Ngayon ko lang napagtanto, tama pala ang nakararaming nagsasabi na ang almusal ang pinakamahalagang pagkain sa buong araw. Sa almusal tayo kumukuha ng lakas para makatagal hanggang tanghalian at sa tanghalian naman tayo nagkakaroon ng sustansya para makaabot ng hapunan bago matulog.
Tatlong beses kakain sa isang araw hindi pa kasama ang mga meryenda at nakaw na pagkain sa mga ka-opisina, kaibigan, kamag-anak at sa sariling sari-sari store.
Mula nung nagumpisa ang bakasyon, wala nang nagluluto sa bahay tuwing umaga kaya madalas ako bumibili ng almusal sa labas na at sa opisina na ako kumakain.
Ngayon lang araw na ito, kahit anong pilit ko na huwag bumili para makatipid, hindi ako nakatiis. Dumaan ako ng chowking sa may T.Sora - Visayas Ave. Beef Chaofan with Dumplings ang inorder ko.
Pagsakay ko ng jeep na biyaheng T. Sora - City Hall, sa biyahe ay may nadaanan kameng isang aksidente. Isa pang jeepney ang nakataob at isang kotse ang nawasak. Tanggal ang unahang parte ng nasabing kotse, yung parte na nasisilungan ng 'hood' at kinalalagyan ng makina.
Narinig ko ang kwento ng isang lalake na nakasaksi dun sa aksidente. Biyaheng T. Sora - City Hall din pala ang daan nung jeep na yun. Dagdag pa niya, mga lima hanggang sampung minuto pa lang daw ang nakakalipas nung nangyari ang nasabing aksidente. Naiisip ko, kung hindi ako bumili ng almusal ko, baka kasama ako dun sa jeep na yun na naaksidente.
Ito totoo, kinalabutan ako nung mga oras na yun.
Nailigtas ako ng almusal ko na Beef Chaofan with Dumplings.
Salamat Chowking.
Bagama't hindi ko gawain, napadasal ako kanina. Nagpasalamat na hindi ako nadamay sa naging aksidente, ngunit nahahabag naman ako para sa ibang tao na nasaktan. Kanina ko lang lubusan na naintindihan ang ideya mula sa isang nabasa kong libro.
Ang pagdadasal ay hindi katulad ng paghingi ng mga regalo kay Santa Claus tuwing araw ng pasko. Totoo, karamihan ay nakakaalala lang na tumawag sa Kanya kapag mayroong pangangailangan tulad ng mabuting kalusugan, magandang pangangatawan, pera, kombinasyon sa lotto at magkaroon ng boypren/gelpren. Ngunit bibihira ang mga nagdadasal upang magpasalamat.
Dear Lord,
Salamat po at mayroong Beef Chaofan with Dumplings at hindi ako napahamak.
Hindi lahat ng nakikita ay dapat paniwalaan at hindi lahat ng hindi nakikita ay walang katotohanan. Maaring hindi ka naniniwala sa Kanya, dahil hindi mo pa Siya nakikita ng personal, pero para sa ilang tao (katulad ko ngayon) sapat na ang ilang mga pangyayari para mapatunayan na totoong may gumagabay sa ating lahat anumang oras.
(What the? Kelan pa ako naging relihiyoso?)
** Popoy's additional note **
Unang naisulat noong May 19. 2008.
Update 1: Wala nang dumplings sa Chowking. Phase-out na. *Sad Face*
Update 2: Wala na ang Chowking na binilhan ko ng almusal na nagligtas sa buhay ko. *Double Sad Face with Tears*
No comments:
Post a Comment