Dear Teacher

Sige.

Makikipagkwentuhan muna ulet ako sa inyo.

Ngayong araw lang na ito, nakausap ko ang aking itinuturing na idolo sa kumpanyang aking kinabibilangan. May mga nakapagsabi sa akin na wala na siya sa aming kumpanya. Napirata na.

Ang galing talaga ni 'idol'. Buti pa siya, malaya na, di tulad ko na animo'y isang Parrot nakakulong sa 'hawla' na hindi masyadong nabibigyan ng 'sustansya'. Nakukuntento na sa mga pakunti-kunting 'bird seed' na binibigay sa akin kapag nagagawa ko ang mga gusto nilang gawin ko.

** Sabay gagayahin ang isang parrot **

"Errr.. Panget! Panget!"

"Errr.. Magnanakaw! Magnanakaw! Err..."

Kaya siguro ako malnourished.

Nabanggit ni 'idol' na gusto nya pala maging isang guro, isang guro sa musika. Ewan ko kung biro lang niya 'yun o inuuto niya lang ako at nagpauto naman ako.

Ako din pinangarap ko nang maging guro (hindi ako nanggagaya, peksman!).

Kung siya music teacher, ako naman gusto ko maging hmm... Biology teacher! Nakatutuwa siguro kung makikita ko ang mga reaksyon ng mga inosenteng batang mag-aaral habang itinuturo mo sa kanila ang mga leksyon tungkol sa katawan ng tao (lalo na ang reproductive system... hehe!)

Pero totoo, ginusto ko maging guro. Naisip ko ito ngayong buwan lamang nang mahilig ako sa pagbabasa at pagsusulat. Isang dakilang 'bokasyon' ang pagiging isang guro, lalo na kung ikaw ay nasa isang pampublikong paaralan.

Hindi ganoon kaganda ang kikitain mo kung isa kang public school teacher , kaya bilang remedyo dapat maalam ka sa mga negosyo. Kailangan may alam ka sa pagpoproseso ng karne upang makagawa ka ng mga produkto tulad ng tocino, longganisa, hotdog, siomai, kikiam, fish balls, squid balls, chicken balls at kung anu-ano pang balls na gusto mong itinda. Madameng pwede, bahala ka na lang mag-isip ng trip mo.

Pwede ka ding magkaroon ng 'portable sari-sari store' (tip: sa panahon ngayon, patok na ang mga 'portable'). 'Yun bang marami kang mga mumurahing tsokolate, kendi, chichirya, biskwit at mga inumin sa iyong bag na dala-dala mo kasama ng mga dokyumento ng iyong estudyante na kadalasan ay nasa bingit ng kamatayan ang mga grado kaya mapapabili sila ng mga tinda mo para kaawaan at ipasa mo sila. Ayos! Marketing strategy!

Kung ayaw mo ng 'portable' na tindahan at mas gusto mo ang malakihang kita, pwede ka din magtayo ng isang tindahan ng mga kagamitang pang eskwelahan sa mismong loob ng paaralan.

Ito seryoso, meron yata kaming guro na gumawa ng ganito. May tinda silang manila paper (bakit nga ba manila paper ang tawag dun?), kartolina, lapis, pambura, bolpen, pentelpen at walang kamatayang foot rags. Oo! Foot rags. Ito yung mamisong basahan na pabilog. Kaya pala kame required na gumamit ng foot rags sa clasroom ng masungit naming chemistry teacher ay dahil sa kanya mapupunta ang kita mula sa mga basahang ito.

Ibang klase. Pero kahit walang masyadong kaliwanagan ang pag-unlad ng mga public school teacher, marami pa rin ang pumapasok sa ganitong propesyon o dapat ko bang sabihing bokasyon?

Naniniwala ako na hindi lamang salapi at materyal na bagay ang mahalaga sa kanila, kundi ang paniniwalang makatutulong sila ng malaki sa pagpapaunlad ng mga mamamayan, ng lipunan at ng bansa sa pamamagitan ng pagbibigay kaalaman at paggabay sa kinabukasan ng kanilang mga mag-aaral.

Kaya sa lahat ng mga guro, bago o luma, bata o matanda, single or matandang dalaga, 'fresh' o menopause na, saludo ako (at ang iba pa) sa inyo!

** Unang naisulat noong May 22, 2008 **

No comments: