog ng ulam ko, talong na lang ang naiwan. Dahil sa gutom pa ako, pinilit ko na din kainin 'yung dalawang slice ng talong na nakasahog sa kare-kare na ulam ko. Talk about desperation. Pero okay naman pala ang lasa. Pwede nang pagtyagaan kung no choice na talaga.
Tapos nadagdag na sa listahan ng mga kinakain kong gulay ang okra at patatas. Pati sayote nakakain ko na paminsan-minsan. Tapos sa mga buffet, nagagawa ko na din kumain ngayon ng salad: lettuce, makatis at pipino tapos may thousand island dressing. May mga bagay talaga na masarap pag dressed - tulad ng salad at manok.
Pero may mga bagay din na masarap kapag 'undressed' tulad ng ... tulad ng... tulad ng... Okay fine! Wala akong maisip na example.
Through the years, nagmature na din ang panlasa ko sa mga pagkain. Kahit mga gulay nagagawa ko nang kainin ng kusa at hindi sapilitan.
Pero kahit anong pag-ma-mature pa ang mangyari sa panlasa ko, hinding hindi pa din ako kakain ng papaya. Kase nakakabawas daw 'yun ng ... oops, di ko pala pwedeng sabihin. Sabi ko kanina wholesome ang usapan na to. :)
No comments:
Post a Comment