Apat na taon din kaming nagtiis nuon sa pagpasok sa klase, pagsagot sa mga exams at pangongopya ng assignments pati na din ng mga sagot sa exams. Lahat yan pinagdaanan namin. Siyempre, normal na estudyante din naman kami.
Pero pagkatapos ng apat na taon, hindi basta basta matatapos ang lahat. Magmamartsa ka na nga lang para sa graduation eh magaasikaso ka pa ng sangkatutak na papeles para lang maging opisyal ang paglalakad mo paakyat ng entablado hanggang sa maiabot sa iyo ang peke mong diploma.
Buong eskwelahan namin noon eh halos nalibot na namin para makakumpleto lang ng clearance. Kailangan pang pumila sa cashier para bayaran kung ano man ang dapat bayaran. Ang kaso, yung pila sa cashier namin, parang pila sa pelikula nila John Lloyd at Bea (or Sarah), o kaya parang pila sa Will Time Big Time - Box Office Hit.
Kahit naman ganoon ang sitwasyon, sulit pa din ang lahat kapag tapos na ang lahat. Graduate ka na. At kasama ka na sa malaking istatiska ng mga walang trabaho sa bansa, pero pansamantala lang. Siyempre makakahanap ka din naman agad ng trabago mga 1, 2 o 3 buwan pagkatapos mong makapagtapos, yun eh kung susuwertehin ka o kung may 'backer' ka.
Kapag natanggap ka na sa trabaho, eto naman ang mga kailangan mong asikasuhin.
1. NBI Clearance
2. 1x1 or 2x2 photos o kaya whole body picture (kapag napagtripan ng kung sino mang nag-re-recruit sayo)
3. Birth Certificate
4. Pre-employment medical exam - kung saan bubusisiin ang dapat busisiin at susundutin ang dapat sundutin. (Hindi kasama ang ilong, siyempre)
at siyempre, hindi mawawala sa listahan ang ...
5. Transcript of Records (TOR), Certificate of Graduation at Diploma.
Yung TOR, Certificate at Diploma, hindi naman urgent ito. Alam naman ng mga nag-re-recruit na matagal na proseso ang pagaasikaso ng mga school records. Kaya, papayagan ka nila kapag sinabi mong "To follow" na lang ang school records mo.
Eto yung sinabe ko dati dun sa una kong employer. Dalawang buwan pagkatapos maka-graduate, may trabaho na ako at magte-training bilang isang programmer. Ang mga kulang ko na lang sa requirements ko eh yung TOR, Certificate at Diploma. Kaya sabi ko, "To Follow" na lang.
Mukhang naaliw naman ako sa trabaho ko. Na-assign ako sa kung saan-saan - sa Makati, sa Camp Aguinaldo at sa U.N Avenue, Manila. Hindi naman na nag follow up saken yung HR namin noon kaya hindi ko na inasikaso yung school records ko. Nakapagtrabaho ako ng lampas tatlong taon sa kanila.
Tapos, nung July 2010, lumipat ako ng trabaho. At tulad ng dati, sabi ko: "To Follow" na lang ang school records. Hindi ko agad naasikaso yung mga school records ko sa P.U.P. 2011 na nung nakabisita ako sa dating unibersidad na pinapasukan ko para asikasuhin ang dapat asikasuhin. Ang malas lang kase may mali pala sa mga records ko. Ang sabi sa akin, ayusin ko lahat ng detalye tapos bumalik ako sa kanila ng February 11, 2011 para maasikaso nila ulit ang mga papeles ko.
Eh dahil nga sa "kasipagan", tinamad na ako bumalik pa sa kanila, hanggang sa hindi ko namalayan, 2012 na pala. Nagresign ako sa trabaho ko at lilipat na naman sa panibagong kumpanya. Ngayon, mas mahigpit. Hinahanap talaga ang T.O.R., Certificate at Diploma ko. Kaya netong nakaraang linggo lang, bumalik ako sa PUP para asikasuhin ulit ang lahat. Naitama ko na ang dapat itama. Naibigay ko na lahat ng dapat kong ibigay (maliban lang sa puri ko (kase wala na) at ang good looks ko (na hindi ko talaga pwedeng ibigay dahil eto lang ang puhunan ko sa mundong ito)).
Sa wakas, pagkatapos ng limang taon, nakuha ko na 'yung T.O.R. ko at Certificate of Graduation. May bonus pa nga kase nakuha ko na din ang Memorabilia o Yearbook namin. Ang Diploma na lang sana ang kulang para kumpleto na, kaso hindi ako umabot sa cut-off time ng releasing.
Kung nakuha ko lang sana 'yun, tapos na ang limang taong pakikibaka ko para lang sa School Records na pinaghirapan ko. Ngayon, kailangan ko pang bumalik doon bukas, Lunes ng umaga, para lang sa Diploma. Hindi na ako pwedeng tamarin dahil kapag hindi ko pa naasikaso ito, aabutin na naman ako ng panibagong limang taon. Pag nagkaganoon, baka sa sunod na punta ka sa PUP, kasama ko na ang panganay na anak ko.
1 comment:
congrats!!! Unti na lang matatapos na! Haahahaha!
Post a Comment