Who would have thought?

Isa sa mga bagay na pwede kong ipagmalaki eh ang pagiging mayaman ko sa melanin. Marami akong naiisip na dahilan kung bakit ako maitim: Una, dahil sa nung bata ako, madalas akong nasa labas ng bahay para maglaro sa ilalim ng mainit at matinding sikat ng araw. Pangalawa, dahil sa dami ng melanin ko sa balat. Pangatlo, dahil sa pinaglihi ako ng mama ko sa adobong pusit at dinuguan. Lahat yan, mga posibleng dahilan kung bakit nasobrahan ako sa pagiging moreno.

May pakinabang din naman 'yung pagkakaroon ng madaming melanin. Napapansin ko noon, nung high school pa ako, mas nagagawa kong magbilad sa ilalim ng araw habang naghihintay ng jeep na masasakyan pauwi. Ang ibang kasabay ko na nag-aabang, mga nakapayong o di kaya'y nakasilong sa mga lilim para iwasan lang ang ginintuang sikat ng araw. Samantalang ako, taas noo ko iyong sinasagupa.

Kapag nagbi-beach, kadalasan, hindi na ako naglalagay ng mga lotion o sun-block o sun-screen na yan. Hindi din naman yan kilala ng balat ko. Kampante ako na hindi na ako kaya pang paitimin ni haring araw kahit gaano pa katindi ang sikat niya. Mula nung bata ako, wala akong memorya na nagrereklamo ako na masakit at mahapdi ang likod ko dahil sa sunburn. Kaya masasabi ko na ni minsan eh hindi ako nabiktima nung mga kaklase na namamalo sa likod kapag alam nila kagagaling mo lang sa beach.

Kapag nagbi-beach din ako, 'yung ibang kasama ko, pansin na pansin 'yung pagbabago nung kulay ng mga balat nila. Pero ako, kaunti lang o halos walang pinagkaiba. Ganun pa din. Maitim talaga.

Doon ko napagtanto, hindi ako kaya ni Haring Araw. Hindi na niya ako mapapaitim. Hindi niya ako mapaparusahan ng kanyang kapangyarihan na 'Super Sunburn'. 'Yun ang akala ko. Mali pala ako.

Nung sabado, dahil sa naandito 'yung mga pamangkin ko na laking Canada. Naisipan silang ipasyal ng tatay nila sa beach. Nagpunta kami sa Matabungkay. Apat na oras na biyahe mula Q.C. hanggang doon. Mahabang biyahe. Halos mabingi pa ako dahil 'yung nirentahan na jeep eh nahihirapan sa mga pataas na daanan. Kapag napupwersa 'yung makina, lumalakas 'yung ingay na lumalabas sa tambutso. Apat na oras ko din tiniis 'yun.

Nung nakarating na kami sa Matabungkay, agad na silang nagrent ng floating cottage. Sa tingin ko naman alam mo na ang floating cottage. Kung hindi pa, siguro naman kaya mo nang i-picture out 'yun - self-explanatory na yan kaibigan. Pero kung hindi mo pa din talaga alam, Google is your friend, my friend.

Nung madala na sa magandang pwesto 'yung floating cottage na nirentahan namin, sinumulan ko na ding magbabad sa tubig dagat. Maayos naman ang panahon. Medyo maambon tapos makulimlim. Kaso nung tumagal, umaraw na ng pagkatindi-tindi. Binaliwala ko lang 'yun. Nagbabad pa din ako sa tubig. Umaahon lang ako pag kakain na o kaya kapag magpapahinga. Hanggang sa natapos na ang mahabang bakasyon. Mga alas kwatro eh nagumpisa na kaming bumiyahe pauwi.

Sa biyahe pauwi, tiniis ko na naman ang pananakit ng pwet dahil sa apat na oras na biyahe. Tiniis ko din ulit ang sakit ng tenga dahil sa ingay ng tambutso. Pagkauwi, kumain lang ako ng triple decker sandwich at saka natulog na.

Paggising ko kinabukasan, sinalubong ako ng masakit na katawan, mahapding likod at balikat at mapula at nangingitim na mukha. Nabigla ako. Alam ko naman na noon pa maitim na ako pero hindi ko naman akalain na may i-iitim pa pala ako. Ngayon ko lang nakita ang sarili ko na ganito kaitim. Parang pork tocino na halos masunog na.

Hindi ko din makamot 'yung mukha, balikat at likod ko dahil sa hapdi. Kailangan ko pa magpunas ng face towel na binasa ng malamig na tubig para lang mawala yung hapdi na nararamdaman ng mga balat ko. Bwiset. Tinablan din yata ako ng sunburn.

Siguro, isa na ito sa matibay na patunay ng climate change. Ng global warming. Isang patunay na umiinit na talaga ang mundo. Akalain mo na si Haring Araw eh naisahan ako at nagawa pang sunugin at paitimin ang balat ko na matagal nang maitin.

Haring araw, tinalo mo na ako. Mula ngayon, mag-iingat na ako.

Ano ba magandang brand ng sun block?

No comments: