Grade 3 pa lang ako nung natuto ako bumiyahe mag-isa pauwi mula sa eskwalahan namin hanggang sa bahay namin sa Blumentritt. Isang sakay lang naman ng jeepney ang magiging biyahe ko. Isang biyahe ng jeepney araw araw na kadalasan ay may kasamang kaibigan, tawanan, katangahan at dayaan.
Lunch time ngayon, recess noon. Eto ang tawag sa libreng oras namin nung elementary school pa ako. Araw-araw, may mga estudyanteng naka-toka na pupunta sa canteen at kukuhain ang rasyon ng pagkain.
Ang menu:
Tinapay - Isa ito sa mga main dish. May palaman na tuna spread, peanut butter at minsan, ang aking paborito, cheese pimiento.
Juice - Siyempre, kapag may tinapay, kailangan may inuming panulak. Madalas ay orange juice (na maligamgam) at minsan naman eh cold chocolate drink (na maligamgam na din pagdating sa classroom).
Soup - Kapag walang juice, eto naman ang nagiging alternative na inumin/pagkain para sa mga estudyante. Minsan miswa. Minsan naman champorado. At minsan eh weird na soup na hindi mo alam kung ano.
'Yung juice o soup ang nakakainis sa lahat. Malayo kase ang canteen mula sa classroom namin. Kapag kukunin na namin ang mga juice sa canteen, nakalagay na ito sa mga baso na nasa tray. Ang challenge eh hindi dapat maubos ang inumin na laman ng mga baso habang pabalik kami sa aming kwarto. Okay lang yung may natatapon na kaunti, pero malas lang kapag nadapa ka at natapon mo lahat ng maligamgam na orange juice na dala mo. Abono ka! Buti na lang at hindi nangyari sa akin ito.
Bukod sa tinapay, juice at soup, may iba pang laman ang tray ng pagkain para sa mga estudyante.
May nilagang itlog.
May tikoy na naka-rolyo at may palamang monggo sa gitna.
At may pansit/spaghetti na nakalagay sa clear plastic bag. Eto 'yung cool noon. Kapag bumili ka kase ng pancit o spaghetti, wala namang ibibigay sa iyo na kutsara o tinidor. Dahil dito, natuto akong kumain ng pancit at spaghetti ng nakaplastic kahit walang tinidor.
Nung mga panahon na nasa elementary ako, naranasan ko din na naubos 'yung pera ko kakabili ng mga pagkain na itinitinda loob at labas ng paaralan. Malakas pa loob ko noon kase alam ko kahit wala na akong pera, makakauwi ako kase may kakilala akong tricycle driver na madalas dumadaan malapit sa lugar namin. Malas lang nga kase nung oras nung uwian, hindi ko nakita 'yung tricycle driver na kakilala ko. No choice ako kaya naglakad ako pauwi.
Nung minsan naman, naubusan ulit ako ng pera, tinatamad naman ako maglakad kaya kahit walang pera eh lakas loob pa din akong sumasakay ng jeep. Nakakalusot naman ako pero nung isang beses, may driver na nakahuli sa akin.
Nasa tapat na ng isang ospital na malapit sa bahay namin 'yung jeep na sinasakyan ko. Tapos bigla akong tinawag ng driver.
Driver: Boy! Hindi ka pa ba nagbabayad ah.
Ako: Nagbayad na po ako.
Driver: Bayad 'nung kasama mo 'yun kanina eh. (kasabay ko kase 'yung isang kaklase ko noon.)
Ako: Hindi po sir, akin po yun. Bayad ko po 'yun. (oo, sir ang tawag ko kay manong driver).
Pero alam ko sa sarili ko na hindi pa talaga ako nagbabayad ng pamasahe. Nahuli na ako eh, ang magagawa ko na lang eh magdahilan dahil ang baya ay hindi kailanman aamin sa kasalanan niya.
Driver: Ikaw ha, hindi ka nagbabayad ha. O sige na, hayaan mo na. Bumaba ka na.
Sakto naman at nasa babaan na din naman na ako. Bumaba ako sa jeep, naglakad palayo at hindi na lumingon pa. Mamaya magbago pa isip ng driver at pilitin pang singilin ako.
Sabi ko nga sa sarili ko noon, hindi na ako uulit sa ginawa ko. Hindi na ako mag-wa-one-two-three (eto ang tawag sa hindi pagbabayad ng pamasahe ng mga pasahero ng jeep). Pero hindi din ako nakinig sa sarili ko, ginawa ko ulit ito ng ilang beses pa. Mukhang sanay na ako kase hindi na ako nahuli pa ulit. Good job!
Sa totoo lang, hindi ko alam kung bakit ko ito kinukwento sa inyo. Pero since tapos na din ang kwentuhan, gusto ko lang matutunan niyo ang mga bagay na ito:
1. Wag mag-uubos ng pera sa recess.
2. Wag mag-one-two-three sa jeep.
3. Kung mag-wa-one-two-three ka, galingan mo at wag magpapahalata.
4. Kung mahuli ka, wag aamin hangga't maari.
5. Kapag nahuli naman at wala ka nang kawala, lumundag ka na palabas ng jeep habang umaandar pa ito sabay takbo palayo.
Biro lang 'yung number 5. Wag na wag niyong gagawin ito ha, mga bata.
No comments:
Post a Comment