Just one writing, then I'll go to sleep

Sabi nung isang katrabaho ko kanina, wag naman daw ako masyadong magpa-late ng pasok. Dahil magkakaroon ng "bagong management", mahirap na daw. Baka mag-iba ang pamamalakad kumpara noon sa magiging pamamalakad ngayon.

Kunwari lang naman akong nakikinig at iniintindi ang sinasabi niya, pero sa totoo, nakikinig talaga ako at iniintindi ang sinasabi niya.

Ngayon, pasado alas dose na, dapat nagpapahinga na ako para makapasok ng maaga, pero bago matulog, gusto ko lang muna magsulat ng isang entry.

Kaya..

Simulan na ang kwentuhan.

--

Medyo badtrip lang ako noon kapag pinapalabas sa isang TV Station 'yung Lord of The Rings. Bihira kase ipalabas ang ganung klaseng pelikula sa TV. Tapos, kapag pinalabas pa nila, andaming napuputol na eksena. Puro commercial. Tapos, hahatiin pa sa dalawang part. Bitin ka na nga tapos binitin ka pa.

Buti na lang nga hindi pa nila tinatagalog 'yung Lord of The Rings eh, di tulad nung isang ginagawa nung isa pang TV Station - lahat ng pelikulang pinapalabas tinatagalog. Tanong nga ng kuya ko: "Ganun ba kabobo tingin nila sa mga viewers nila? Hindi kayang maka-intindi ng English?"

Nung nakaraan lang napadaan ako sa isang mall, pumasok ako sa department store para magtingin ng mga coat. 'Yung coat na madalas sinusuot ng mga executive o nung mga big time sa ofis. Gusto ko na kase 'yung pakiramdam kapag may suot na coat, pakiramdam ko boss ako - at mayaman. Pagkatapos tumingin ng coat, dumaan naman ako sa mga bilihan ng DVDs and VCDs. Balak ko lang naman talagang magtingin-tingin ng mga pelikula.

Nakahanap ako ng kumpletong set ng Lord of the Rings 1, 2 and 3. 150 pesos kada part tapos tatlong cd ang laman per part - so bale siyam na CD lahat. So, kahit wala sa plano, napagastos ako ng 450 pesos ng hindi ko inaasahan - impulse buying at its best.

Natapos ko na panoorin lahat ng parts nung movie nung nakaraang linggo lang, 3 hours kada part, 9 hours 'yung buong istorya from part 1 to 3. Isa sa mga best 9 hours ng buhay ko.

Sa buong pelikula, isang linya 'yung na-recall ko at hindi ko nakalimutan kase ni-save ko sa celfone ko. Sabi ni Gandalf ('yung white wizard): "Many that live deserve death. And some that die deserve life." Kaya ko lang naman tinandaan yang linya na yan kase naisip ko maganda siya maging post sa facebook kapag gusto ko magpapansin at wala akong ibang ma-post.

Pinost ko 'yung mismong line ngayon lang, at nagtagumpay naman ako. May nag-like, may isang nakapansin sa akin. Malas nga lang lalaki pa. Tsk!

--

Ngayon naman, gusto ko sana panoorin 'yung animated movie na Up, gusto ko mapanuod ulit 'yung love story nila Carl and Ellie. Sabi nga nila, a better love story than twilight.

No offense twilight fans.

Kailangan talaga 'yung disclaimer na ito kase 'yung isang reader ko na nagtiyayaga at nagko-comment pa eh isang twilight fanatic - Hi Nicole. :D

Kaso, wala pala akong kopya nung Up, kaya naghanap na lang ako ng ibang mapapanood hanggang sa makita ko sa archive ko 'yung You've Got Mail. Matagal tagal ko na ding hindi napapanood ULIT itong pelikula na ito.

Ang You've Got Mail eh isang Chick-Flick, isang klase ng pelikula na romantic na minsan eh may touch of comedy on the side, pampa-lighten lang ng mood at ng storya. Medyo mahilig ako sa mga ganitong klase ng pelikula. Masarap manood ng mga ganitong pelikula kase, hindi ka na masyado mag-iisip. Manonood ka na lang, mag-aabang ng mga memorable lines at kikiligin sa mga memorable scenes. Ayayay!

Nak ng teteng, kaya akong napapagkamalang bakla eh.

Lumabas 'yung pelikula, 1998 pa. Ang internet connection noon eh dial-up. Kaya habang pinapanood ko 'yung pelikula, hindi ko mapigilang mapangisi ng kaunti hapag naririnig ko na 'yung tunog kapag sinusubukan mong kumonek sa internet gamit ang telepono. 'Yung tunog na maingay, na parang sirang 'sirena o wang-wang' ng mga sasakyan. Pero yung tunog na yun eh may kaakibat na excitement habang inaabangan mong maka-connect ka sa internet.

Ang bida eh si Tom Hanks (siya din 'yung bida sa Forrest Gump at sa Cast Away) at ang isa pa eh si Meg Ryan (na bida din sa City of Angels, Sleepless in Seattle at When Harry Met Sally). Hindi naman halata na alam ko 'yung mga pelikula ni Meg Ryan no? Fan kase ako. Pamaypay? Abaniko? Electric?

Kung hindi mo pa napapanood yang mga pelikula na yan, puwes panoorin mo na at ng pareho na tayong mababaw at maging mahilig sa Chick Flicks.

Book store owner by heart si Meg Ryan sa pelikula tapos pinapatakbo niya 'yung pamana sa kanyang book store ng nanay niya. Si Tom Hanks naman eh isang business man na may-ari ng malalaking book stores. Nagkataon naman nagkalapit 'yung pwesto ng book store nilang dalawa so ang nangyari, nalugi 'yung book store ni Meg Ryan kaya sinara niya na ito.

Tapos, pumunta siya dun sa kalabang book store na pag-aari ni Tom Hanks. Naglilibot-libot siya, tapos tumigil siya sa Children's Book Section. Naupo siya dun ng walang ibang ginagawa.

May isang customer na nagtanong dun sa salesman sa loob ng book store tungkol sa isang libro. Hindi makasagot 'yung salesman kase hindi niya kabisado ang mga libro, hindi niya kilala ang author. Tapos sumabat si Meg Ryan, sinabi 'yung buong detalye sa libro, kung sino ang author at kung ilang sequel ng libro ang lumabas, tapos nag-recommend pa siya kung alin sa mga libro ang magandang unang basahin for starters.

--

Dun sa linya sa Lord of The Rings na: "Many that live deserve death. And some that die deserve life."

Tapos dun sa eksena sa bookstore.

Napaisip ako, meron ngang mga tao na mas karapat-dapat para sa isang bagay, pero hindi naibibigay sa kanila. Meron namang mga taong, nabibigyan ng oportunidad, pero sinasayang din nila.

Sabi nga ni Chito Miranda: "Binabasura ng iba ang siyang pinapangarap ko."

May mga batang mahihirap diyan na part time studyante at part time 'mangangalakal' o magbabasura. Pilit nagtatrabaho para makaipon ng pera para kahit papaano eh makabili ng gamit pang eskwela.

May mga batang (at minsan mga teenagers pa) na libo libo ang binabayarang tuition tapos 'yung baon pa, pero nagbubulakbol lang at hindi naman pumapasok. Hindi na nga nag-aaral, nanggugulo pa ng buhay ng iba.

May mga taong nangagarap na magkaroon ng girlfriend, boyfriend, asawa pero hindi makahanap ng isang tao na handang magmahal sa kanila at tanggapin sila sa kung ano sila.

May mga tao din namang sila na 'yung nilalapitan ng pag-ibig tapos pinaglalaruan lang nila.

May mga taong gustong magka-anak, 'yung iba naman, nabubuntis ng di sinasadya tapos nag-pa-pa-abort na lang.

May mga taong gustong maging pulitiko kase alam nilang may maganda silang plano para sa mga kababayan nila. Alam nila na may maitutulong sila na maganda. Pero hindi nila kayang manalo dahil may pera ang kalaban. Ang resulta, ang nagiging pulitiko eh ang mga mayayaman na na ang iba eh wala pang ginagawa kundi magpayaman lang din habang nasa serbisyo.

Minsan talaga maiinis ka na lang sa mundo, sa kapalaran, sa tadhana - sa buhay.

Mapapasigaw ka na lang ng "Life's not fair".

Mapapasigaw ka naman ng "Hindi patas ang buhay" kung trip mo magtagalog.

At mapapasigaw ka naman ng "Layp's not Pair" kung meron kang 'P - F' problem.

Well, kung titingnan mo naman, Life's both fair at not fair at the same time.

Life's not fair, kase nga 'yung gusto ng iba eh napupunta sa iba tapos sasayangin lang naman.

Life's fair din naman, kase wala siyang pinipili. Ang buhay eh unfair sa lahat, walang sini-sino, walang pinipili.

Kapag napagtripan ka niya, wala kang magagawa kundi mainis at magkamot ulo na lang.

Ang mahalaga, sa bawat pang-ti-trip at pang-uungas sayo ng buhay, wag kang bibigay. Wag kang susuko. Wag kang matutunaw sa kawalan at tuluyang mawawala.

Dahil sa mundong ito, kung saan ang Buhay ay "Not Fair" at nang-aasar - ang pikon ang talo.

--

Shemaks! Bakit ang deep ko ngayon?

Balentayms

Hindi naman 14 ang petsa ngayon, at lalong hindi Pebrero, buwan na ng Mayo.

Eh bakit ganito ang isinusulat ko ngayon?

Wala lang!

Susubukan ko lang.

Mula sa pagsusulat ng mga kalokohan at kung anu-ano eh susubukan ko ang medyo seryosong usapan.

Kailan lang, nagising ako ng maaga. Bilang almusal kumain ako ng masustansyang pagkain, kape at instant noodles. Ultimate breakfast combo ng mga tamad at di marunong magluto.

Pagkatapos ko namang maligo, bigla na lang may pumasok na pamatay na tanong sa isipan ko. Gaano ako ka-sweet sa kasintahan (shemaks ang lalim!) ko? Totoo pwera biro, yun ang eksaktong tanong na buong araw ko pinag-isipan. Pilit ko inaalala kung ano mga nagawa ko para masabing 'sweet' ako.

Oo lumalabas kame para makasama ang isa't isa. Kahit papaano sinusubukan namen makapagusap ng madalas.

Binibigyan ko siya ng ilang bagay na alam ko na gusto nya. Binigyan ko siya noon ng isang 'teddy bear' at pinangalanan namin itong 'gairo'. Tunog anime, pero hindi. Ang 'gai' galing sa pangalan nya, ung 'ro' galing sa last name ko. Kahit pa sabihing mumurahin lang yun at sa divisoria lang nabili at nahukay lang sa patong patong at sangkatutak na mga 'stuffed toys', kahit papaano natuwa naman siya. Ayos! Dagdag puntos!

Ewan ko nga lang kung bakit laruang kamukha ng oso at ipinangalan sa isang amerikano ang naisip kong ibigay. Napaka ordinaryo, sana pumili ako ng 'stuffed toy' na kakaiba. Pwedeng buwaya, manok, elepante, langgam, bubuyog o di kaya'y butiki na 'stuffed toy' para sana kakaiba.

Nagawa ko din siyang regaluhan ng isang libro na pareho naming paborito ang nagsulat, ang 'Stainless Longganisa' natuwa din naman siya at sinulatan niya ang pinakahuling pahina ng ng nasabing libro ng katagang 'MahalKoPareKo'. Wow! Sarap naman. Pero sa kabila nitong mga ito, hindi pa rin yata sapat na masabi ko na 'sweet' ako sa kanya.


Kaya pagdating ng opisina, pag bukas ng homepage ng 'meebo' at pag log-in ng aking yahoo id, nagsimula agad akong mangulit sa mga taong online sa aking listahan.
Gumawa ako ng serbey, at ang tanong:

"Paano mo masasabing sweet ka sa boyfriend/girlfriend mo?" Narito ang kanilang mga sagot at ang aking komento.

(gingzabala): sweet siguro kung kung maso-surprise ko xa.


[Bago niya sinabe ito ay umamin siya na parang nawawalan na siya ng oras para sa kanyang labiduds, pero para sa isang lalaki na umaamin ng kanyang pagkakamali, ibang klase! Astig! Oo nga mukhang sweet nga kung masosorpresa mo siya lalo na't alam mo na nawawalan ka ng oras sa kanya.]

(jesus_sotingco): kapag lagi mo xa nilalambing. tuwing magkasama kayo lagi mo xa napapasaya. may time ka sa kanya.


[Mukhang ito ang hindi ko nagagawa. Hindi ko siya nilalambing pag lumalabas kame dahil parang 'PDA' na iyon. Naguusap lang kame pag magkasama, kwentuhan lang. Hindi ko siya sinasayawan o kaya umaarteng tanga para mapasaya na tulad ng isang payaso. At oo, madalas din akong nawawalan ng oras sa kanya, isang malaking kasalanan.]

(julls_03): Pag malambing ka. Pag inaalala mo cia. Gusto mo sabay kau kumain at minsan sinusubuan mo xa. Madalas hina-hug at sinasabihan ng aylabyu.


[Sa madalas na pag-aylabyu mukhang hindi ako sang-ayon. Sadyang 'sagrado' o espesyal ang nasabing salita kaya kung madalas mo ito gagamitin, parang mawawalan ito ng kahulugan. Ang pagsabi ng aylabyu sa ordinaryong araw ay magiging kapareho na lamang ng pagsasabi ng aylabyu kapag may mahalagang okasyon tulad ng anibersaryo. Magiging napaka ordinaryo.]

(el_ei16): pnagluluto ng pagkaen. concern ka palagi sa kanya.


[Sa lahat ng nakuha ko na sagot, ito ang pinakakakaiba. Ang ipagluto ng pagkaen ang tao na mahalaga sa'yo. Mukhang okay ito ah. Ano kaya kung ipagluto ko 'siya' ng instant noodles at kape at lalagyan ko ng itlog ang noodles para espesyal.]

(scuffle_23): lage mo xa inaalala. tapos lahat ng gusto nya gagawin mo.


[Balak yata nitong gawing 'spoiled' ang babae eh. Hehe. Mukhang delikado ito dahil baka maging 'under' ka. Biro lang. May punto siya dito. Naalala ko yung eksena sa isang korean movie, yung pinagsuot ng babae ng high heels ang lalake. Nakakatuwa.]

(bwesetka): kapag lage mo xang kina-cuddle. kapag lage mo xa tinitignan sa eyes habang hawak mo kamay niya.


[Hindi ko alam yung 'cuddle' pero sabi niya 'to embrace closely' daw ang ibig sabihin nito. Ang pagkakaintindi ko, paglalandi. Mali pala. Ang pagtitig sa mata habang hawak ang kamay, mukhang nakakakaba, dahil parang wedding propsal ang mangyayari nyan.]

(keithlin_06): siguro para sakin kapag extra special yung treatment nya sayo.


[Paano ba magiging espesyal ang pagtrato sa isang tao? Kapag niligyan mo ba ito ng itlog na parang instant noodles o parang laglalagay ng scoop ng ice cream sa ibabaw ng halo-halo? Hehe.]

(spiderbeef23): sweet = doing extraordinary things;


[Wow! Extraordinary things. Mukhang tama nga ito. Parang yung sabi sa isang kanta na susungkit yung singer ng mga bituin sa kalangitan. Ayun extraordinary talaga.]

(thereal_deadman_inc): masasabi ko na sweet ako sa gf ko, dahil mahal ko siya. dba J.K.? sweet ko ano?


[Sa lahat, itong tao na ito ang pinakamahirap kuhanan ng opinyon. Pero tama siya, lubusan mong masasabing sweet ka sa isang tao kapag mahal mo talaga siya ng buong puso mo. Kaya lang parang ang hirap paniwalaan na sa kanya pa nanggaling ang ideya na ito. Hehe.]

Ito ang mga nakuha ko na kasagutan sa aking katanungan na ginulo ang kokote ko ng isang buong araw. Merong pare-parehong pananaw, meron namang magkakaiba, buti walang nagbigay ng abnormal na sagot. Mayroon akong naalalang kaisipan mula sa isang lumang palabas sa telebisyon. Ang liham daw ni Jose Rizal, sinasabing nilagay sa isang lampara upang mailabas at mabasa nila Bonifacio at ito ang nagbunsod ng himagsikan.

Walang nakakita pero ito ang ating pinaniniwalaan.

Ganun din sa pag-ibig o sa pagiging 'sweet'. Hindi mo kailangang laging ipakita ang nararamdaman mo para sa isang tao na mahalaga sa iyo. Sapat na na alam ninyo na pareho ninyong mahal ang isa't isa at pinapahalagahan. Ang kailangan lang ay paniniwala at pagtitiwala.

(Sa lahat ng nag-bahagi ng kanilang mga kaisipan para dito, salamat sa inyong lahat)

** Popoy's additional note **

Unang naisulat noong May 25, 2008.

Noong mga panahong ito, may girlfriend pa ako at okay pa ang relasyon naming dalawa. Pero dumating din yung panahon na naghiwalay kami, kasalanan ko.

Ngayon, after ilang years, nagkabalikan na ulit kami. :)

After ko basahin iyong entry, napagtanto ko - minsan, ang keso ko pala talaga. Hehe.

Dear Teacher

Sige.

Makikipagkwentuhan muna ulet ako sa inyo.

Ngayong araw lang na ito, nakausap ko ang aking itinuturing na idolo sa kumpanyang aking kinabibilangan. May mga nakapagsabi sa akin na wala na siya sa aming kumpanya. Napirata na.

Ang galing talaga ni 'idol'. Buti pa siya, malaya na, di tulad ko na animo'y isang Parrot nakakulong sa 'hawla' na hindi masyadong nabibigyan ng 'sustansya'. Nakukuntento na sa mga pakunti-kunting 'bird seed' na binibigay sa akin kapag nagagawa ko ang mga gusto nilang gawin ko.

** Sabay gagayahin ang isang parrot **

"Errr.. Panget! Panget!"

"Errr.. Magnanakaw! Magnanakaw! Err..."

Kaya siguro ako malnourished.

Nabanggit ni 'idol' na gusto nya pala maging isang guro, isang guro sa musika. Ewan ko kung biro lang niya 'yun o inuuto niya lang ako at nagpauto naman ako.

Ako din pinangarap ko nang maging guro (hindi ako nanggagaya, peksman!).

Kung siya music teacher, ako naman gusto ko maging hmm... Biology teacher! Nakatutuwa siguro kung makikita ko ang mga reaksyon ng mga inosenteng batang mag-aaral habang itinuturo mo sa kanila ang mga leksyon tungkol sa katawan ng tao (lalo na ang reproductive system... hehe!)

Pero totoo, ginusto ko maging guro. Naisip ko ito ngayong buwan lamang nang mahilig ako sa pagbabasa at pagsusulat. Isang dakilang 'bokasyon' ang pagiging isang guro, lalo na kung ikaw ay nasa isang pampublikong paaralan.

Hindi ganoon kaganda ang kikitain mo kung isa kang public school teacher , kaya bilang remedyo dapat maalam ka sa mga negosyo. Kailangan may alam ka sa pagpoproseso ng karne upang makagawa ka ng mga produkto tulad ng tocino, longganisa, hotdog, siomai, kikiam, fish balls, squid balls, chicken balls at kung anu-ano pang balls na gusto mong itinda. Madameng pwede, bahala ka na lang mag-isip ng trip mo.

Pwede ka ding magkaroon ng 'portable sari-sari store' (tip: sa panahon ngayon, patok na ang mga 'portable'). 'Yun bang marami kang mga mumurahing tsokolate, kendi, chichirya, biskwit at mga inumin sa iyong bag na dala-dala mo kasama ng mga dokyumento ng iyong estudyante na kadalasan ay nasa bingit ng kamatayan ang mga grado kaya mapapabili sila ng mga tinda mo para kaawaan at ipasa mo sila. Ayos! Marketing strategy!

Kung ayaw mo ng 'portable' na tindahan at mas gusto mo ang malakihang kita, pwede ka din magtayo ng isang tindahan ng mga kagamitang pang eskwelahan sa mismong loob ng paaralan.

Ito seryoso, meron yata kaming guro na gumawa ng ganito. May tinda silang manila paper (bakit nga ba manila paper ang tawag dun?), kartolina, lapis, pambura, bolpen, pentelpen at walang kamatayang foot rags. Oo! Foot rags. Ito yung mamisong basahan na pabilog. Kaya pala kame required na gumamit ng foot rags sa clasroom ng masungit naming chemistry teacher ay dahil sa kanya mapupunta ang kita mula sa mga basahang ito.

Ibang klase. Pero kahit walang masyadong kaliwanagan ang pag-unlad ng mga public school teacher, marami pa rin ang pumapasok sa ganitong propesyon o dapat ko bang sabihing bokasyon?

Naniniwala ako na hindi lamang salapi at materyal na bagay ang mahalaga sa kanila, kundi ang paniniwalang makatutulong sila ng malaki sa pagpapaunlad ng mga mamamayan, ng lipunan at ng bansa sa pamamagitan ng pagbibigay kaalaman at paggabay sa kinabukasan ng kanilang mga mag-aaral.

Kaya sa lahat ng mga guro, bago o luma, bata o matanda, single or matandang dalaga, 'fresh' o menopause na, saludo ako (at ang iba pa) sa inyo!

** Unang naisulat noong May 22, 2008 **

Almost

Ngayon ko lang napagtanto, tama pala ang nakararaming nagsasabi na ang almusal ang pinakamahalagang pagkain sa buong araw. Sa almusal tayo kumukuha ng lakas para makatagal hanggang tanghalian at sa tanghalian naman tayo nagkakaroon ng sustansya para makaabot ng hapunan bago matulog.

Tatlong beses kakain sa isang araw hindi pa kasama ang mga meryenda at nakaw na pagkain sa mga ka-opisina, kaibigan, kamag-anak at sa sariling sari-sari store.

Mula nung nagumpisa ang bakasyon, wala nang nagluluto sa bahay tuwing umaga kaya madalas ako bumibili ng almusal sa labas na at sa opisina na ako kumakain.

Ngayon lang araw na ito, kahit anong pilit ko na huwag bumili para makatipid, hindi ako nakatiis. Dumaan ako ng chowking sa may T.Sora - Visayas Ave. Beef Chaofan with Dumplings ang inorder ko.

Pagsakay ko ng jeep na biyaheng T. Sora - City Hall, sa biyahe ay may nadaanan kameng isang aksidente. Isa pang jeepney ang nakataob at isang kotse ang nawasak. Tanggal ang unahang parte ng nasabing kotse, yung parte na nasisilungan ng 'hood' at kinalalagyan ng makina.

Narinig ko ang kwento ng isang lalake na nakasaksi dun sa aksidente. Biyaheng T. Sora - City Hall din pala ang daan nung jeep na yun. Dagdag pa niya, mga lima hanggang sampung minuto pa lang daw ang nakakalipas nung nangyari ang nasabing aksidente. Naiisip ko, kung hindi ako bumili ng almusal ko, baka kasama ako dun sa jeep na yun na naaksidente.

Ito totoo, kinalabutan ako nung mga oras na yun.

Nailigtas ako ng almusal ko na Beef Chaofan with Dumplings.

Salamat Chowking.

Bagama't hindi ko gawain, napadasal ako kanina. Nagpasalamat na hindi ako nadamay sa naging aksidente, ngunit nahahabag naman ako para sa ibang tao na nasaktan. Kanina ko lang lubusan na naintindihan ang ideya mula sa isang nabasa kong libro.

Ang pagdadasal ay hindi katulad ng paghingi ng mga regalo kay Santa Claus tuwing araw ng pasko. Totoo, karamihan ay nakakaalala lang na tumawag sa Kanya kapag mayroong pangangailangan tulad ng mabuting kalusugan, magandang pangangatawan, pera, kombinasyon sa lotto at magkaroon ng boypren/gelpren. Ngunit bibihira ang mga nagdadasal upang magpasalamat.

Dear Lord,

Salamat po at mayroong Beef Chaofan with Dumplings at hindi ako napahamak.

Hindi lahat ng nakikita ay dapat paniwalaan at hindi lahat ng hindi nakikita ay walang katotohanan. Maaring hindi ka naniniwala sa Kanya, dahil hindi mo pa Siya nakikita ng personal, pero para sa ilang tao (katulad ko ngayon) sapat na ang ilang mga pangyayari para mapatunayan na totoong may gumagabay sa ating lahat anumang oras.

(What the? Kelan pa ako naging relihiyoso?)

** Popoy's additional note **

Unang naisulat noong May 19. 2008.

Update 1: Wala nang dumplings sa Chowking. Phase-out na. *Sad Face*

Update 2: Wala na ang Chowking na binilhan ko ng almusal na nagligtas sa buhay ko. *Double Sad Face with Tears*

Cool Dude

Kung ihahalintulad ko ang pag-iisip ng kung anu-anong bagay sa pagkain ng masasarap na putahe, siguro sa mga oras na ito na-impacho na ako.

Masyadong madami ang pumapasok sa aking kokote.

Parang mga pinong patak ng ulan na mabilis at sunud-sunod na bumabagsak sa tigang at tuyot na lupain, hindi ko masalo.

Sabagay, sinong tanga ba naman ang sasalo ng mga patak ng ulan?

Posible 'yun kung isa akong empleyado ng PAG-ASA at naatasang sukatin ang buhos ng ulan gamit ang isang 'rain gauge'. Pero sa kasaamang palad, isang hamak lang akong empleyado at hindi ng PAG-ASA.

Tuwing nasa kalye ako at naglalakad-lakad. Madami akong napapansin. May bagong teknolohiya. May bagong bus. May bagong mga palabas na nakapaskil sa mga billboard. Pati ang MMDA, di nagpahuli mayroon din silang mga bagong pauso. Ang madalas ko na napapansin sa araw araw ay ang mga bagay na uso sa panahong ito. Ito ang nagiging basihan kung 'IN' or 'OUT' ka. Sukatan kung ikaw ay cool o baduy o ewan ('yung parang walang alam). Paano mo ba talaga masasabi kung IN or OUT ka?

IN ka kapag merong mga mamahaling headset na nakasuksok sa tenga mo at sa kabilang dulo ng headset na ito eh mayroong mp3 o mp4 player na pinagsasaksakan sa dulo. Mas cool kapag iPOD ang gadget mo.

IN ka kapag ang celfone na ginagamet mo ay colored at may magandang klase ng kamera. 'Yung 410 megapixels. 'Yung may kakayahan na kumuha ng mga imahe na may resolusyon ng 10,200 x 13,600 pixels. Ang tindi!

IN ka kapag nagbabasa ka ng mga sobrang kakapal na mga fiction-fantasy na libro. Lalo na 'yung Harry Potter. Pwedeng sadyang intelektwal ka lang na tao kaya mahilig ka sa ganito at hindi ka lang nakikiuso.

IN ka kapag napanood mo na ang mga bagong pelikula at nakikipagkwentuhan ka sa mga tropa mo tungkol dito.

Hay, sa mga oras na ito malapit na matapos ang showing ng Iron Man at Speed Racer, kailan ko kaya mapapanood ang mga ito?

*Buntong Hininga*

IN ka kapag sumasabay ka sa pagbabago sa mga pananamit.

Fashion!

Merong mga summer outfit, spring outfit, fall outfit at winter outfit. Parang 'yung koreanovela na sinunod sa apat na panahon sa ibang bansa na hindi tropikal.

IN ka kapag branded din ang mga suot. Converse, Bench, Penshoppe, Polo, Wrangler, Lacoste, Louis Vuitton, Dolce&Gabana, Handford, LeFrog, George (ang huling 3 nabanggit eh brand ng mga brief na nabibili sa divisoria).

IN ka kapag nagkakape ka sa Starbucks. Hmm, siguro noon 'yun. Ngayon iba na, masa ka na kapag sa nasabing coffee shop ka bumibili ng kape. Naging sukatan na ito ng estado ng pamumuhay ng mga kabataan. Kahit medyo kapos ka sa pera, pipilitin mong dito uminom ng kape na ginintuan ang presyo para lang masabe na medyo may kaya ka sa buhay o 'rich kid' ka. Pero aamin ako, sa starbucks din ako umiinom ng kape, hindi parang maging IN. Simple lang ang dahilan ko, masarap kase ang java chip blend nila. The Best!

IN ka kapag may account ka sa friendster at multipy (yes pasok ako dito!).

Pero mas IN ka pa kung mayroon ka ding account sa blogspot at imeem (halata na bang may pinapanigan ako?).

IN ka kapag nanonood ka ng Pinoy Big Brother. Ibig sabihin dapat kilala mo sina Alex, Beauty, Ejay, Jolas, Josef, Kevin, Nan, Nicole, Priscilla, Robi, Rona, Valerie at si Angelo.

Dapat kilala mo at least 50 percent sa kanila, lalo na ang huling nabanggit.

IN ka kapag nagtatrabaho ka sa LIBIS, sa may IBM Plaza, sa kumpanya na ITI-Consulting at Joseph ang pangalan mo at naglalaro ka ng ultimate frisbee (special mention ka seph bilang pasasalamat dahil lagi kang present sa mga blog entries ko).

IN ka kapag patok na patok sa iyo ang mga kanta nila NeYo, Rihanna, Beyonce, Madonna, Fall Out Boy, Red Jumpsuit Apparatus, Kiss, Led Zepplin, Def Leppard, Beattles at Elvis Presley.

Proud PINOY ka naman kung purong Original Pinoy Music o OPM ang pinapakinggan mo, lalo na kapag ang idolo ko ang artist, si Ariel Rivera! Kilabot ng mga kolehiyala.

Hindi ka nga IN pero ipinagmamalaki at minamahal mo naman ang lahi mo.

Pwede kang maging makabayan at maging IN ng sabay. Paano? Simple lang, suportahan mo sila Arnel Pineda, Charice Pempengco at si Ramielle Malubay.

Pero kung hanggang sa mga panahon na ito eh umaasa ka pang mananalo si Ramielle sa American Idol, wag ka magpakatanga, medyo maaga siyang natanggal sa kumpetisyon.

Iilan pa lang ito sa mga basehan mo para masabi na IN o COOL ka. Kung wala sa mga nabanggit sa taas ang eksakto sa iyo, gumawa ka ng sarili mong listahan at ituon mo lahat ito sa iyong sarili. Ayos 'yun! Cool!

** Unang naisulat noong May 16, 2008

Biyahe!

Simula unang baitang hanggang magtapos ako sa mababang paaralan, limang taon.

Simula first year hanggang makapagtapos ako ng mataas na paaralan, apat na taon.

Simula unang taon sa kolehiyo hanggang sa inasam na pagtatapos, apat na taon.

Mag iisang taon na din akong nagtatrabaho sa isang IT Company.

5 + 4 + 4 + 1 = 15.

Simpleng math! Labing limang taon na rin ako bumibiyahe, sumasakay sa mga pampublikong sasakyan papunta kung saan-saan. Pedicab, tricycle, LRT at MRT, bus at taxi. Lahat yan nasakyan ko na at sinasakyan ko pa din. Pati mga green jokes sinasakyan ko din. Pero ang pinakamasaya sa lahat, ay ang mga pagbibiyahe ko sa mga jeepney.

Madame na din akong rutang nadaanan. Blumentritt, Cubao, Sta. Mesa, T. Sora, SM - Trinoma, Monumento at madami pa. Bawat biyahe merong mga nakakatuwang karanasan na sadyang di malilimutan.

5 + 4 + 4 + 1 = 14 mali ang pagbibilang ko sa itaas kanina.

Ganyan ako minsan. Hindi nagbibilang ng maayos. Lalo na sa mga sinusukli saken ng mga drayber. Minsan sobra pero kadalasan kulang. Sadyang wala akong panahon magbilang ng sukli pwera na lamang kung malaking halaga ang binayad ko. Sayang din 'yung malaking sukli!

Nahuli na din akong nag-1-2-3. Gawain ito ng mga bata noon. Minsan trip lang, at minsan sapilitan. Kapag gipit na gipit talaga. 'Yun ang naranasan ko nung minsan na ubusin ko ang baon kong pera sa recess nung elementary. Pwede ako maglakad kung tutuusin mga tatlumpung minuto lang naman yun mula paaralan patungo sa aming munting tahanan. Ewan ko ba kung bakit pinilit ko pa din na sumabay sa kaklase ko pauwi sakay ng dyip. Siya nagbayad, ako hindi. Kaya siguro ako nahuli ng drayber noon. Napahiya ako sa ibang pasahero, pero dahil bata, deadma lang!

Hanggang ngayon nakakapag 1-2-3 pa din ako sa dyip. Pero hindi ko na sinasadya yun, nakakalimutan ko lang talaga (kunwari lang). May mga panahon lang talaga na madami ako naiisip at parang lumilipad ang aking utak kung saan-saan. May mga panahon din na sa sobrang pag-iisip ay lumalampas na ako sa aking destinasyon, minsan naman wala pa, bumababa na ako.

Habang sakay ng isang dyip at nagbibiyahe, ayaw kong makasabay ng mga pasahero na tamad at walang pakialam. Sila yung mga tipo na kahit idutdut mo na sa mga mata nila yung bayad mo at sigawan mo sila sa tenga ng "Ma! Bayad Po!" eh hindi ka nila papansinin. Hindi nila iaabot kay manong drayber ang bayad mo.

Ayaw ko din nung mga pasahero na lahing woodpecker. Sila naman yung mga tipo na sa halip na sabihan ang drayber kung baba na sila, pinipili nila katukin ang kisame ng sasakyan na gawa sa kahoy upang gumawa ng INGAY.

Bilib nga ako sa ibang drayber kapag nakakasakay ng mga ganitong pasahero. Sisigaw ang drayber ng: "Huwag mo katukin yan! Hindi yan pinto". Yung ibang drayber ang sinisigaw naman: "Tuloy!" animo'y pinapatuloy yung kung sino man na kumakatok sa kisame. Yan ang sense of humor!

Pero may second career ang mga pasahero na lahing woodpecker. Nagiging dog trainer sila kapag ang kisame ng dyip ay may karpet o gawa sa metal o gawa sa materyales na hindi makakagawa ng ingay. Kapag hindi nila magagawang katukin ang kisame, ngu-nguso sila na parang mga bisugo saka si-sit-sitan ang drayber. Kawawang drayber naging aso (kahit ang iba sa kanila ay amoy aso talaga).

Hindi lang naman sa mga pasahero ako nagkakaroon ng mga nakakainis na karanasan. Minsan pati sa drayber naiinis din ako.

Merong mga drayber na akala mo'y kampyon ng stop-dance contest kung magpatakbo ng jeep.

Andar.

Hinto.

Andar.

Hinto.

Andar.

Hinto.

Hilo.

Suka.

Yuck!

Meron din naman parang tanod. Bawat kalye, bawat eskinita hinihintuan at sinisilip kung may pasahero.

Merong drayber na kaskasero.

Merong drayber na parang si Kuya Cesar.

Merong drayber na sugapa.

Merong drayber na manyak.

At merong drayber na blogger.

Pero lahat ng 'yan patikim pa lang. Ang pinakamatindi, kapag nagkasundo ang isang drayber at isang pasahero na iparanas sa iyo ang isang bagay na hindi mo nanaisin na maranasan.

Putok sa kaliwa, putok sa kanan. Puro putok hindi naman bagong taon, wala naman operasyon ang mga pullis.

Hindi ko talaga kinaya nung minsan na maupo ako sa harapan ng jeep, nasa kaliwa ko ang drayber. Nasa kanan ko ang isa pang pasahero. At nasa buong paligid ko ang isang mahiwagang amoy. Paligid-ligid. Isang langhap lang malamang dalhin ka nito sa langit.

Parehong may BO ang drayber at pasahero. Siguro kung wala akong bimpo noon, baka nadoble ang pamasahe ko dahil panigurado, baba agad ako sa dyip kahit wala pa sa destinasyon ko para makalipat lang ng ibang sasakyan.

Ewan ko ba kung bakit may mga taong sadyang tamad maligo. Pwedeng tamarin ang tao na maligo paminsan-minsan (tulad ko), pero huwag naman sana palagi.

Buti na lamang meron pa ding mga tao na masarap makasabay sa jeep. Kaya lang ka-kaunti na lamang silang mga tao na gugustuhin mong makasama sa biyahe. Sumakay ka ng dyip na biyaheng T. Sora - City Hall, o kaya Cubao-Kalayaan-Alimall, o kaya biyaheng Crame. Baka makasabay mo ang isa sa kanila.

*Ehem*

** Popoy's Additional Note **

Unang naisulat noong May 12, 2008. Nung mga panahong ito, sa AFPSLAI pa ako assigned. Sa may Edsa corner Boni Serrano Avenue, malapit sa Santolan MRT Station. Eto yung mga panahon na ang biyahe ko eh sa Cubao-Kalayaan-Alimall na ruta pa.

Nagtataeng Bolpen

Ewan ko ba kung bakit sobrang trapik ng biyahe ko ngaun papunta dito sa opisina. Dati naman hindi ganito.

Ganun pa din naman ang ruta na dinaanan ko. T.Sora palengke papuntang city hall.

Tapos, from Quezon City Hall, sakay ng jeep papuntang Cubao-Aurora.

Tapos, mula Cubao-Aurora sasakay ng jeep na biyaheng Crame at baba ako sa AFPSLAI na mismo.

Nadagdagan halos ng 30 minutes ang buong oras ng aking paglalakbay para sa araw na ito.

At sa bawat paghinto ng jeep na sinasakyan ko, ang dameng mga ideya na pumapasok sa isip ko.

Maya't maya na lang may bago akong topic na maiisip at parang iniisip ko na ang sarap isulat ng mga iyon. Ganun talaga minsan, kapag dumadating ang ideya sa'yo sunod sunod. Hindi mo mapipigil.

Yan din ang natutunan ko matapos ko basahin ang libro ni Bob Ong na "Stainless Longganisa."



Kaya dapat lagi kang handa lalo na kung isa kang manunulat. Sa oras na magsimula ang pagpasok ng mga magagandang ideya sa iyong kokote, kailangan mo silang saluhin lahat hangga't maari. Sa ganoong paraan, maganda ang magiging resulta ng iyong pagsusulat dahil patuloy ang pag-agos ng bawat salita na isinusulat mo sa iyong papel o tinitipa sa iyong keyboard. At kapag tumigil na ang pagpasok ng mga magagandang ideya. Wala na, paktay ka na. Dahil hindi mo alam kung kelan ulet darating ang pagkakataon na gagana ang isip mo ng husto at makakapagisip ka ng matino at maayos. Mahihirapan ka ng balikan o alalahanin ang bawat magagandang salita at pangugusap na naisip mo. Kapag ganito na ang nangyari, para ka nang isang bolpen na nagtae, na sa halip na naisulat ang ilang kaalaman sa ilang piraso ng papel, pinabayaan mo lang na umagos ang tinta palabas sa iyong ball point. Sayang lang.

Tsk tsk tsk ...

** Popoy's additional note **

Unang naisulat noong April 27, 2008.

Para sa akin, itong post na ito ang nag-sky rocket (sky rocket daw oh) ng blogging career ko (blogging career talaga?).

Isa din ito sa mga unang post na nakatanggap ng positive comment mula sa nuong una ay tatlong readers ko.

May mga tao talagang kailangan ng papuri mula sa iba bago ipagpatuloy o bago umpisahan ang anumang bagay na ginagawa nila.

Sadly, isa ako sa mga taong 'yon.

So minsan, naiisip ko pag walang pumapansin sa gawa. sulat o kuwento ko, tinitigil ko na lang.

Pero as long as merong nagtiya-tiyaga kahit isa (or kalahati) lang siya, magpapatuloy pa din ako. :)

Bata Batuta

Minsan ang sarap na lang magbalik tanaw sa mga panahon na tayo's mga musmos pa. Yun bang mga panahon na wala pa tayong masyadong pakialam sa mga nangyayare sa paligid natin, ang mahalaga lang sa atin ay makapaglaro hangga't gusto natin.

Yung mga panahon na ang paborito nating sabihin ay: "Ma / Pa, penge ako piso.".

Ang tingin ko pa sa piso noon ay ginto. Magkaroon lang ako ng piso, ang saya saya ko na. Parang ang yaman yaman ko na. Tapos hahagilapin ko na mga tropapips ko noon at pupunta kami sa carinderia na pag-aari ng chairman namin sa may tawid lang ng bahay namin. Dun kase sa nasabeng carinderia, merong juke box (ganyan nga ba spelling nun?..). Oo kahet 20 years old pa lang ako, naabutan ko din naman ang juke box. Dun ko hinuhulog ung piso at hahanapin ko ung code nung usong usong kanta noon na "I Saw The Sign". At kapag nagumpisa na ang pagtugtog ng nasabing kanta, kanya kanyang pwesto na kami ng mga barkada ko at sasayaw na kami dun sa may carinderia. Wala na kaming pakialam kung may mga jeepney drivers na kumakain dun sa carinderia, basta kami, sasayaw lang kami.

Pero sa totoo lang nakakatulong pa nga kami sa kanila eh. Kase natutuwa sila pag napapanood nila kaming magsayaw. Minsan pa nga, kapag bitin kami sa pagsasayaw, tatawagin kami ng isang driver at kukuha ng barya mula sa lalagyan niya at bibigyan kami ng piso at sasabihan kami na sumayaw lang ulit.

Para lang kaming mga alaga ni Kuya Germs sa That's Entertainment noon. Walang mga kapaguran, sayaw lang ng sayaw. Kapag hindi naman namin trip na sumayaw, naglalaro kami ng taguan-pung. Kapag pilian na kung sino ang magiging taya, nakapalibot ang lahat ng kasali at kakantahin na ang mahiwagang awitin na: "Langit, lupa, impyerno, im im impyerno. Saksak puso tulo ang dugo, patay buhay, umalis ka na dyan sa pwesto mo." (so malamang kinanta mo ang linya na ito kesa basahin lang.. hehe). (Hmm.. ngayon ko lang naisip, napaka bayolente pala ng kantang uun...) Minsan dito pa lang nag uumpisa na ang away. Kase naman yung nagtuturo eh kakantahin niya muna sa isip nya ung awitin na yun para maisakto niya kung sino yung maiiwan para maging taya. Oo nga ang daya nga naman, pero saken gustong gusto ko yun, kase friendly ako noon parang walang gusto na mataya ako. Tapos kapag game na, kanya kanyang diskarte ng pagtatago, ang paborito kong pagtaguan noon eh sa itaas ng mga jip o kaya sa ilalim para safe, bihira ako makita sa mga ganung lugar.

Minsan may mga sine-set pa kaming mga hangganan kung saan ka lang pwede magtago, sasabihin ng taya na, hanggang Sulu lang (Sulu ung pangalan ng street na sunod sa street namin). Sa larong taguan talaga nasusubok ang pagkakaibigan, madami sa mga kabarkada ko ang nagaasaran, nagdadayaan, nagsasapakan at nagiiyakan dahil lang sa nasabeng laro. Ganun kami ka seryoso sa laro namin noon. Tapos kapag medyo matagal na ang laro at nagkatamaran na, malas nung magiging huling taya, kase pag-uusapan na ng lahat ng kasali na magsiuwian na. Lahat ng kasali umayaw na at nasa bahay na samantalang ang kawawang taya, walang kamalay-malay na wala na siyang kalaro. Todo hanap pa sya tapos pag may nakita syang sa halip na matuwa malulungkot na lang sya kase ang sasabihin sa kanya: "Kanina pa kaya nag-ayawan umuwi na nga kaming lahat eh".

Kahet mga bata pa lang kami, marunong na kaming mang backstab. Sinisiraan namin ang isa't isa para lang mapalapit sa isa pang tropa. Kunwari si Kaibigan A eh may bagong laruan tapos wala si kaibigan B sasabihan ko si kaibigan A na:

"Oi alam mo ba? Sabe ni kaibigan B ang baho mo daw saka ampanget daw ng nanay mo".

Edi ngaun si Kaibigan A magagalit kay B tapos sasabihin ni Kaibigan A:

"Di bale galet natin si Kaibigan B, tara punta tayo sa bahay may bago akong laruan. Laro tayo. Di natin papahiramin si Kaibigan B".

Hahaha ang galing nga ng taktika ko noon. Epektib naman yun paminsan minsan eh.. Nakakamiss lang. Hindi ko na magawa ulit yung mga ganun kase ibang age bracket na ang kinabibilangan ko. Pag nakita nila ako na ganun pa din sasabihan na nila na mukha na akong tanga .. hehe :p

Ikaw ba papayag ka sabihan kang mukhang tanga?..

** Unang naisulat noong: April 05, 2008. Mag-a-apat na taon na din pala mula nung magumpisa akong mag-blog. Good times. :)

A Roller Coaster Ride Story

Isang bagay lang sana ang gusto kong ipunto sa ikukuwento ko sa inyo ngayon. Pero nung nasa jeep na ako pauwi habang kino-compose ko 'yung magiging istorya ko, madaming ibang kuwento pa ang pumasok na naisipan ko na ding isama kahit wala silang kinalaman dito.

So, sinasabihan na kita, maaring maging malabo at magulo ang istorya na ito. Kaya't kung ako sa iyo, higpitan mo na ang seat belt mo at kumapit ng mahigpit. Kagatin mo na din ng maigi ang pustiso mo (kung meron man) at mag-ingat sa pagsigaw.

At magsisimula na ang ating mala-Roller Coaster Ride na kwentuhan.

Jeep.

Isa sa mga memories ko kasama ang Mama ko eh nung umuwi kami sa probinsya namin sa Iloilo para sa isang family reunion. Bata pa ako nuon pero sanay na akong bumiyahe sa mga jeep, taxi at tricycle. Pamilyar na ako sa pagsabi ng “manong bayad po” kapag magbabayad ako sa jeep. Pati ang pagbanggit ng “manong para po” para pahintuin ang driver sa pagmamaneho para makababa ako ng maayos at walang gasgas sa tuhod, braso, binti at walang kulang na ngipin – nakasanayan ko na din.

Nung sa Iloilo, habang nasa biyahe at kalong kalong ako ni Mama sa jeep na puno ng nagsisiksikang pasahero, may isang nag-abot ng bayad niya. Walang ibang kumukuha nung pamasahe para maiabot sa driver kaya nag volunteer na lang ako. Kinuha ko 'yung pera para iabot sa mas malapit na pasahero.

Ako: “Manong bayad daw po.”

Ewan ko kung mahina lang ba talaga ang boses ko nung panahon na 'yun o kung mas malakas lang sa boses ko yung ingay na nanggagaling sa makina ng jeep. Walang pumansin sa akin. Medyo natagalan 'yung braso at kamay ko sa “abot pamasahe position” (pustahan tayo ni-demo mo pa sa isipan mo 'yung abot-pamasahe-position ano? Wag na mag-deny. Aminin!)

Mama: “Manong, bayad kun-o”

Biglang nagsalita ng Ilonggo (dialect sa Iloilo) si Mama. Ang direct translation niyan sa tagalog eh: “Manong, gwapo po ang anak ko.” (Oo, sweet naman ang Mama ko sa akin kahit papaano. At bolera din.) Seryoso, ang direct translation niyan sa tagalog eh “Manong bayad daw po.”. Pagkasabi nung mga katagang iyon, biglang may isang mahiwagang kamay na dahang-dahang nag stretch out para abutin 'yung pamasaheng kanina pa nasa kamay ko. At sa wakas nakarating din ang bayad ng pasahero sa driver sa loob.

Kaunti lang naman yung pagkakaiba nung sentence na ginamit ko sa sentence na binanggit ng Mama ko pero mas pinansin siya kaysa sa akin. Adik kaya 'yung ibang mga pasaherong kasabay namin? O baka naman pinapatikim lang nila ako ng “The Attitude” as if sinasabi nila sa akin indirectly na: “If you want us to notice you, then speak the way we speak”. Sosyal din 'yung mga pasaherong 'yun ah, magpapatama lang, English pa gusto?

. . .

Sa Maynila kapag sakay ka ng jeep o tricycle. Sisigaw ka ng “Para!” upang magpreno ang driver at huminto ang sasakyan para ikaw ay makababa.
Ngayon, balik tayo sa Iloilo.

Kapag nasa Iloilo ka at sakay ka ng jeep, tapos bababa ka na – pag sumigaw ka ng “Para!” malamang wala ding pumansin sayo. Pwera na lang kung sa pagsigaw mo ng “Para!” eh bigla kang magtatransform sabay may lalabas ng usok sa bandang paanan mo tapos biglang nakapag change costume ka na. Isa ka nang superhero with an unknown super power. Congrats!

“Manong, Lugar lang.” - Eto ang kailangang banggitin. Eto ang cue para sa mga driver ng Jeep sa iloilo para tumabi sa bangketa at magbaba ng pasahero.

. . .

“Para!” - Isang Spanish word. Hindi ito 'yung lugar sa Marikina. Parang 'yun.

Sabi ni Dora the Explorer, ang “Para” daw sa English, ang ibig sabihin ay “to stop.” Kung tama ang pagkaka-alala ko, inuuto niya pa nga 'yung mga viewers nung episode na 'yun (na lagi namang ginagawa ni Dora sa lahat ng episodes nila)

Eksena: Isang tren ang isang mabilis na umaandar sa riles ..

Dora: If we want the train to stop, we must shout “Para!” Are you gonna help us shout “Para!”

.. Tatahimik ang paligid. Awkward slence. Si Dora biglang sasagot na as if may sumagot sa tanong niya. ..

Dora: Great!

Dora: You have to raise your arms forward and then shout “Para!”

Dora and Boots (yung unggoy ha, hindi si Ms. Anson-Roa): “Para!”

Dora: You have to shout louder.

Dora and Boots: “Para!”

Dora and Boots: “Para!”

Ako: “Para! .. kang tanga!”

(Wag mo sabihing habang binabasa mo 'yung script sa taas eh, ini-imagine mo pa talaga 'yung eksena tapos ginagaya mo pa 'yung boses ni Dora at 'yung malumanay niyang pagsasalita. Ikaw na ang isip bata! At saka ako.)

. . .

Sa katapusan, eto lang naman talaga ang gusto kong ipunto:

Bakit dalawa ang translation ng salitang “Para” - pwedeng “Stop” at pwede din namang “For”?

May theory ako:

Siguro may punto sa kasaysayan ng Pilipinas na nagkasamasama sa isang lugar ang Pinoy, Amerikano at Español. Ang istorya eh sa pagitan lang ng Amerikano at Español na nag-uusap. Ang Pinoy ay witness lang at parang nanonood lang ng teleserye na kadalasan naman talagang ginagawa nila, este, natin pala (kasama ako).

Siguro, yung eksena eh 'yung Español eh naglalakad na may bitbit na bugkos ng bulaklak na ibibigay niya sana sa shino-syota niyang Español din. Tapos, napadaan siya sa may isang intersection, sa may pedestrian lane. Sa kabilang panig ng pedestrian lane, nandun naman 'yung isang Amerikaa na abalang-abala sa salitang pagkagat ng burger, pagsubo ng fries at pagsipsip ng Diet Coke. Magkasakasalubong 'yung dalawa at aktong magkakabangga. (kase nga ung Amerikana eh abala sa pagkain at hindi sa pagtingin sa dinadaanan).

Español: (Naalala ang eksena sa palabas ni Dora, itinaas niya ang kanyang braso paharap – pormang Arms Forward Raise sa Flag Ceremony, sabay sigaw ng malakas na...) “Para!”

Pinapahinto ng Español ang Amerikana para hindi sila magkabanggaan.

Amerikana: Ngasab ng burger. Subo ng fries. Sipsip ng Diet coke. Repeat 3 times bago niya napansin 'yung sigaw nung Español. Napatingin siya dito at nakitang may hawak na bugkos ng bulaklak ang Español habang naka “Arms Raise Forward” position pa ito.

Si Amerikana, nag-assume.

Amerikana: Napatingin sa bulaklak, napangiti at kuminang ang mata at kumintab ang labi dahil sa mantika mula sa kinakain nitong burger at fries sabay sabi ng “Awww! For me?”

Si Pinoy naman, nakita at narinig niya ang buong eksena kahit habang abalang abala sa pag-je-jaywalking sa kabilang side ng kalye. Multi-tasking. Jaywalker na tsismoso pa at the same time.

So dahil sa eksena na yun, naisip ni Pinoy na dalawa ang ibig sabihin ng salitang “Para” sa english – (1) Stop. (2) For.

At dahil sa medyo mayabang din si Pinoy, ibinahagi niya ito sa isang magsasaka at iniisip niyang isang mangmang. Ipinagmalaki na alam niya ang dalawang kahulugan ng salitang “Para” at ipinagkalat ito.

At ang ibang Pinoy naman, naniwala na lang ng hindi man lang nag-go-Google muna.

At dahil sa eksenang ito. Nagkaroon ng dalawang translation ang salitang “Para.”

PS: Nag Google ako at ngayon ko lang din napagtanto. 'Yung “Para” na “Stop” is a verb or pandiwa. Tapos 'yung “Para” na “For” eh isang Part of Speech – isang preposition. So there's no use in comparing the two. In short, null and void na itong post na ito. Pero since naisulat ko na, ipo-post ko na din.

Ano? Nahilo ka ba sa biyahe ng Roller Coaster natin?