Simula unang baitang hanggang magtapos ako sa mababang paaralan, limang taon.
Simula first year hanggang makapagtapos ako ng mataas na paaralan, apat na taon.
Simula unang taon sa kolehiyo hanggang sa inasam na pagtatapos, apat na taon.
Mag iisang taon na din akong nagtatrabaho sa isang IT Company.
5 + 4 + 4 + 1 = 15.
Simpleng math! Labing limang taon na rin ako bumibiyahe, sumasakay sa mga pampublikong sasakyan papunta kung saan-saan. Pedicab, tricycle, LRT at MRT, bus at taxi. Lahat yan nasakyan ko na at sinasakyan ko pa din. Pati mga green jokes sinasakyan ko din. Pero ang pinakamasaya sa lahat, ay ang mga pagbibiyahe ko sa mga jeepney.
Madame na din akong rutang nadaanan. Blumentritt, Cubao, Sta. Mesa, T. Sora, SM - Trinoma, Monumento at madami pa. Bawat biyahe merong mga nakakatuwang karanasan na sadyang di malilimutan.
5 + 4 + 4 + 1 = 14 mali ang pagbibilang ko sa itaas kanina.
Ganyan ako minsan. Hindi nagbibilang ng maayos. Lalo na sa mga sinusukli saken ng mga drayber. Minsan sobra pero kadalasan kulang. Sadyang wala akong panahon magbilang ng sukli pwera na lamang kung malaking halaga ang binayad ko. Sayang din 'yung malaking sukli!
Nahuli na din akong nag-1-2-3. Gawain ito ng mga bata noon. Minsan trip lang, at minsan sapilitan. Kapag gipit na gipit talaga. 'Yun ang naranasan ko nung minsan na ubusin ko ang baon kong pera sa recess nung elementary. Pwede ako maglakad kung tutuusin mga tatlumpung minuto lang naman yun mula paaralan patungo sa aming munting tahanan. Ewan ko ba kung bakit pinilit ko pa din na sumabay sa kaklase ko pauwi sakay ng dyip. Siya nagbayad, ako hindi. Kaya siguro ako nahuli ng drayber noon. Napahiya ako sa ibang pasahero, pero dahil bata, deadma lang!
Hanggang ngayon nakakapag 1-2-3 pa din ako sa dyip. Pero hindi ko na sinasadya yun, nakakalimutan ko lang talaga (kunwari lang). May mga panahon lang talaga na madami ako naiisip at parang lumilipad ang aking utak kung saan-saan. May mga panahon din na sa sobrang pag-iisip ay lumalampas na ako sa aking destinasyon, minsan naman wala pa, bumababa na ako.
Habang sakay ng isang dyip at nagbibiyahe, ayaw kong makasabay ng mga pasahero na tamad at walang pakialam. Sila yung mga tipo na kahit idutdut mo na sa mga mata nila yung bayad mo at sigawan mo sila sa tenga ng "Ma! Bayad Po!" eh hindi ka nila papansinin. Hindi nila iaabot kay manong drayber ang bayad mo.
Ayaw ko din nung mga pasahero na lahing woodpecker. Sila naman yung mga tipo na sa halip na sabihan ang drayber kung baba na sila, pinipili nila katukin ang kisame ng sasakyan na gawa sa kahoy upang gumawa ng INGAY.
Bilib nga ako sa ibang drayber kapag nakakasakay ng mga ganitong pasahero. Sisigaw ang drayber ng: "Huwag mo katukin yan! Hindi yan pinto". Yung ibang drayber ang sinisigaw naman: "Tuloy!" animo'y pinapatuloy yung kung sino man na kumakatok sa kisame. Yan ang sense of humor!
Pero may second career ang mga pasahero na lahing woodpecker. Nagiging dog trainer sila kapag ang kisame ng dyip ay may karpet o gawa sa metal o gawa sa materyales na hindi makakagawa ng ingay. Kapag hindi nila magagawang katukin ang kisame, ngu-nguso sila na parang mga bisugo saka si-sit-sitan ang drayber. Kawawang drayber naging aso (kahit ang iba sa kanila ay amoy aso talaga).
Hindi lang naman sa mga pasahero ako nagkakaroon ng mga nakakainis na karanasan. Minsan pati sa drayber naiinis din ako.
Merong mga drayber na akala mo'y kampyon ng stop-dance contest kung magpatakbo ng jeep.
Andar.
Hinto.
Andar.
Hinto.
Andar.
Hinto.
Hilo.
Suka.
Yuck!
Meron din naman parang tanod. Bawat kalye, bawat eskinita hinihintuan at sinisilip kung may pasahero.
Merong drayber na kaskasero.
Merong drayber na parang si Kuya Cesar.
Merong drayber na sugapa.
Merong drayber na manyak.
At merong drayber na blogger.
Pero lahat ng 'yan patikim pa lang. Ang pinakamatindi, kapag nagkasundo ang isang drayber at isang pasahero na iparanas sa iyo ang isang bagay na hindi mo nanaisin na maranasan.
Putok sa kaliwa, putok sa kanan. Puro putok hindi naman bagong taon, wala naman operasyon ang mga pullis.
Hindi ko talaga kinaya nung minsan na maupo ako sa harapan ng jeep, nasa kaliwa ko ang drayber. Nasa kanan ko ang isa pang pasahero. At nasa buong paligid ko ang isang mahiwagang amoy. Paligid-ligid. Isang langhap lang malamang dalhin ka nito sa langit.
Parehong may BO ang drayber at pasahero. Siguro kung wala akong bimpo noon, baka nadoble ang pamasahe ko dahil panigurado, baba agad ako sa dyip kahit wala pa sa destinasyon ko para makalipat lang ng ibang sasakyan.
Ewan ko ba kung bakit may mga taong sadyang tamad maligo. Pwedeng tamarin ang tao na maligo paminsan-minsan (tulad ko), pero huwag naman sana palagi.
Buti na lamang meron pa ding mga tao na masarap makasabay sa jeep. Kaya lang ka-kaunti na lamang silang mga tao na gugustuhin mong makasama sa biyahe. Sumakay ka ng dyip na biyaheng T. Sora - City Hall, o kaya Cubao-Kalayaan-Alimall, o kaya biyaheng Crame. Baka makasabay mo ang isa sa kanila.
*Ehem*
** Popoy's Additional Note **
Unang naisulat noong May 12, 2008. Nung mga panahong ito, sa AFPSLAI pa ako assigned. Sa may Edsa corner Boni Serrano Avenue, malapit sa Santolan MRT Station. Eto yung mga panahon na ang biyahe ko eh sa Cubao-Kalayaan-Alimall na ruta pa.
No comments:
Post a Comment