Eh bakit ganito ang isinusulat ko ngayon?
Wala lang!
Susubukan ko lang.
Mula sa pagsusulat ng mga kalokohan at kung anu-ano eh susubukan ko ang medyo seryosong usapan.
Kailan lang, nagising ako ng maaga. Bilang almusal kumain ako ng masustansyang pagkain, kape at instant noodles. Ultimate breakfast combo ng mga tamad at di marunong magluto.
Pagkatapos ko namang maligo, bigla na lang may pumasok na pamatay na tanong sa isipan ko. Gaano ako ka-sweet sa kasintahan (shemaks ang lalim!) ko? Totoo pwera biro, yun ang eksaktong tanong na buong araw ko pinag-isipan. Pilit ko inaalala kung ano mga nagawa ko para masabing 'sweet' ako.
Oo lumalabas kame para makasama ang isa't isa. Kahit papaano sinusubukan namen makapagusap ng madalas.
Binibigyan ko siya ng ilang bagay na alam ko na gusto nya. Binigyan ko siya noon ng isang 'teddy bear' at pinangalanan namin itong 'gairo'. Tunog anime, pero hindi. Ang 'gai' galing sa pangalan nya, ung 'ro' galing sa last name ko. Kahit pa sabihing mumurahin lang yun at sa divisoria lang nabili at nahukay lang sa patong patong at sangkatutak na mga 'stuffed toys', kahit papaano natuwa naman siya. Ayos! Dagdag puntos!
Ewan ko nga lang kung bakit laruang kamukha ng oso at ipinangalan sa isang amerikano ang naisip kong ibigay. Napaka ordinaryo, sana pumili ako ng 'stuffed toy' na kakaiba. Pwedeng buwaya, manok, elepante, langgam, bubuyog o di kaya'y butiki na 'stuffed toy' para sana kakaiba.
Nagawa ko din siyang regaluhan ng isang libro na pareho naming paborito ang nagsulat, ang 'Stainless Longganisa' natuwa din naman siya at sinulatan niya ang pinakahuling pahina ng ng nasabing libro ng katagang 'MahalKoPareKo'. Wow! Sarap naman. Pero sa kabila nitong mga ito, hindi pa rin yata sapat na masabi ko na 'sweet' ako sa kanya.
Kaya pagdating ng opisina, pag bukas ng homepage ng 'meebo' at pag log-in ng aking yahoo id, nagsimula agad akong mangulit sa mga taong online sa aking listahan.
Gumawa ako ng serbey, at ang tanong:
"Paano mo masasabing sweet ka sa boyfriend/girlfriend mo?" Narito ang kanilang mga sagot at ang aking komento.
(gingzabala): sweet siguro kung kung maso-surprise ko xa.
[Bago niya sinabe ito ay umamin siya na parang nawawalan na siya ng oras para sa kanyang labiduds, pero para sa isang lalaki na umaamin ng kanyang pagkakamali, ibang klase! Astig! Oo nga mukhang sweet nga kung masosorpresa mo siya lalo na't alam mo na nawawalan ka ng oras sa kanya.]
(jesus_sotingco): kapag lagi mo xa nilalambing. tuwing magkasama kayo lagi mo xa napapasaya. may time ka sa kanya.
[Mukhang ito ang hindi ko nagagawa. Hindi ko siya nilalambing pag lumalabas kame dahil parang 'PDA' na iyon. Naguusap lang kame pag magkasama, kwentuhan lang. Hindi ko siya sinasayawan o kaya umaarteng tanga para mapasaya na tulad ng isang payaso. At oo, madalas din akong nawawalan ng oras sa kanya, isang malaking kasalanan.]
(julls_03): Pag malambing ka. Pag inaalala mo cia. Gusto mo sabay kau kumain at minsan sinusubuan mo xa. Madalas hina-hug at sinasabihan ng aylabyu.
[Sa madalas na pag-aylabyu mukhang hindi ako sang-ayon. Sadyang 'sagrado' o espesyal ang nasabing salita kaya kung madalas mo ito gagamitin, parang mawawalan ito ng kahulugan. Ang pagsabi ng aylabyu sa ordinaryong araw ay magiging kapareho na lamang ng pagsasabi ng aylabyu kapag may mahalagang okasyon tulad ng anibersaryo. Magiging napaka ordinaryo.]
(el_ei16): pnagluluto ng pagkaen. concern ka palagi sa kanya.
[Sa lahat ng nakuha ko na sagot, ito ang pinakakakaiba. Ang ipagluto ng pagkaen ang tao na mahalaga sa'yo. Mukhang okay ito ah. Ano kaya kung ipagluto ko 'siya' ng instant noodles at kape at lalagyan ko ng itlog ang noodles para espesyal.]
(scuffle_23): lage mo xa inaalala. tapos lahat ng gusto nya gagawin mo.
[Balak yata nitong gawing 'spoiled' ang babae eh. Hehe. Mukhang delikado ito dahil baka maging 'under' ka. Biro lang. May punto siya dito. Naalala ko yung eksena sa isang korean movie, yung pinagsuot ng babae ng high heels ang lalake. Nakakatuwa.]
(bwesetka): kapag lage mo xang kina-cuddle. kapag lage mo xa tinitignan sa eyes habang hawak mo kamay niya.
[Hindi ko alam yung 'cuddle' pero sabi niya 'to embrace closely' daw ang ibig sabihin nito. Ang pagkakaintindi ko, paglalandi. Mali pala. Ang pagtitig sa mata habang hawak ang kamay, mukhang nakakakaba, dahil parang wedding propsal ang mangyayari nyan.]
(keithlin_06): siguro para sakin kapag extra special yung treatment nya sayo.
[Paano ba magiging espesyal ang pagtrato sa isang tao? Kapag niligyan mo ba ito ng itlog na parang instant noodles o parang laglalagay ng scoop ng ice cream sa ibabaw ng halo-halo? Hehe.]
(spiderbeef23): sweet = doing extraordinary things;
[Wow! Extraordinary things. Mukhang tama nga ito. Parang yung sabi sa isang kanta na susungkit yung singer ng mga bituin sa kalangitan. Ayun extraordinary talaga.]
(thereal_deadman_inc): masasabi ko na sweet ako sa gf ko, dahil mahal ko siya. dba J.K.? sweet ko ano?
[Sa lahat, itong tao na ito ang pinakamahirap kuhanan ng opinyon. Pero tama siya, lubusan mong masasabing sweet ka sa isang tao kapag mahal mo talaga siya ng buong puso mo. Kaya lang parang ang hirap paniwalaan na sa kanya pa nanggaling ang ideya na ito. Hehe.]
Ito ang mga nakuha ko na kasagutan sa aking katanungan na ginulo ang kokote ko ng isang buong araw. Merong pare-parehong pananaw, meron namang magkakaiba, buti walang nagbigay ng abnormal na sagot. Mayroon akong naalalang kaisipan mula sa isang lumang palabas sa telebisyon. Ang liham daw ni Jose Rizal, sinasabing nilagay sa isang lampara upang mailabas at mabasa nila Bonifacio at ito ang nagbunsod ng himagsikan.
Walang nakakita pero ito ang ating pinaniniwalaan.
Ganun din sa pag-ibig o sa pagiging 'sweet'. Hindi mo kailangang laging ipakita ang nararamdaman mo para sa isang tao na mahalaga sa iyo. Sapat na na alam ninyo na pareho ninyong mahal ang isa't isa at pinapahalagahan. Ang kailangan lang ay paniniwala at pagtitiwala.
(Sa lahat ng nag-bahagi ng kanilang mga kaisipan para dito, salamat sa inyong lahat)
** Popoy's additional note **
Unang naisulat noong May 25, 2008.
Noong mga panahong ito, may girlfriend pa ako at okay pa ang relasyon naming dalawa. Pero dumating din yung panahon na naghiwalay kami, kasalanan ko.
Ngayon, after ilang years, nagkabalikan na ulit kami. :)
After ko basahin iyong entry, napagtanto ko - minsan, ang keso ko pala talaga. Hehe.
No comments:
Post a Comment