Touching Bases

Long time!

Hindi ko din sigurado kung bakit hindi na ako nakakapagsulat (or blog). Dati ang sipag ko eh. Ang record high ko nga, 3 posts sa isang araw. Pero ngayon, parang sex life lang ng tumandang lalaki, swerte na lang kung makaisa pa - at ngayon ang maswerteng araw dahil sa muli, nakapagsulat ulit ako. :)

Siguro busy lang talaga ako kaya walang time makipagkwentuhan. O baka naman tinatamad lang talaga ako. Kung anuman ang dahilan, ayaw ko nang pagisipan pa - tinatamad kase ako.

Anong bago?

Naiba na naman ang physical activity na pinagkakaabalahan ko. Kung dati eh badminton, ngayon eh biking naman. Nagkataon din kase na tinatamad na magyaya ng badminton yung dating kalaro ko. Either tinatamad nga siya o hindi niya lang talaga ako niyayaya. Minsan kase nakikita ko siya nagpopost ng mga pictures niya pag naglalaro sila ng badminton ng hindi ako kasama. :( Bakit kaya hindi niya ako sinasama? Naliligo naman ako (kahit labag sa loob ko).

Kung bakit naman ako nauwi sa pagbibisikleta - one time, naisip ko lang, nami-miss kong mag bike. Nag search ako sa sulit ng mga bike. May nakita akong mga mountain bikes na hindi ko naman nagustuhan. Kaya ko naman ipadyak yung mga matataas na bike pero parang natatakot pa din ako. At pakiramdam ko, hindi ko masusulit ang paggamit ng mountain bike kung yun man ang bibilhin ko.

May nakita akong isang bike - color blue and white. Ang presyo, Php. 5,200.00 lang - mas mababa compared sa 15,000.00 - 19,000.00 na presyo ng matinong entry level ng mountain bike. At .. natitiklop. Folding bike. Na-inlove ako agad sa color blue and white na folding bike worth 5,200.00. Kaya dinayo ko ang tindahan nung bike sa may Kamuning area.

Pagkabili ko ng bike, inayos na ito ng mga mekaniko para pwede na masakyan agad. Inayos ang gears at ang breaks at kinabit ang ibang piyesa. Bumili na din ako ng helmet at ng gloves. Presto! Pagka-ayos ng bike, sinakyan ko na agad mula Kamuning hanggang sa bahay namin sa Q.C. at dun na ang simula ng pagbabalik sa pagbibisikleta.

Speaking of bahay sa Q.C., hindi na din pala ako dun nakatira, well partly. Tuwing weekends na lang ako naandun. Pero sa mga araw na may pasok, sa Tayuman na ako umuuwi. May naupahan kaming apartment dun. Mas malapit na ako sa trabaho. Hindi na ako na-le-late (paminsan minsan na lang pag sobrang puyat or kapag tinamad pumasok) at hindi na din ako inaabot ng 2-3 hours na biyahe pauwi. Nagbibisikleta na lang din ako papasok ng ofis at pauwi ng bahay kaya iwas traffic na at may constant excercise pa. Nakakatulong para mapanitili ang aking malusog at makisig na pangangatawan.

Kung bakit naman ako umalis ng Q.C. at lumipat ng Tayuman, wala lang, arte lang. Kunwari independent ako. Isinuko ko ang masarap na lutong bahay araw-araw at packed lunch or breakfast kapalit ng kunwariang pagiging independent. Yun lang ang na-mi-miss ko nung nasa Q.C. ako, araw-araw may baon akong kanin at ulam.

Sa ngayon, ayan lang naman ang mga nangyayari.

Madami akong mga istoryang naiisip na gusto ko sanang i-blog at i-kwento sa inyo kaso nga tinatamad lang talaga ako.

Baka sakaling sa mga susunod na araw, sipagin ulit ako at makakapagkwentuhan na ulit tayo regularly.

Sa ngayon, eto na lang muna - para sa tatlong readers ko:

Merry Christmas and A Happy New Year sa inyo. :)

Ilocos Trip Day 01 - Eversince the World Vigan

Medyo badtrip lang ako sa simula ng bakasyon ko na ito. Friday September 7, dala ko na sa opisina ang mga gamit ko. Isang backpack na puno ng mga pamalit na damit. At isang camera bag. Ang original plan, magpapa-late na kami ng stay sa opisina para lang makahabol sa deadline, tapos makikitulog na ako sa condo ng katrabaho ko na malapit lang sa opisina. Medyo excited pa ako nun. Hanggang sa lumipas ang mga oras at hindi na kami nakaalis ng opisina. Dun na kami nag-overnight.

September 8, finished or not finished, sabi ko aalis ako sa opisina ng 9:30AM. Kailangan ko makarating ng mga 11:00AM sa airport NAIA Terminal 3, 12:00PM kase ang flight namin via Cebu Pacific.

Nakarating ako ng maaga sa airport at dun na din nag breakfast. Tapsilog sa Andiamo Cafe sa upper level ng NAIA Terminal 3, malapit sa bilihan ng mga damit/pasalubong, bandang dulo.

Dun ko na din hinintay ang mga kasama ko na parehong late dumating. Akala ko nga hindi sila aabot. Pero kung umabot man sila o hindi, desidido akong ituloy ang bakasyon kahit ako na lang mag-isa.

Nakumpleto kami, mga less than 1 hour before our flight. Medyo masama na ang simula ng araw ko. Iniisip ko na sana, sa kabila ng lahat ng hassle eh makapag-enjoy ako sa bakasyon ko. Excited pa din naman ako lalo na't ang pupuntahan namin eh isa sa mga dream destination ko - Ilocos!

1:20PM ng makalapag ang eroplano namin sa Laoag Airport. Paglabas ng airport, may mga nagtatambol pa na sumasalubong sa mga pasahero. Feeling fiesta. Isang magandang pangbungad.

Mula airport, maglalakad na lang sana kami palabas ng hiway para dun na magabang ng sasakyan papunta sa accommodation namin. Pero habang naglalakad, hinintuan kami ng isang jeep/multicab at sinabing papuntang Laoag City ang biyahe niya. Sumakay na kami at nagpahatid kami sa Texicano, kung saan kami tutuloy. Php. 40.00 ang ibinayad namin sa jeep/multicab.

Mga 20 minutes lang na biyahe, nakarating na kami sa Texicano. Ang original na plano namin eh, dun kame mag-i-stay sa Fan Rooms na walang TV. Php 310.00 per room, since tatlo kaming magkakasama, dalawang kwarto ang kukuhain namin. Ang Fan Rooms eh kaya lang mag-accommodate upto 2 pax (maximum), dun sa isang kwarto magsasama yung dalawang babae. Yung pangalawang Fan Room eh para sa akin. After inspection, hindi ko nagustuhan ang kwarto dahil sa mga sumusunod na dahilan.

Una, nasa lumang building nila ang mga kwarto. Ang flooring ay kahoy. Ang hagdanan ay kahoy. Mga poste ay kahoy. At ang buong kwarto ay kahoy din. Wala namang problema sa amin ito, pero medyo nakakatakot kase ang ambiance. Nagbibiruan pa nga kami na bawat hakbang namin eh may maririnig kaming langitngit na mula sa pintong kahoy na dahan dahang bumubukas.

Pangalawa, yung kwarto na sabi eh good for 2, sobrang sikip para sa dalawang tao. May isang kama sa gilid at sa mismong bandang ibaba lang nito, naglagay lang ng isa pang extra mattress. Kaunti lang ang pagitan ng kama at ng extra mattress.

Pangatlo, yung isang room na ibibigay para sa akin, masyadong malayo sa room nung dalawang babae na kasama ko. So siyempre hindi ako pumayag. Naisip ko kase, paano kung pagdating ng gabi eh natakot ako? Ang layo ng tatakbuhin ko para lang makitago sa kumot ng mga kasama ko. No way!

Ang nasa isip ko, kahit pa sabihing nasa budget travel kami, hindi pwedeng isakripisyo ang accommodation. Dapat kahit papaano, pag pagod ka sa tour, pagdating sa tutuluyan eh dapat madama mo yung comfort na hinahanap mo after ng mahabang araw ng lakaran, kainan at picture-an. At alam ko na hindi iyon mabibigay ng mga lumang kwarto sa lumang building ng Texicano.

Buti na lang, nabanggit nung taga Texicano na may bago silang building, bagong mga rooms. Mas mahal nga lang. Php. 875.00 ang room na good for 2 tapos plus Php. 280 para sa extra pax. After ma-inspect ang kwarto, nagdesisyon kami na yun na lang ang kuhain. Maluwag ang kwarto, sobrang luwag! May tatlong kama. May maliit na T.V. at may aircon. May malinis at maayos na banyo din. (Sayang lang hindi ko nakuhaan ng picture yung luma at bagong kwarto.) Medyo mahal lang ang kwarto kumpara dun sa unang na-i-plano na namin, pero after ng kaunting usapan, pumayag naman yung taga Texicano na bigyan kami ng 10% discount. So okay na din. :)

(Texicano Sign - yung entrance eh nasa gilid, papasok ka pa sa isang street tapos lakad ng kaunti)

Pagkatapos makakuha ng kwarto. Nagayos na kami ng gamit. Nagpahinga sandali at nagpalamig. Kailangan mag-freshen up dahil sobrang init sa Laoag City. Nanunuot sa balat. Kahit yung sangkatutak na melanin sa katawan ko eh muntik nang sumuko.

3:00PM, umalis kami ng Texicano at saka nagsimulang maglakad papuntang Partas Bus Terminal. Walking distance lang ito from Texicano, mga 10-15 minutes na lakad. Pwede din naman kayong mag-tricycle pero there's always the possibility na magulang kayo pagdating sa pamasahe. So mas maigi, kung magta-tricycle kayo, itanong niyo muna sa receptionist sa Texicano kung magkano ang pamasahe para may idea kayo.

From Laoag, bumiyahe kami papuntang Vigan, Dalawang oras ang biyahe. Mas matagal pa na travel time kumpara sa Manila-to-Laoag via airplane. Pero okay lang naman. Air-conditioned naman ang bus eh. At kumportable ang upuan. Pwedeng umidlip.

Bumaba kami sa Munisipyo o City Hall mismo ng Vigan at naglakad kami diretso papunta sa simbahan. Pumasok kami sa St. Paul's Cathedral. May on-going na misa at madaming tao. Sakto kase fiesta sa lugar. Kaya madaming tao din. Sa loob ng simbahan, sa mga poste at mga dingding, may mga lapida na nakalagay. Sabi ng kasama ko, dun daw nililibing yung ibang mga tao at yung mga pari na nagsilbi sa simbahan.

Bell tower ng St. Paul's Cathedral

Front view ng St. Paul's Cathedral

Pagkatapos sa simbahan, naglakad-lakad na kami sa paligid ng Vigan. Nakakatuwa sa lugar na ito kase parang pinananatili nila yung lumang itsura ng mga establishamento. Kahit yung mismong building ng mga banko at ng McDonald's, luma ang itsura. Vintage na vintage ang dating. Ang galing.

Hinahanap namin ang Calle Crisologo, medyo naligaw pa kami nung una pero dahil hindi naman ganun kalaki ang lugar, natunton din namin ang hinahanap namin.

Yung Calle Crisologo, parang Intramuros lang din. Pero mas okay ang dating. Mas okay yung atmosphere. At mas authentic tingnan. Authentic din naman ang Intramuros pero mas lamang para sa akin ang Calle Crisolog.

Ang nakakatutuwa pa sa Calle Crisologo eh ang vintage na dating ng lugar. Yung feeling mo talaga nasa sinaunang lugar ka. Yung tipong kaya mong ma-imagine yung may makikita kang mga babae na naka-FilipiƱana at mga kalalakihan na naka kamisa-de-tsino o nakabarong tagalog. 

Makukumpleto pa yung Historical Feeling kapag nilibot mo ang buong lugar sakay ng isa sa mga sinaunang moda ng paglalakbay - Ang Kalesa. Hindi na namin ito ginawa dahil mas na-enjoy naman namin maglakad-lakad.

Nagkalat din ang souvenir shops sa buong kalsada. May mga damit, bag, carved wood figurines, pamaypay at kung ano-ano pa. Tumingin-tingin ka lang at for sure eh may magugustuhan kang damit na maiuuwi mo sa Maynila. Ako personally eh bumili ng dalawang damit. Parehong design, magkaiba lang ang kulay - isang black at isang blue. From original na Php. 200.00 per shirt, pumayag si ate na Php. 190.00 na lang. Ayaw niyang pumayag sa 150 kahit 180. Kuripot ba talaga ang mga Ilocano o baka mahina lang talaga ako tumawad? Nagtatanong lang po.

Isa sa mga souvenir shops sa Calle Crisologo

Calle Crisologo at ang Kalesa na umiikot-ikot sa lugar

Popoygelo at Xtidahl (college friend/classmate and now, travel buddy)

Yung mga street sign, bintana, dingding, pinto at loob ng bawat building sa lugar eh lumang luma talaga tingnan. Parang walang ni-restore. Parang well-preserved from it's original state.

Calle Crisologo sign and lamp post

Travel Buddies Xtidahl and Jona

Para kaming mga batang dinala sa Luneta. Tuwang tuwa sa lugar na pinagdalhan sa amin. Hindi namin mapigilang mapangiti habang naglilibot sa Calle Crisologo. Hindi din namin mapigilan siyempre ang kumuha ng maraming picture. Usually, hindi ako nagpapa-picture ng solo. Tanggap ko naman na kase na pang-likod lang ako ng camera. Pero inilabas ng Calle Crisologo ang camwhore within me. Sa sobrang excited/tuwa/saya ko, nagpapicture ako ng nakahiga sa kalsada doing my "okay" pose.

"Picture me like one of your French Girls"  Shot


Isa sa mga souvenir t-shirt designs sa Calle Crisologo - dahil sa souvenir t-shirt na ito, ang buong Ilocos Trip namin eh napuno na ng "second meaning" jokes and punchlines. :D

Pagkatapos magikot, mamili ng souvenir t-shirts at kumuha ng sangkatutak na pang-"FB profile pic" na picture, naghanap na kami ng makakainan. Ang usapan namin, after kumain eh babalik kami sa Calle Crisologo just to see how the place looks like at night time.

Nadaanan namin ang Cafe Leona. Tiningnan ng mga kasama ko ang menu sa nasabing restaurant. Php. 150.00 pesos yata (kung tama ang pagkaka-alala ko) yung presyo nung Pinakbet na good for 2 or 3 ang serving. Pwede naman na pero we opted to look for something cheaper.

Dahil sa fiesta sa lugar, may night market na naitayo sa Plaza. Maraming nagtitinda ng mga furnitures. At marami ding mga makakainan. Dito kami sa night market nagdesisyon kumain. Sa isa sa mga tindahan, umorder kami ng:

- Hotdog (dahil request ng isang kasama namin)
- Vigan Longganisa (na request ko naman)
- Pinakbet
- at Bagnet na inorder namin sa kabilang tindahan naman.

(Trivia lang: Mahilig ako sa longganisa na ulam kaso ang alam ko na lasa ng longganisa eh yung hamonado, yung matamis ang timpla. Nung una akong nakatikim ng Longganisang mabawang ang timpla, hindi ko naubos. Nasusuya kase ako sa lasa. Parang panis. Pero this time, na-enjoy ko na ang pagkain ng mabawang na timpla ng Vigan Longganisa.)

Ang binayaran namin lahat lahat eh Php. 330.00 lang para sa aming hapunan. Sulit na sulit, at busog pa. Masarap din yung libreng soup dun sa kinainan namin sa night market.

Cafe Leona

After maghapunan, bumalik kami sa Calle Crisologo, bukas na ang mga ilaw. Mas kaunti na ang mga tao. At mas maganda na ang lugar. Calle Crisologo at night time is one thing you must see kapag nasa Vigan ka.

Popoygelo doing his one and only and overused "okay" pose

7:00 PM, from Vigan sumakay kami ng tricycle papuntang Hiway. Dun lang daw kase may mga dumadaan na bus papuntang Laoag. Naghintay kami ng bus na bumiyahe pa from Manila. Mga 7:30PM na kami nakasakay. Before 10:00PM, nakabalik na kami sa Laoag, sa aming accommodation sa Texicano. At dun natapos ang Day 01 ng Ilocos Trip namin.

Pagkabalik ng accommodation, kailangan ko pa magbukas ng laptop para magsupport sa trabaho na naiwan ko sa maynila. Bakasyon at nagtatrabaho pa din ako. Paki-ready na ang mga Guardia Civil at ang mga mahahabang riple at i-firing niyo na ang isang martyr na katulad ko. Hehe. :p

--

Total Expenses:

Popoygelo's Travel Tips:

1. Kung sa Texicano kayo tutuloy, ask for their rooms from the New Building. Or kung okay kayo dun sa lumang building, pwede din naman. Whatever floats your boat dude.

2. Humingi ng Discount sa Texicano (kung sakaling dito nga kayo tutuloy), baka sakaling bigyan din kayo ng 10% discount. Ngitian mo lang sila ateng receptionist to lighten the atmosphere at ng mapadali ang tawaran portion.

3. Okay ang pwesto ng Texicano. Strategically Placed. Malapit sa kainan (sa tawid lang yung Saramsam na pwede niyong orderan ng Pinakbet Pizza.) Malapit din ito sa mga terminal ng Bus at sa Plaza mismo ng Laoag City.

4. Wag basta basta sasakay ng tricycle. Magtanong muna sa receptionist ng hotel na tinutuluyan niyo kung magkano talaga ang pamasahe, para lang di kayo magulangan ng mga driver. May nangyari sa amin na parang inikot lang kami ng dalawang kanto lang tapos siningil kame ng Php. 40.00.

In a little while, boarding will now commence

May 2012 nung huli akong nakapasok sa loob ng isa sa mga paborito kong lugar sa Metro Manila. Bumiyahe kami nuon patungong Tuguegarao.

June 2012, nung huli akong nakabalik sa parehong lugar pero hanggang sa may bandang labas lang ako. Hindi ako nakapasok hanggang sa pinakaloob.

At ngayon, naandito na ako ulit sa boarding area ng NAIA Terminal 3, ang isa sa mga lugar na gustong gusto kong puntahan at tambayan.

Hindi ko alam kung ano ang meron sa airport na ito pero pag naandito ako, okay ang pakiramdam ko. Wala akong pakialam kahit matagal akong maghintay ng boarding time at kahit ma-delayed ang flight ko (wag lang sobrang delayed), basta't naandito ako sa lugar na ito, masaya na ako - panatag ang loob ko.

Ngayon, nag-aabang na lang ako ng pagdating ng eroplanong sasakyan namin mula Maynila papuntang Cagayan de Oro. Flight 5J-379, 7:10 AM ang lipad, 6:40AM ang boarding time. Mag-isa muna akong bibiyahe, dun na kami sa CdO mismo magkikita ng boss ko.

Pupunta ako ng CdO para sa isang Official Business Trip. (Naks naman! Gumaganun na pala ako ngayon!) Sa totoo lang, hindi naman talaga ako kailangan dun. Kayang kaya iraos ng boss ko ang training nung bagong project na ginagawa namin. Kumbaga, ang pagpunta ko dun ay isang "Accessory" na lang. Siguro kailangan lang ng isang gwapong tao na ipanghaharap sa mga trainees kaya pinapapunta ako dun. Oh well, hindi ko naman sila masisisi.

Kahit hindi naman ganun ka-importe ang role ko sa CdO (kase nga naandun lang naman ako para magpa-gwapo at magpa-cute), tinanggap ko na din ang alok na pumunta sa nasabing lugar. Medyo stressed out na din ako sa Maynila eh. Nung mga nakaraang linggo, ilang araw (at gabi) din akong napuyat kakapilit tapusin ang project na ginagawa namin (na awa ng Diyos, hanggang ngayon ay hindi pa din tapos.) Muntik na akong maging si "Kuracha" na ihi lang ang pahinga.

Dapat salitan kami ng ka-team ko sa lakad na ito, isa sa amin ang pupunta ng CdO at isa sa amin ang pupunta ng Ilo-ilo. Buti na lang mabait yung ka-team ko (kahit most of the time eh mataray siya - babae kase). Binalato niya na sa akin ang "Business Trip" na ito. Ako na ang pupunta ng CdO at Ilo-ilo. Yehey!

Siguro nga kailangan ko talaga itong biyaheng ito, kahit pa sabihin na hindi naman ako makakapaglibot sa mga nasabing lugar na pupuntahan ko. Basta magkaroon lang ako ng sandaling panahon na iba ang paligid na gagalawan ko. Ibang lugar ang makikita ko. At malayo ako sa maingay at abalang mga kalsada ng Maynila, okay na ako.

At sana, pagkatapos nito, pagbalik ko sa Maynila, nakapag-relax na ako kahit unti para may sapat na lakas ako na harapin ang isa na namang buwan ng pakikipagbuno sa project na hindi matapos-tapos.

Goodluck na lang sa akin at sa good looks ko. :D

Sending this one out into the cosmic void

Lately, ayaw ko nang nagche-check ng facebook ko. Kung itatanong mo kung bakit, dahil sa mga kadahalinang ito:

1. Wala din naman akong masasabi na ikaka-interest ng ibang tao, kaya hindi na ako nag-o-online masyado.

2. Iniiwasan kong makabasa ng mga posts na teeny bopper ang dating. yung tipong ambabata pa eh love problems na ang pinoproblema. Ang sarap kaya magbuhay teenager na walang ibang iniisip kundi sarili mo lang. Walang boyfriend/girlfriend, barkada lang at walang hanggang pag-do-Dota (pero graduate na ako sa phase na ito.)

3. Tuwing nakikita ko ang pinagkakaabalahan ng ibang tao sa facebook, napapatigil ako. Naiinggit, at napapaisip.

Inggit.

Nung nakaraan lang, galing kaming La Union, para mag surf. Yes! May nabawas na naman sa imaginary kong listahan ng mga bagay na gusto kong gawin. Nakatayo naman ako sa board at na-enjoy ko ang mag-ride sa mga waves. Gusto ko nga bumalik dun at ulitin ang aking adventure.

A few days after the La Union trip, may nakita akong nagpost ng mga pictures nila sa Ilocos Norte, at sa Baler. Kakagaling ko lang sa travel, pero nung malaman kong may mga kakilala akong namasyal din sa mga lugar na gusto kong puntahan, nainggit na naman ako. Ang Ilocos Norte, dadalawin namin sa September. Sa Baler wala pang plano, pero kating kati na akong puntahan ito. Ako na talaga ang inggitero.

Aside from travel posts.

Madalas din ako nakakakita ng mga posts ng mga picture ng mga aspiring photographers sa contacts ko sa FB. Naiinggit din ako sa kanila kase ang gaganda ng mga kuha nila. At mas naiinggit ako sa kanila kase may sapat silang oras para magbuhusan ng pera, atensyon at panahon ang hobby nila. Dati nagagawa ko din naman ito, nung medyo bago pa yung camera ko at nung medyo maluwag pa sa trabaho. Pero ngayon, malabo na.

Aside from photography hobby.

Madami akong nakikita na mga masisipag sumali sa mga running events. Gusto ko din sumali sa ganoon kahit isang beses lang. Kaso kailangan ko mag-trainining. Kaya lang, pagdating ng weekends, wala akong sapat na motivation para bumangon ng maaga at pumunta sa parke para tumakbo. Dati naman nagagawa ko ito, pero ngayon hindi na din.

Ilan lang yang mga bagay na yan. Madami pa pero hindi ko na kayang isa-isahin pa. Mag-a-alas dos na din kase ng madaling araw. Kailangan ko na itong tapusin para makatulog na ako at hindi ma-late ng pasok bukas.

Ang gusto ko lang namang ipunto, base sa mga nakikita at nababasa ko sa facebook, napapatigil ako at napapaisip. Its as if, yung ibang tao, parang alam na nila kung ano ang mga gusto nila sa buhay. May desididong magtravel, magphotoshoot at magpaka-Forrest Gump sa pagtakbo.

Yung ibang tao, nagiging productive sila sa mga oras nila, after office hours at during weekends. They have enough time and motivation to get out of their beds, get out of their houses and do things that they want to do. Ako kase pagdating ng weekends, minsan pinipili ko na lang mag-stay sa bahay at hintaying lumipas ang araw ng Linggo.

Buti na lang tuwing sabado, sinisipag pa din akong lumabas para makipaglaro ng badminton with some of my friends. Isa ito sa mga gawain na nagpapanatiling matino sa akin. Plus the fact na nakakatulong din ang pag-babadminton para kahit papaano eh maging physically active pa din ako.

Dala lang siguro ng matinding pagod at pressure sa trabaho kaya hindi din ako makapagfocus sa mga ibang bagay na gusto kong gawin outside the office.

Pagkatapos ng lahat ng ito, malamang, mas magiging active na ako sa ibang bagay at mawawala na rin ang pagiisip ko ng kung ano ano, kagaya nito.

Guess What..

Natawa.

Nakinig.

Nainis (ng kaunti).

Nakinig.

Nainis.

Nainis.

Nainis.

At lalong nainis.

Nainip.

Dumiretso ka na lang kaya sa boto mo, "Guilty or Acquital"?

Eto ang reaksyon ko nung si Leon Guerrero na ang nagsasalita tungkol sa impeachment ni CJ Corona.

Just a Quick One

Nasa opisina ako ngayon at ang daming kailangang gawin.

Gusto kong sumigaw ng DARNA!

Ay mali! "Give Me A Break" pala ang gusto kong isigaw para tantanan na nila ako.

Pero sabagay, okay na din na "DARNA". Baka sakaling pag superhero na ako, mas matapos ko yung mga dapat kong gawin.

Teka, sa dami ng superhero, bakit DARNA pa? Hmm... Ang fishy!

A Happy Ending for A Happy Trip

May 18, 2012. Biyahe namin papuntang Tuguegarao. Alas otso ng umaga ang flight, pero wala pang alas sais ng umaga, nasa airport na ako. Paano ba naman kase, yung hindi natapos na trabaho sa opisina, iniuwi ko pa sa bahay para lang tapusin. (Buti na lang hindi ako embalsamador, kundi, mag-uuwi ako ng patay sa bahay). Awa ng Diyos, natapos naman 'yung 'unfinished business' ko, pero alas-dos na ng madaling araw.

Alas-kwatro na ng umaga pero hindi pa din ako nakakatulog. Another insomnia episode na naman. Natatakot kase ako maiwan ng flight namin kaya naisip ko na lang maligo kahit puyat at saka dumiretso na ako sa airport.

Habang naghihintay sa mga kasama ko, nakatambay na ako sa may check-in area (hindi ng SOGO) ng Airphil Express. Madaming familiar faces akong nakikita na dumadaan. Mga miyembro ng mga bandang Urban Dub, Parokya ni Edgar, Franco at Kamikazee. Gusto ko nga sana magpa-picture sa kanila, kaso wala pa akong kasama na kukuha ng litrato ko with the celebrities. Sayang.

Sa boarding area, nakita ko ulit 'yung mga banda, and this time, buo na yung members ng Parokya ni Edgar, kasama si Chito Miranda. Buo na din ang Kamikazee, kasama ang vocalist na si Jay Contreras. kaso, hindi pa din ako nakapag-pa-picture, nahiya na kase ako.

Natapos ang lakwatsa sa Tuguegarao, bumiyahe na kami pabalik ng Maynila.

Sa flight pabalik ng Manila, nakasabay namin sila Maui Taylor at Katya Santos at ayun - nabuhay ang "dugong lalaki" na nananalaytay sa mga ugat ko. Sabi ko gusto ko magpa-picture kasama sila. Sinong lalake ba naman ang hindi gugustuhin na magpapicture with Maui Taylor and Katya Santos? Di ba? Di ba? Di ba?

Pagkalapag sa NAIA Terminal 3, habang naghihintay ng mga bagahe namin dun sa belt na umiikot-ikot, nakita ko na naman "sila". This time, inipon ko na lahat ng lakas ng loob na meron ako, mga 2% at itinapon ko na ang "hiya."

Miss Katya, Miss Maui, pwede po bang magpa-picture?

Katya and Maui: Sure! Sabay bitaw ng isang ngiti na tuluyan nang nagpalambot sa mga tuhod ko. (exag!)

Tinawag ko 'yung kasama ko tapos nagpa-picture, at MASAYA na ako. :D

Salamat Dexter para sa pagkuha ng picture na ito. :)

Just for fun, iisip ako ng top ten captions para sa picture na ito.

10. Hindi ito photoshopped.

09. Ang pulubi at ang mga prinsesa.

08. Ako na! ... ang makapal ang mukha!

07. Ako na! ... ang pogi!

06. Napakanta ako ng "ang bango bango ng bulaklak..." (eto 'yung ginamit ko na caption sa FB)

05. Maui Taylor and Katya Santos with John Lloyd.

04. Maui Taylor and Katya Santos with the Nazareno.

03. Maui Taylor and Katya Santos with Popoygelo.

02. Ang laban dito, palakihan ... ng Smile. :)

at ang top 1

01. Hindi lang "THUMBS" ang naka "UP". :D

The Scavengers

Birthday nung isang katrabaho ko nung nakaraang Linggo, May 20.

Kahapon, nagkaroon ng surprise na handaan para sa kanya dito sa opisina. Nasorpresa naman daw siya, maluluha at muntik pang tumulo ang sipon dahil sa tuwa.

Nung nag-uwian na lahat, iilan na lang kaming naiwan. Tapos nakita ko, madami pang pansit at puto na natira dun sa mga nakahanda. Inilabas nung boss ko yung pansit para ibigay sa gwardiya. At nilagay ko naman sa plastic 'yung puto tapos ipinuslit ko na.

Pag may mga tira talaga sa mga handaan, ako ang scavenger na nag-uuwi ng mga tira.

Kaya lang nung nakalabas na ako ng ofis, may nakita akong pamilyang namumulot ng plastic bottles. Kinuha ko yung puto sa bag ko tapos binalato ko na sa kanila. Kunwari mabait ako. Sabi nga nila, yung binibigay mo sa iba, mas malaki ang bumabalik.

True Enough.

Nitong araw na ito, andaming pagkaing dumadating na lang dito sa amin. Mula snacks, lunch at snacks ulit.

Parang mga patabaing baboy lang, hahagisan na lang ng pagkain tapos ngangasab na lang ng ngangasab. :p

That's What They Said

So sabi ng mga iilang ka-opisina ko, "Flirt" daw ako.

Langya. Sa ganitong itsura ko ba naman kaya ko pang mag-flirt?

Parang kakagat lang sa mga paglalandi ko eh mga bading na desperado.

Saka isa pa, One-Woman-Man ako.

Isang babae sa loob ng isant katawan ng lalake.

Etchos!

Never Too Tired For Kindness

Halos anim na oras din akong nasa meeting kanina.

Pagod na ang tenga ko kakapanig sa sinasabi ng lahat.

Pagod na ang utak ko kakasubok na intindihin ang lahat.

Ang pambawi lang kanina, may libreng meryenda na Pizza at Lasagna. Pasalamat sila paborito ko ang lasagna, kaya't kahit nakatagal pa ako sa nakakapagod na meeting na 'yun.

Pagkatapos ng meeting, nag-email lang ako sa boss ko at nagligpit na ng gamit.

Uwian na.

Sa isang tren ko, nagawa kong makaupo. Nakikinig ng mga lumang kanta mula sa lumang celfone na naka-tune-in ang FM sa lumang radio station.

Pagkalampas sa ilang istasyon, may sumakay na buntis.

Kinalimutan ang pagod ng utak at ng katawan.

Tumayo agad ako at kinalabit si ateng buntis para paupuin siya dun sa upuan ko.

At sa natitirang biyahe, nagtiyaga na lang akong tumayo.

And that's how you become a gentleman - Like a boss!

PS: Habang nakatayo, nakikita ko ang reflection ko sa bintana ng tren. Di ko mapigilang mapangiti. Kase pakiramdam ko, dahil sa good deed na nagawa ko, nadagdagan ang pogi points ko ng over 9000.

Ako na ang gwapong gwapo sa sarili.

I'm Not An Ass, Not Yet a Poet

Paalam opisina,
Halos buong araw na din tayong nagsama.
Kahit pa kanina'y
Hindi ako nakapasok ng maaga.

Buti na lang,
Hindi Choco ang aking pangalan.
Kung ako'y ma-late,
Ako'y tatawaging Chocolate

Ang langit na kanina'y madilaw
Dahil sa matinding sikat mo o araw.
Nang aking muling silipin,
Parang ngipin na hindi na-toothbrush - nangingitim.

Gabi ay dumating na pala,
Sa aki'y wala man nagbabala.
Gamit ay aking iniligpit,
At umasang sa tren, nawa'y hindi maipit.

Ay umuulan! Wah!
Bakit ngayon pa?
Eh oras na ng uwian!
Ako ba ay pinagti-tripan?

Buti na lang, si ka-team ay may payong.
At ako ay hinayaang makisilong.
Hindi nabasa ang aking ilong,
Habang sa bangketa, kami ay nakatungtong.

Istasyon, tren, mall at walkway
Ito ang mga nagpabuo ng aking day.
Dahil sila ay may bubong.
Hindi ako nabasa, kahit pa ulan at hangin ay nagtulong.

Sa biyahe, ako ay nakaramdam ng gutom.
Lahat ay aking kakainin, kahit pa PomPoms.
'Yung Pompoms na chichirya,
Hindi yung gamit nung mga babaeng ini-itcha.

Sa terminal ng jeep, ako ay nag-pause.
At sa tindahan ng pagkain, ako ay nag pose.
Umorder ng hotdog sandwich, ketchup at mayo ang sauce.
Sa busog ako'y napa-Ho Ho Ho parang si Santa Claus?

Dumating na ang jeep.
Ni hindi ko narinig na nag beep beep.
Sa likod, ako ay sumakay,
O butihing sasakyan, take me to my bahay.

Habang pauwi,
Ako ay nagkaoras mag-muni-muni.
Ako ay gagawa ng blog.
Sa porma ng tulang makabagbag.

Pasado alas-dose na naman.
O insomya, ako muna'y iyong iwanan.
Pagkatapos ko itong ma-post.
Ako ay matutulog, dahil hindi naman ako midnight show host.

Ito na ang huling stanza.
Teka, bakit stanza, hindi naman ito kanta?
Di bale't hahaayaan ko na, 
Nawa'y sa aking rhyming, ikaw ay natuwa.

Mr. Postman, Mr. Postman, What is it That's on your Mind?

Para mas cool, kantahin mo yung title to the tune of "Mr. Dreamboy.

Member ako nung isang film photography organization before. And during my stay there, nagawa kong makasali sa ilang events na meron sila.

Una, sumama ako sa kanila sa LaMesa Eco Park para mag-photowalk. Naglibot-libot kame, dala ang mga camera namin para mag-kodakan or to use the more modern term - para mag "picture picture."

Pangalawa, sumali ako sa isang event na mala-amazing race. Group play ito. Bawat grupo, may tatlong members at may dalang isang camera. Sa buong araw, magiikot kame sa Metro Manila para kumuha ng mga larawan na ang theme eh "Heroes". Araw ng Kalayaan noon kaya ganun ang theme. Mula Cubao, nakarating kame ng Manila City Hall hanggang Pasay City para mag-shoot. At sa katapus-tapusan, talo ang grupo namin. Pero okay lang, naging masaya naman ang laban.

At pangatlo, yung "Unsent", isa itong iniative to somehow help the postal industry in the country. Maraming sumali dito. Ang objective lang ng event eh mag-print ng tatlong original photos na ikaw ang kumuha. Tapos lalagyan mo ng mensahe, parang postcard. Kahit ano, ikaw ang bahala. Tapos, yung mga nagawa mo nang postcard, eh ipapadala mo sa address na binigay nung Admin. Sila ang tatanggap ng lahat ng entries, iipunin at saka ipapaskil sa exhibit.

Hindi ako nakapunta nung event, pero yung isa sa mga contact ko sa multiply, naka-attend siya, and it so happened na nakuhaan niya 'yung isa sa mga postcard na gawa ko. Ako na ang sikat and secretly proud. Hihi. :)


< picture galing sa multiply account ni Hanna. Salamat. :) >

Medyo ma-emo nga lang 'yung message ko. Kung bakit ganyan, hindi ko na maalala. Tapos nakakadiri pa kase ang pangit nung hand writing ko. Pero okay lang, at least pag nakikita ko ito, pakiramdam ko, personal na personal ang dating.

Ang mas memorable sa event na ito eh yung mismong pagpunta sa Manila Post Office para maghulog ng sulat. Pumunta ako sa isang maliit na 'window' at bumili nung stamp o selyo at saka inihulog ang sulat dun sa classic na "mail box" nila.

Sakto naman, kanina, nung nanonood ako ng iWitness, tungkol din sa postal service ang istorya.

Medyo mahina na din ang postal industry sa bansa. Ang kalaban mo ba naman eh E-mails at SMS/MMS, sino pa gagamit ng "Snail Mail"? Kaunti na lang panigurado.

Somehow, nakakabawi pa naman daw ang kumpanya ng mga kartero, these past few years, kahit papaano eh kumikita na ang PhilPost - isang sangay ng gobyerno na nangangasiwa sa mga liham na pinapadala at pinapaikot sa loob ng bansa.

Hindi pa din ito sapat - sabi sa tsismis, 'yung magandang building ng Post Office sa Maynila, bibilhin ng isang international firm para gawing Hotel o isang University.

Paano na ang mga sulat?

Kaya bilang kaunting tulong, gusto ko sanang aayain 'yung isang kaibigan kong blogger din na magpasimula din ng isang "Snail Mail Sending" event.

Ang gagawin lang naman eh mangongolekta ng mga addresses online (either residence or office address) mula sa lahat ng sasali. Tapos, lahat ng kasali, eh gagawa din ng 3 postcards. Yung 3 postcards eh ipapadala sa tatlong tao mula dun sa listahan nung mga kasali din. So para lang tayong nagpadala ng mga postcards sa isa't isa. 'Yung pagpili sa kung sino ang padadalhan mo, siyempre idadaan sa raffle nung mga Admin or kung sino man ang mangangasiwa nitong event na ito.

Magiging masaya naman siguro ito di ba Nicole?

At isa pa, tingin ko, bawat isa sa atin, dapat kahit papaano eh maranasang maghulog ng sulat sa Post Office kahit minsan.

Enjoyin mo ang pagbili ng stamp o selyo. Pati na din ang pagdila at pagdikit nito sa postcards mo.

Tip: Kung ayaw mong dilaan ang selyo, meron silang maliit na lalagyan ng tubig, basain mo na lang ang selyo gamit yun saka mo idikit. :)


Let's be a Soldier of Love #1

Nakikinig ako ng FM Radio gamit ang celfone ko. Eto ang ginawa kong libangan habang nasa biyahe pauwi. Matagal tagal din ang bibiyahihin ko - 3 Tren at isang jeep ang dapat sakyan - kulang kulang dalawang oras bago makauwi sa aming munting tahanan. Kaya ayun. yung FM Radio sa celfone ko ang aking napagdiskitahan.

Sa Magic89.9 ako nakikinig na station. Lunes kase - Manyak Monday sa Boy's Night Out, tapos andun pa si Ramon Bautista (Master!), eto na lang yung pinapakinggan ko na Radio Show pag gabi (kapag naaalala ko at hindi nawawala sa mapurol kong kokote).

As usual, mga usapang lalake pa din ang meron, usapang nakakatawa. Napag-usapan kung paano ang tamang paraan ng pagpahid ng lotion sa mga babae sa Boracay. At kung paano mag-landi kapag nagpapahid ng lotion sa likod ng mga babae sa Boracay. Hindi ko mapigilang mapangisi habang nasa tren. Malamang, merong isa sa mga pasahero na na-weirdohan sa akin nung nakita niya akong biglang ngumingiti, hindi niya lang ako pinansin kase siguro, nai-intimidate siya masyado sa kagwapuhan ko. Oh well, hindi ko siya masisisi.

Ang nagulat lang ako kanina, meron silang bagong segment na "Love Lines", parang love stories sharing on-air tapos bibigyan ka nila ng payo. Medyo trip ko din naman yung mga ganitong kwentuhan kaya, pinakinggan ko na din.

Isa sa mga istorya, na bibigyan natin ng title na "Story #1":

Bawal na pag-ibig daw - isang lalake na may karelasyon na isang babae from a Chinese family. Eh alam mo naman tong mga singkit. Ang kay Juan, para kay Juan. Ang kay Ma Mon Luk, para kay Ma Mon Luk. Simply put, ang Chinese ay para sa Chinese. 2 years na din magkarelasyon yung lalake at babae kahit hindi aprubado nung pamilyang singkit nung babae.

So ang problema ng lalaki, hindi ko na maalala eksakto, pero parang ganito (kung mali man ako, pagpasensyahan niyo na, itama niyo na lang tapos batukan niyo ako online) - Okay pa ba na ipagpatuloy niya 'yung relasyon nila kahit alam niyang hindi siya tanggap nung pamilyang singkit nung babae.

Sabi nila Ramon at Sam YG, wag na muna masyadong isipin ang future nilang dalawa. Enjoy the moment. Kung ano ang meron sila ngayon bilang magkarelasyon, enjoy-in muna nila, kahit medyo hindi aprubado ang pamilya ng babae. Tapos sabi pa, malay daw nila na pagkatapos ng ilang taon, maghihiwalay din sala - ang mahalaga, nag-enjoy sila sa company ng isa't isa.

Parang ganyan 'yung pagkakatanda ko.

So ako naman, nag-iisip, medyo kontra ako. Kung ako lang 'yung kausap nung lalakeng caller, eto sasabihin ko.

Una, itatanong ko kung nakikita niya na ba ang sarili niya na kasama 'yung babaeng intsik ng pangmatagalan? Let's think long term na. Sabi nga nung isang kaibigan ko, hindi ka dapat nakikipagrelasyon para subukan lang kung magiging okay kayo, kung uubra ba, kung may chemistry ba. Kung "Oo" ba o "Hindi" o "Pwede", parang Pinoy Henyo lang. Dapat, papasok ka sa isang relasyon kase gusto mo, kase gusto mo na umubra kayo. Gusto mo na maging okay kayo at gusto mo na "Oo" kayo, never "Hindi" at lalong never "Pwede".

Kung sumagi naman na sa isip nung lalake na sila na nung babae pang-matagalan, then para sa akin, no turning back na. Laban kung laban na yan. Salubungin na ang agos. Pandilatan na ng mata ang mga singkit na intsik. Kapag nasa tabi mo na yung tao na naisip mo na paglalaanan mo ng buhay mo, papakawalan mo pa ba?

Kaya lang may pre-requisite yan, parang English, may 101 bago mag 102. Ganun din sa Love. Bago maglakas ng loob na makipaglaban, dapat handa ka. Siguraduhin mong matibay ang determinasyon mo para maging maunlad sa buhay. Kailangan maipamukha mo sa kanila na bukod sa Neber-Ending-Lab, eh mabibigyan mo din ng pinansiyal na kaginhawaan 'yung babaeng pinaglalaban mo at sinusubukan mong kuhain sa kanila. Isa kase ito sa mga tinitingnan ng mga Intsik (sa palagay ko lang ha) - ang iyong estadong pinansiyal/ekonomikal. Kung sakali namang hindi ka mayaman o "may kaya" lang, okay lang yan, somehow magiging masaya din naman kayo - medyo lalayo nga lang kayo sa pamilya ng babae para hindi ka masyadong magisa sa sabaw na gagamitin sa Mami. Okay na yung masaya kayo, pero siyempre, mas masaya kung aprubado sa lahat ng panig ang pagsasama niyo. Hindi ka man Chinese tulad nila, kapag naipakita mo naman ang iyong "Tunay na pagmamahal" (naks!) at "Malamang Bank Account". siguro naman, kahit papaano, matatanggap ka nila pagdating ng tamang panahon.

Lahat nag paghihirap na pagdaraanan. Lahat ng sakripisyong gagawin. Lahat ng pagod at hirap na dapat tiisin. Mababawi naman lahat yan kapag sa huli, nakasama mo na sa buhay yung isang tao na pinaglaban mo para maging sa iyo.

PERO!

Oh yes! Isang malaking 'PERO' (clue: hindi ito yung bansa ha, PERU 'yun. wag kang tanga)

Kung wala pa namang kasiguruhan na siya na talaga yung babaeng pang Happily-Ever-After mo, eh tama lang na enjoy-in mo lang muna ang bawat oras na meron kayo, basta dapat legal. Hindi palaging patago. Kahit pa sabihing hindi aprubado ang pamilya ng babae sayo. Anu't anu mang ang sitwasyon, ilagay sa tama ang lahat. Ipagpaalam ang mga lakad kung kailangan. Magpakita sa mga magulang niya para kahit .01 percent eh pagkatiwalaan ka naman nila. At siguradahin na palaging ihatid ang babae pagkatapos ng date, hindi yung palaging "Sundo't Hatid" na lang. If you know what I mean. :p

My 5 Years of Battle is Near its Ending

May 2007 nung maka-graduate ako with Bachelor of Science in Computer Science sa Polytechnic University of Manila (PUP), Sta. Mesa Campus.

Apat na taon din kaming nagtiis nuon sa pagpasok sa klase, pagsagot sa mga exams at pangongopya ng assignments pati na din ng mga sagot sa exams. Lahat yan pinagdaanan namin. Siyempre, normal na estudyante din naman kami.

Pero pagkatapos ng apat na taon, hindi basta basta matatapos ang lahat. Magmamartsa ka na nga lang para sa graduation eh magaasikaso ka pa ng sangkatutak na papeles para lang maging opisyal ang paglalakad mo paakyat ng entablado hanggang sa maiabot sa iyo ang peke mong diploma.

Buong eskwelahan namin noon eh halos nalibot na namin para makakumpleto lang ng clearance. Kailangan pang pumila sa cashier para bayaran kung ano man ang dapat bayaran. Ang kaso, yung pila sa cashier namin, parang pila sa pelikula nila John Lloyd at Bea (or Sarah), o kaya parang pila sa Will Time Big Time - Box Office Hit.

Kahit naman ganoon ang sitwasyon, sulit pa din ang lahat kapag tapos na ang lahat. Graduate ka na. At kasama ka na sa malaking istatiska ng mga walang trabaho sa bansa, pero pansamantala lang. Siyempre makakahanap ka din naman agad ng trabago mga 1, 2 o 3 buwan pagkatapos mong makapagtapos, yun eh kung susuwertehin ka o kung may 'backer' ka.

Kapag natanggap ka na sa trabaho, eto naman ang mga kailangan mong asikasuhin.

1. NBI Clearance
2. 1x1 or 2x2 photos o kaya whole body picture (kapag napagtripan ng kung sino mang nag-re-recruit sayo)
3. Birth Certificate
4. Pre-employment medical exam - kung saan bubusisiin ang dapat busisiin at susundutin ang dapat sundutin. (Hindi kasama ang ilong, siyempre)

at siyempre, hindi mawawala sa listahan ang ...

5. Transcript of Records (TOR), Certificate of Graduation at Diploma.

Yung TOR, Certificate at Diploma, hindi naman urgent ito. Alam naman ng mga nag-re-recruit na matagal na proseso ang pagaasikaso ng mga school records. Kaya, papayagan ka nila kapag sinabi mong "To follow" na lang ang school records mo.

Eto yung sinabe ko dati dun sa una kong employer. Dalawang buwan pagkatapos maka-graduate, may trabaho na ako at magte-training bilang isang programmer. Ang mga kulang ko na lang sa requirements ko eh yung TOR, Certificate at Diploma. Kaya sabi ko, "To Follow" na lang.

Mukhang naaliw naman ako sa trabaho ko. Na-assign ako sa kung saan-saan - sa Makati, sa Camp Aguinaldo at sa U.N Avenue, Manila. Hindi naman na nag follow up saken yung HR namin noon kaya hindi ko na inasikaso yung school records ko. Nakapagtrabaho ako ng lampas tatlong taon sa kanila.

Tapos, nung July 2010, lumipat ako ng trabaho. At tulad ng dati, sabi ko: "To Follow" na lang ang school records. Hindi ko agad naasikaso yung mga school records ko sa P.U.P. 2011 na nung nakabisita ako sa dating unibersidad na pinapasukan ko para asikasuhin ang dapat asikasuhin. Ang malas lang kase may mali pala sa mga records ko. Ang sabi sa akin, ayusin ko lahat ng detalye tapos bumalik ako sa kanila ng February 11, 2011 para maasikaso nila ulit ang mga papeles ko.

Eh dahil nga sa "kasipagan", tinamad na ako bumalik pa sa kanila, hanggang sa hindi ko namalayan, 2012 na pala. Nagresign ako sa trabaho ko at lilipat na naman sa panibagong kumpanya. Ngayon, mas mahigpit. Hinahanap talaga ang T.O.R., Certificate at Diploma ko. Kaya netong nakaraang linggo lang, bumalik ako sa PUP para asikasuhin ulit ang lahat. Naitama ko na ang dapat itama. Naibigay ko na lahat ng dapat kong ibigay (maliban lang sa puri ko (kase wala na) at ang good looks ko (na hindi ko talaga pwedeng ibigay dahil eto lang ang puhunan ko sa mundong ito)).

Sa wakas, pagkatapos ng limang taon, nakuha ko na 'yung T.O.R. ko at Certificate of Graduation. May bonus pa nga kase nakuha ko na din ang Memorabilia o Yearbook namin. Ang Diploma na lang sana ang kulang para kumpleto na, kaso hindi ako umabot sa cut-off time ng releasing.

Kung nakuha ko lang sana 'yun, tapos na ang limang taong pakikibaka ko para lang sa School Records na pinaghirapan ko. Ngayon, kailangan ko pang bumalik doon bukas, Lunes ng umaga, para lang sa Diploma. Hindi na ako pwedeng tamarin dahil kapag hindi ko pa naasikaso ito, aabutin na naman ako ng panibagong limang taon. Pag nagkaganoon, baka sa sunod na punta ka sa PUP, kasama ko na ang panganay na anak ko.



< Ang aking Yearbook >




< Ang aking Certificate of Graduation >


at siyempre ...


<< cue Drum Roll here ... >>




< Ang aking Transcript of Records - siyempre hindi ko ipapakita ang grades ko, baka kase kainggitan mo eh. :p >

When you have no money, just count 1,2,3

Grade 3 pa lang ako nung natuto ako bumiyahe mag-isa pauwi mula sa eskwalahan namin hanggang sa bahay namin sa Blumentritt. Isang sakay lang naman ng jeepney ang magiging biyahe ko. Isang biyahe ng jeepney araw araw na kadalasan ay may kasamang kaibigan, tawanan, katangahan at dayaan.

Lunch time ngayon, recess noon. Eto ang tawag sa libreng oras namin nung elementary school pa ako. Araw-araw, may mga estudyanteng naka-toka na pupunta sa canteen at kukuhain ang rasyon ng pagkain.

Ang menu:

Tinapay - Isa ito sa mga main dish. May palaman na tuna spread, peanut butter at minsan, ang aking paborito, cheese pimiento.

Juice - Siyempre, kapag may tinapay, kailangan may inuming panulak. Madalas ay orange juice (na maligamgam) at minsan naman eh cold chocolate drink (na maligamgam na din pagdating sa classroom).

Soup - Kapag walang juice, eto naman ang nagiging alternative na inumin/pagkain para sa mga estudyante. Minsan miswa. Minsan naman champorado. At minsan eh weird na soup na hindi mo alam kung ano.

'Yung juice o soup ang nakakainis sa lahat. Malayo kase ang canteen mula sa classroom namin. Kapag kukunin na namin ang mga juice sa canteen, nakalagay na ito sa mga baso na nasa tray. Ang challenge eh hindi dapat maubos ang inumin na laman ng mga baso habang pabalik kami sa aming kwarto. Okay lang yung may natatapon na kaunti, pero malas lang kapag nadapa ka at natapon mo lahat ng maligamgam na orange juice na dala mo. Abono ka! Buti na lang at hindi nangyari sa akin ito.

Bukod sa tinapay, juice at soup, may iba pang laman ang tray ng pagkain para sa mga estudyante.

May nilagang itlog.

May tikoy na naka-rolyo at may palamang monggo sa gitna.

At may pansit/spaghetti na nakalagay sa clear plastic bag. Eto 'yung cool noon. Kapag bumili ka kase ng pancit o spaghetti, wala namang ibibigay sa iyo na kutsara o tinidor. Dahil dito, natuto akong kumain ng pancit at spaghetti ng nakaplastic kahit walang tinidor.

Nung mga panahon na nasa elementary ako, naranasan ko din na naubos 'yung pera ko kakabili ng mga pagkain na itinitinda loob at labas ng paaralan. Malakas pa loob ko noon kase alam ko kahit wala na akong pera, makakauwi ako kase may kakilala akong tricycle driver na madalas dumadaan malapit sa lugar namin. Malas lang nga kase nung oras nung uwian, hindi ko nakita 'yung tricycle driver na kakilala ko. No choice ako kaya naglakad ako pauwi.

Nung minsan naman, naubusan ulit ako ng pera, tinatamad naman ako maglakad kaya kahit walang pera eh lakas loob pa din akong sumasakay ng jeep. Nakakalusot naman ako pero nung isang beses, may driver na nakahuli sa akin.

Nasa tapat na ng isang ospital na malapit sa bahay namin 'yung jeep na sinasakyan ko. Tapos bigla akong tinawag ng driver.

Driver: Boy! Hindi ka pa ba nagbabayad ah.

Ako: Nagbayad na po ako.

Driver: Bayad 'nung kasama mo 'yun kanina eh. (kasabay ko kase 'yung isang kaklase ko noon.)

Ako: Hindi po sir, akin po yun. Bayad ko po 'yun. (oo, sir ang tawag ko kay manong driver).

Pero alam ko sa sarili ko na hindi pa talaga ako nagbabayad ng pamasahe. Nahuli na ako eh, ang magagawa ko na lang eh magdahilan dahil ang baya ay hindi kailanman aamin sa kasalanan niya.

Driver: Ikaw ha, hindi ka nagbabayad ha. O sige na, hayaan mo na. Bumaba ka na.

Sakto naman at nasa babaan na din naman na ako. Bumaba ako sa jeep, naglakad palayo at hindi na lumingon pa. Mamaya magbago pa isip ng driver at pilitin pang singilin ako.

Sabi ko nga sa sarili ko noon, hindi na ako uulit sa ginawa ko. Hindi na ako mag-wa-one-two-three (eto ang tawag sa hindi pagbabayad ng pamasahe ng mga pasahero ng jeep). Pero hindi din ako nakinig sa sarili ko, ginawa ko ulit ito ng ilang beses pa. Mukhang sanay na ako kase hindi na ako nahuli pa ulit. Good job!

Sa totoo lang, hindi ko alam kung bakit ko ito kinukwento sa inyo. Pero since tapos na din ang kwentuhan, gusto ko lang matutunan niyo ang mga bagay na ito:

1. Wag mag-uubos ng pera sa recess.

2. Wag mag-one-two-three sa jeep.

3. Kung mag-wa-one-two-three ka, galingan mo at wag magpapahalata.

4. Kung mahuli ka, wag aamin hangga't maari.

5. Kapag nahuli naman at wala ka nang kawala, lumundag ka na palabas ng jeep habang umaandar pa ito sabay takbo palayo.

Biro lang 'yung number 5. Wag na wag niyong gagawin ito ha, mga bata.

Weighting

Minsan, gusto ko din maging educational ang blog ko, kaya for today, bibigyan ko kayo ng trivia:

Alam mo ba na ang past tense ng word na 'weigh' ay 'weighed' at hindi 'weighted'?

At ang present tense naman ng salitang yun ay 'weighing' at hindi 'weighting'.

Pwedeng 69% (ngisi) ang chance na tama ang trivia ko at 21% ang chance na mali ito. Wala na akong pakialam dun. Gusto ko lang naman mag-mukhang matalino kaya nilagay ko ang useless na trivia na yan.

At kung bakit ang 'weighting' ang title ng blog na ito, malalaman mo din mamaya, sana.

--

Pa-deep effect.

Naniniwala ako na isang parte sa buhay ng tao ang journey o paglalakbay.

It is through our journeys in life that we discover who we are. It is also trough journey that we were able to meet people which will later on become our friends or one of the closest person in lives - or even become our partner in lives.

Oha! Ang galing ko mag-english ano? Umamin ka humanga ka.

Sa buhay natin, marami naman talaga tayong pagdadaanan. May mga magagandang babae experience at meron din namang mga pangit na kaibigan.

Hindi naman maiiwasan yan, meron kaseng 'Law of Duality' or 'Law of Polarity' na somehow nagsasabi, lahat ng bagay eh dapat may kabaliktaran. So kung may magandang experience, dapat meron ding panget. Sa parehong paraan na kung mayroong gwapong blogger (ahem), may panget na reader.

Pero regardless kung maganda or pangit man ang mga naging boyfriend/girlfriend mo. At regarldess din kung maganda or pangit ang mga life experiences mo, somehow hindi mo maitatanggi na meron ka pa ding natututunan sa bawat bagay o karanasan na pinagdadaanan mo.

And that's the purpose of the journeys we are going through everyday in our lives - to learn things on our own, either the easy way or the hard/hurtful/painful/masakit/nakakaiyak/hard way.

Shet! Popoygelo, ikaw ba talaga ito?

Popoygelo: Oo ako ito! Problem?

--

Searching.

Isa din ito sa mga ginagawa natin sa buhay natin. There are times that we look for things that we think can make us happy, either material things or companionship from other people around us. (Napapadalas pag-e-english ko ah).

Naghahanap tayo ng damit na babagay sa atin.

Naghahanap tayo ng gusto natin kainin.

Naghahanap tayo ng ikabubuhay natin at ng pamilya natin.

Naghahanap tayo ng isang tao na mamahalin natin at mamahalin din tayo pabalik. Kung sakaling nahanap mo na ito, well, congratulations, at least tapos ka na sa isang bagay sa buhay mo. May achievement ka na. High Five!

--

Kung may searching, siyempre, may weighting este waiting din.

Waiting.

Bukod sa paghahanap, minsan naman eh naka-steady lang tayo at naghihintay na dumating ang anumang bagay o pangyayari sa buhay natin.

Parang si Juan Tamad, hinihintay niya lang malaglag 'yung bayabas sa bibig niya. Iniisip ko nga, baka mas nauna siyang naka-discover nung gravity kaya lang hindi niya agad na-prove kase naunang nalaglag 'yung mansanas sa ulo ni Sir Isaac Newton. Mas sikat ngayon tuloy si Pareng Isaac. Sikat din naman si Juan, pero sa negatibong bagay nga lang.

Nung nakaraan, halos libutin ko ang buong manila para lang mag-process ng mga dokyumento para sa kumpanyang lilipatan/babalikan ko. Nakarating ako ng Quezon City, Mandaluyong, San Juan at Maynila para lang mag-asikaso ng NBI Clearance ko.

'Yung NBI Clearance, number one yan sa mga bagay na kadalasang hinihintay ng bawat Pilipino, lalo na yung sa mga naghahanap ng trabaho, locally and abroad. Ewan ko ba naman kase kung bakit hindi maisipan ng mabilis na paraan ang pagpoproseso ng dokyumentong ito. Wala bang mas madaling paraan? I'm sure meron yan, hindi pa lang naiisip ng mga taong dapat nag-iisip nito.

Sa isang mall sa Maynila, lampas 4 na oras akong naghintay sa pila hanggang sa makarating ako sa step 1 ng pagpoproseso ng dokyumentong magpapatunay na hindi ako kriminal, mukhang kriminal lang. Mula sa Step 1 hanggang sa pag-re-release nung NBI Clearance ko, wala pang 30 minutes inabot. Mas matagal pa 'yung oras na pinila ko kesa dun sa buong prosesong dapat pagdaanan ko.

Sabagay kasalanan ko din naman, tanghali na din kase ako. Nevertheless, may pagkukulang pa din sila. Dapat alam nila na may mga taong preferred na matulog pa hanggang alas-siyete ng umaga at maiisip lang mag-ayos ng NBI Clearance ng mga alas-nuwebe o alas-diyes na ng umaga. (Nagdadahilan?)

After ko makuha 'yung NBI Clearance ko, napadaan ako ulit dun sa lugar nung mahabang pila. Madami pa ding naghihintay. Gusto ko sana itaas at ipagyabang sa kanila 'yung bagong print kong NBI Clearance. Tapos, gusto ko sanang sabihin na.

"May NBI Clearance na ako. Kayo wala pa. Mamatay kayo sa inggit at sa kakahintay. Bwahaha."

Kaso naisip ko, baka ulanin ako ng masasamang tingin at ng mga matutulis na black ballpen, kaya hindi ko na lang tinuloy 'yung eksenang naisip ko.

Naglakad ako palabas ng mall at saka tumuloy sa isa pang mall para naman magpamedical.

So there!

End of Story. :)

Once In A Blue Moon

Nuong mga nakaraang taon, may quota ako pagdating sa pagsisimba.

Once a year lang.

Hindi ko naman yan itinakda personally, napansin ko na lang bigla, isang beses lang pala akong nagsisimba buong taon.

Easter Sunday!

'Yun lang ang okasyon kung kailan ako nadadayo ng simbahan. Dati, uma-attend pa ako ng simbang gabi (kahit sa unang simbang gabi lang, the rest di na napupuntahan). Nung high school at college pa ako nun. Pero ngayong may trabaho na ako, hindi kaya ng biological clock ko ang gumising ng mas maaga sa alas-siyete ng umaga, what more 'yung um-attend ako ng pang-madaling araw na misa?

These past 5 years, naka-ka-attend ako ng misa para sa Pasko ng Pagkabuhay. Ewan ko kung anung meron, pero for this type of religious occasion, maaga akong nagigising - at nakakasabay pa ako sa prusisyon at around 4:30AM or 5:00AM.

Siguro, si Bro, ginigising niya talaga ako ng maaga tuwing Easter Sunday. Pagkatapos niya ako gisingin, ngingisi siya at sasabihing:

Bro: "Haha! Huli ka ngayon balbon, nagising ka ng maaga kaya wala kang dahilan para hindi um-attend ng party party ko."

Wag ka mag-alala Bro, hindi naman ako nawawala sa party mo netong nakahuling apat na taon. 'Yun nga lang wala akong regalo. Tagay na lang tayo ng wine pulutan tinapay, gusto mo? Biro lang po.

First Year:

Nung 2008 ako unang nag-attend ng Easter Sunday mass mula nung nalipat kami sa Q.C. Ako lang mag-isa ang pumunta, kasabay ko ang sangkatutak na tao na ni-isa wala naman akong kakilala. Ewan ko lang kung bakit, pero preferred ko na magsimba ng ako lang mag-isa, walang ibang kasama. Pwera na lang pag si kumander ang kasama ko, mas okay.

Second Year:

2009 nung nagsimba ako para sa Easter Sunday, dala ko 'yung Film Camera ko na inuumpisahan ko pa lang aralin kung paano gamitin.

(Hindi ko ma-upload ang image kaya eto na lang ang link)

Third Year:

Nung 2010, nagulat ako one time ng sumama si kuya sa akin sa pagsimba. Mukhang ginagaya niya na yata 'yung kota ko na isang dalaw sa simbahan kada isang taon. Pareho pa schedule namin.

Fourth Year:

2011, kasama ko ulit si kuya sa pag-attend ng misa. Nakasabay kami sa prusisyon at umabot kame sa 'salubong'.

Ang special lang netong taon na 'to. lumampas ako sa quota, nakapag-simba kase ako nung Ash Wednesday, plus pa yung pag-attend ko ng misa nung Easter Sunday, edi dalawa na. Tapos the next few months, naging semi-consistent na ang pagsisimba ko every Sunday.

Fifth Year:

2012, current year.

Napuyat ako kaka-nood ng isang anime series at kakalaro ng isang application sa facebook. Hindi ako nakatulog at hindi ko namalayan na alas-3 na pala ng umaga. Sabi ko kase magpapaantok lang ako, ang nangyare, hindi na ako nakatulog.

Pinag-isipan ko mabuti kung magsisimba pa ba ako o hindi. Baka kase pag nagsimba pa ako, saka naman ako dalawin ng pagod at antok. Siyempre ayaw ko naman matulog sa simbahan.

Napagdesisyunan ko na hindi na lang ako magsisimba, magpapatuloy na lang ako sa "pagpapaantok" sa sarili ko hanggang sa makatulog ako. Nakikipag-bargaining pa nga ako kay Bro. Sabi ko, nung mga nakaraang taon naman um-attend ako sa party niya, ngayon lang hindi. Pagod kase ang katawan ko, alam ko maiintindihan niya ako. At wala namang malakas na kidlat na bumaba sa lupa at tumama sa akin, so siguro naniwala naman Siya sa pagdadahilan ko.

Si Bro, mukhang may naisip na naman na "magandang plano" ang operation "Wag patulugin si Popoygelo: kaya nga ...

4:30 AM na, hindi pa rin ako nakakatulog. Naririnig ko na ang putok ng mga quitis, ibig sabihin naandyan na ang prusisyon. So sabe ko, okay lang, hindi naman ako magsisimba nga yon.

At the very last minute, binawi ko 'yung una kong desisyon. Para lang akong babae na biglang nagbago ng isip (no offense sa mga babaeng makakabasa neto. :p) Kumilos ako ng mabilis, nagbasa ng towel at saka pinunas sa katawan. Hindi kase ako pwedeng maligo dahil puyat ako, yun kase ang sabi nila. Naglagay ako ng deodorant para siyempre hindi mangamoy tapos nagsipilyo.

In less than 15 minutes, nakalabas ako ng bahay, sumakay ng tricycle papuntang simbahan. Kasabay ko sa tricycle 'yung dalawang pinsan ko at isang pamangkin. Sa may Grotto daw sila sa Bulacan kaya hindi na ako sumama hanggang doon. Dumiretso ako sa simbahan kung saan ako dumadalo ng Pasko ng Pagkabuhay for the last 4 years.

At dahil dun, nakumpleto ko lahat ng misa para sa Easter Sunday from 2008 to 2012. Siguro, dapat panindigan ko na ang pagsisimba tuwing Pasko ng Pagkabuhay, after all, hindi ko rin naman pwedeng tuluyang talikuran ang "Bromance" ko with God. :)

Cheesy Competition #2


Hindi ko na-perfect 'yung exam sa spelling kanina

. . .

Kase I spelled LOVE with 'U'.

Cheesy Competition #1

Yung pangalan mo parang joke
...
Marinig ko lang,
sumasaya na ako.

Just one writing, then I'll go to sleep

Sabi nung isang katrabaho ko kanina, wag naman daw ako masyadong magpa-late ng pasok. Dahil magkakaroon ng "bagong management", mahirap na daw. Baka mag-iba ang pamamalakad kumpara noon sa magiging pamamalakad ngayon.

Kunwari lang naman akong nakikinig at iniintindi ang sinasabi niya, pero sa totoo, nakikinig talaga ako at iniintindi ang sinasabi niya.

Ngayon, pasado alas dose na, dapat nagpapahinga na ako para makapasok ng maaga, pero bago matulog, gusto ko lang muna magsulat ng isang entry.

Kaya..

Simulan na ang kwentuhan.

--

Medyo badtrip lang ako noon kapag pinapalabas sa isang TV Station 'yung Lord of The Rings. Bihira kase ipalabas ang ganung klaseng pelikula sa TV. Tapos, kapag pinalabas pa nila, andaming napuputol na eksena. Puro commercial. Tapos, hahatiin pa sa dalawang part. Bitin ka na nga tapos binitin ka pa.

Buti na lang nga hindi pa nila tinatagalog 'yung Lord of The Rings eh, di tulad nung isang ginagawa nung isa pang TV Station - lahat ng pelikulang pinapalabas tinatagalog. Tanong nga ng kuya ko: "Ganun ba kabobo tingin nila sa mga viewers nila? Hindi kayang maka-intindi ng English?"

Nung nakaraan lang napadaan ako sa isang mall, pumasok ako sa department store para magtingin ng mga coat. 'Yung coat na madalas sinusuot ng mga executive o nung mga big time sa ofis. Gusto ko na kase 'yung pakiramdam kapag may suot na coat, pakiramdam ko boss ako - at mayaman. Pagkatapos tumingin ng coat, dumaan naman ako sa mga bilihan ng DVDs and VCDs. Balak ko lang naman talagang magtingin-tingin ng mga pelikula.

Nakahanap ako ng kumpletong set ng Lord of the Rings 1, 2 and 3. 150 pesos kada part tapos tatlong cd ang laman per part - so bale siyam na CD lahat. So, kahit wala sa plano, napagastos ako ng 450 pesos ng hindi ko inaasahan - impulse buying at its best.

Natapos ko na panoorin lahat ng parts nung movie nung nakaraang linggo lang, 3 hours kada part, 9 hours 'yung buong istorya from part 1 to 3. Isa sa mga best 9 hours ng buhay ko.

Sa buong pelikula, isang linya 'yung na-recall ko at hindi ko nakalimutan kase ni-save ko sa celfone ko. Sabi ni Gandalf ('yung white wizard): "Many that live deserve death. And some that die deserve life." Kaya ko lang naman tinandaan yang linya na yan kase naisip ko maganda siya maging post sa facebook kapag gusto ko magpapansin at wala akong ibang ma-post.

Pinost ko 'yung mismong line ngayon lang, at nagtagumpay naman ako. May nag-like, may isang nakapansin sa akin. Malas nga lang lalaki pa. Tsk!

--

Ngayon naman, gusto ko sana panoorin 'yung animated movie na Up, gusto ko mapanuod ulit 'yung love story nila Carl and Ellie. Sabi nga nila, a better love story than twilight.

No offense twilight fans.

Kailangan talaga 'yung disclaimer na ito kase 'yung isang reader ko na nagtiyayaga at nagko-comment pa eh isang twilight fanatic - Hi Nicole. :D

Kaso, wala pala akong kopya nung Up, kaya naghanap na lang ako ng ibang mapapanood hanggang sa makita ko sa archive ko 'yung You've Got Mail. Matagal tagal ko na ding hindi napapanood ULIT itong pelikula na ito.

Ang You've Got Mail eh isang Chick-Flick, isang klase ng pelikula na romantic na minsan eh may touch of comedy on the side, pampa-lighten lang ng mood at ng storya. Medyo mahilig ako sa mga ganitong klase ng pelikula. Masarap manood ng mga ganitong pelikula kase, hindi ka na masyado mag-iisip. Manonood ka na lang, mag-aabang ng mga memorable lines at kikiligin sa mga memorable scenes. Ayayay!

Nak ng teteng, kaya akong napapagkamalang bakla eh.

Lumabas 'yung pelikula, 1998 pa. Ang internet connection noon eh dial-up. Kaya habang pinapanood ko 'yung pelikula, hindi ko mapigilang mapangisi ng kaunti hapag naririnig ko na 'yung tunog kapag sinusubukan mong kumonek sa internet gamit ang telepono. 'Yung tunog na maingay, na parang sirang 'sirena o wang-wang' ng mga sasakyan. Pero yung tunog na yun eh may kaakibat na excitement habang inaabangan mong maka-connect ka sa internet.

Ang bida eh si Tom Hanks (siya din 'yung bida sa Forrest Gump at sa Cast Away) at ang isa pa eh si Meg Ryan (na bida din sa City of Angels, Sleepless in Seattle at When Harry Met Sally). Hindi naman halata na alam ko 'yung mga pelikula ni Meg Ryan no? Fan kase ako. Pamaypay? Abaniko? Electric?

Kung hindi mo pa napapanood yang mga pelikula na yan, puwes panoorin mo na at ng pareho na tayong mababaw at maging mahilig sa Chick Flicks.

Book store owner by heart si Meg Ryan sa pelikula tapos pinapatakbo niya 'yung pamana sa kanyang book store ng nanay niya. Si Tom Hanks naman eh isang business man na may-ari ng malalaking book stores. Nagkataon naman nagkalapit 'yung pwesto ng book store nilang dalawa so ang nangyari, nalugi 'yung book store ni Meg Ryan kaya sinara niya na ito.

Tapos, pumunta siya dun sa kalabang book store na pag-aari ni Tom Hanks. Naglilibot-libot siya, tapos tumigil siya sa Children's Book Section. Naupo siya dun ng walang ibang ginagawa.

May isang customer na nagtanong dun sa salesman sa loob ng book store tungkol sa isang libro. Hindi makasagot 'yung salesman kase hindi niya kabisado ang mga libro, hindi niya kilala ang author. Tapos sumabat si Meg Ryan, sinabi 'yung buong detalye sa libro, kung sino ang author at kung ilang sequel ng libro ang lumabas, tapos nag-recommend pa siya kung alin sa mga libro ang magandang unang basahin for starters.

--

Dun sa linya sa Lord of The Rings na: "Many that live deserve death. And some that die deserve life."

Tapos dun sa eksena sa bookstore.

Napaisip ako, meron ngang mga tao na mas karapat-dapat para sa isang bagay, pero hindi naibibigay sa kanila. Meron namang mga taong, nabibigyan ng oportunidad, pero sinasayang din nila.

Sabi nga ni Chito Miranda: "Binabasura ng iba ang siyang pinapangarap ko."

May mga batang mahihirap diyan na part time studyante at part time 'mangangalakal' o magbabasura. Pilit nagtatrabaho para makaipon ng pera para kahit papaano eh makabili ng gamit pang eskwela.

May mga batang (at minsan mga teenagers pa) na libo libo ang binabayarang tuition tapos 'yung baon pa, pero nagbubulakbol lang at hindi naman pumapasok. Hindi na nga nag-aaral, nanggugulo pa ng buhay ng iba.

May mga taong nangagarap na magkaroon ng girlfriend, boyfriend, asawa pero hindi makahanap ng isang tao na handang magmahal sa kanila at tanggapin sila sa kung ano sila.

May mga tao din namang sila na 'yung nilalapitan ng pag-ibig tapos pinaglalaruan lang nila.

May mga taong gustong magka-anak, 'yung iba naman, nabubuntis ng di sinasadya tapos nag-pa-pa-abort na lang.

May mga taong gustong maging pulitiko kase alam nilang may maganda silang plano para sa mga kababayan nila. Alam nila na may maitutulong sila na maganda. Pero hindi nila kayang manalo dahil may pera ang kalaban. Ang resulta, ang nagiging pulitiko eh ang mga mayayaman na na ang iba eh wala pang ginagawa kundi magpayaman lang din habang nasa serbisyo.

Minsan talaga maiinis ka na lang sa mundo, sa kapalaran, sa tadhana - sa buhay.

Mapapasigaw ka na lang ng "Life's not fair".

Mapapasigaw ka naman ng "Hindi patas ang buhay" kung trip mo magtagalog.

At mapapasigaw ka naman ng "Layp's not Pair" kung meron kang 'P - F' problem.

Well, kung titingnan mo naman, Life's both fair at not fair at the same time.

Life's not fair, kase nga 'yung gusto ng iba eh napupunta sa iba tapos sasayangin lang naman.

Life's fair din naman, kase wala siyang pinipili. Ang buhay eh unfair sa lahat, walang sini-sino, walang pinipili.

Kapag napagtripan ka niya, wala kang magagawa kundi mainis at magkamot ulo na lang.

Ang mahalaga, sa bawat pang-ti-trip at pang-uungas sayo ng buhay, wag kang bibigay. Wag kang susuko. Wag kang matutunaw sa kawalan at tuluyang mawawala.

Dahil sa mundong ito, kung saan ang Buhay ay "Not Fair" at nang-aasar - ang pikon ang talo.

--

Shemaks! Bakit ang deep ko ngayon?

Balentayms

Hindi naman 14 ang petsa ngayon, at lalong hindi Pebrero, buwan na ng Mayo.

Eh bakit ganito ang isinusulat ko ngayon?

Wala lang!

Susubukan ko lang.

Mula sa pagsusulat ng mga kalokohan at kung anu-ano eh susubukan ko ang medyo seryosong usapan.

Kailan lang, nagising ako ng maaga. Bilang almusal kumain ako ng masustansyang pagkain, kape at instant noodles. Ultimate breakfast combo ng mga tamad at di marunong magluto.

Pagkatapos ko namang maligo, bigla na lang may pumasok na pamatay na tanong sa isipan ko. Gaano ako ka-sweet sa kasintahan (shemaks ang lalim!) ko? Totoo pwera biro, yun ang eksaktong tanong na buong araw ko pinag-isipan. Pilit ko inaalala kung ano mga nagawa ko para masabing 'sweet' ako.

Oo lumalabas kame para makasama ang isa't isa. Kahit papaano sinusubukan namen makapagusap ng madalas.

Binibigyan ko siya ng ilang bagay na alam ko na gusto nya. Binigyan ko siya noon ng isang 'teddy bear' at pinangalanan namin itong 'gairo'. Tunog anime, pero hindi. Ang 'gai' galing sa pangalan nya, ung 'ro' galing sa last name ko. Kahit pa sabihing mumurahin lang yun at sa divisoria lang nabili at nahukay lang sa patong patong at sangkatutak na mga 'stuffed toys', kahit papaano natuwa naman siya. Ayos! Dagdag puntos!

Ewan ko nga lang kung bakit laruang kamukha ng oso at ipinangalan sa isang amerikano ang naisip kong ibigay. Napaka ordinaryo, sana pumili ako ng 'stuffed toy' na kakaiba. Pwedeng buwaya, manok, elepante, langgam, bubuyog o di kaya'y butiki na 'stuffed toy' para sana kakaiba.

Nagawa ko din siyang regaluhan ng isang libro na pareho naming paborito ang nagsulat, ang 'Stainless Longganisa' natuwa din naman siya at sinulatan niya ang pinakahuling pahina ng ng nasabing libro ng katagang 'MahalKoPareKo'. Wow! Sarap naman. Pero sa kabila nitong mga ito, hindi pa rin yata sapat na masabi ko na 'sweet' ako sa kanya.


Kaya pagdating ng opisina, pag bukas ng homepage ng 'meebo' at pag log-in ng aking yahoo id, nagsimula agad akong mangulit sa mga taong online sa aking listahan.
Gumawa ako ng serbey, at ang tanong:

"Paano mo masasabing sweet ka sa boyfriend/girlfriend mo?" Narito ang kanilang mga sagot at ang aking komento.

(gingzabala): sweet siguro kung kung maso-surprise ko xa.


[Bago niya sinabe ito ay umamin siya na parang nawawalan na siya ng oras para sa kanyang labiduds, pero para sa isang lalaki na umaamin ng kanyang pagkakamali, ibang klase! Astig! Oo nga mukhang sweet nga kung masosorpresa mo siya lalo na't alam mo na nawawalan ka ng oras sa kanya.]

(jesus_sotingco): kapag lagi mo xa nilalambing. tuwing magkasama kayo lagi mo xa napapasaya. may time ka sa kanya.


[Mukhang ito ang hindi ko nagagawa. Hindi ko siya nilalambing pag lumalabas kame dahil parang 'PDA' na iyon. Naguusap lang kame pag magkasama, kwentuhan lang. Hindi ko siya sinasayawan o kaya umaarteng tanga para mapasaya na tulad ng isang payaso. At oo, madalas din akong nawawalan ng oras sa kanya, isang malaking kasalanan.]

(julls_03): Pag malambing ka. Pag inaalala mo cia. Gusto mo sabay kau kumain at minsan sinusubuan mo xa. Madalas hina-hug at sinasabihan ng aylabyu.


[Sa madalas na pag-aylabyu mukhang hindi ako sang-ayon. Sadyang 'sagrado' o espesyal ang nasabing salita kaya kung madalas mo ito gagamitin, parang mawawalan ito ng kahulugan. Ang pagsabi ng aylabyu sa ordinaryong araw ay magiging kapareho na lamang ng pagsasabi ng aylabyu kapag may mahalagang okasyon tulad ng anibersaryo. Magiging napaka ordinaryo.]

(el_ei16): pnagluluto ng pagkaen. concern ka palagi sa kanya.


[Sa lahat ng nakuha ko na sagot, ito ang pinakakakaiba. Ang ipagluto ng pagkaen ang tao na mahalaga sa'yo. Mukhang okay ito ah. Ano kaya kung ipagluto ko 'siya' ng instant noodles at kape at lalagyan ko ng itlog ang noodles para espesyal.]

(scuffle_23): lage mo xa inaalala. tapos lahat ng gusto nya gagawin mo.


[Balak yata nitong gawing 'spoiled' ang babae eh. Hehe. Mukhang delikado ito dahil baka maging 'under' ka. Biro lang. May punto siya dito. Naalala ko yung eksena sa isang korean movie, yung pinagsuot ng babae ng high heels ang lalake. Nakakatuwa.]

(bwesetka): kapag lage mo xang kina-cuddle. kapag lage mo xa tinitignan sa eyes habang hawak mo kamay niya.


[Hindi ko alam yung 'cuddle' pero sabi niya 'to embrace closely' daw ang ibig sabihin nito. Ang pagkakaintindi ko, paglalandi. Mali pala. Ang pagtitig sa mata habang hawak ang kamay, mukhang nakakakaba, dahil parang wedding propsal ang mangyayari nyan.]

(keithlin_06): siguro para sakin kapag extra special yung treatment nya sayo.


[Paano ba magiging espesyal ang pagtrato sa isang tao? Kapag niligyan mo ba ito ng itlog na parang instant noodles o parang laglalagay ng scoop ng ice cream sa ibabaw ng halo-halo? Hehe.]

(spiderbeef23): sweet = doing extraordinary things;


[Wow! Extraordinary things. Mukhang tama nga ito. Parang yung sabi sa isang kanta na susungkit yung singer ng mga bituin sa kalangitan. Ayun extraordinary talaga.]

(thereal_deadman_inc): masasabi ko na sweet ako sa gf ko, dahil mahal ko siya. dba J.K.? sweet ko ano?


[Sa lahat, itong tao na ito ang pinakamahirap kuhanan ng opinyon. Pero tama siya, lubusan mong masasabing sweet ka sa isang tao kapag mahal mo talaga siya ng buong puso mo. Kaya lang parang ang hirap paniwalaan na sa kanya pa nanggaling ang ideya na ito. Hehe.]

Ito ang mga nakuha ko na kasagutan sa aking katanungan na ginulo ang kokote ko ng isang buong araw. Merong pare-parehong pananaw, meron namang magkakaiba, buti walang nagbigay ng abnormal na sagot. Mayroon akong naalalang kaisipan mula sa isang lumang palabas sa telebisyon. Ang liham daw ni Jose Rizal, sinasabing nilagay sa isang lampara upang mailabas at mabasa nila Bonifacio at ito ang nagbunsod ng himagsikan.

Walang nakakita pero ito ang ating pinaniniwalaan.

Ganun din sa pag-ibig o sa pagiging 'sweet'. Hindi mo kailangang laging ipakita ang nararamdaman mo para sa isang tao na mahalaga sa iyo. Sapat na na alam ninyo na pareho ninyong mahal ang isa't isa at pinapahalagahan. Ang kailangan lang ay paniniwala at pagtitiwala.

(Sa lahat ng nag-bahagi ng kanilang mga kaisipan para dito, salamat sa inyong lahat)

** Popoy's additional note **

Unang naisulat noong May 25, 2008.

Noong mga panahong ito, may girlfriend pa ako at okay pa ang relasyon naming dalawa. Pero dumating din yung panahon na naghiwalay kami, kasalanan ko.

Ngayon, after ilang years, nagkabalikan na ulit kami. :)

After ko basahin iyong entry, napagtanto ko - minsan, ang keso ko pala talaga. Hehe.

Dear Teacher

Sige.

Makikipagkwentuhan muna ulet ako sa inyo.

Ngayong araw lang na ito, nakausap ko ang aking itinuturing na idolo sa kumpanyang aking kinabibilangan. May mga nakapagsabi sa akin na wala na siya sa aming kumpanya. Napirata na.

Ang galing talaga ni 'idol'. Buti pa siya, malaya na, di tulad ko na animo'y isang Parrot nakakulong sa 'hawla' na hindi masyadong nabibigyan ng 'sustansya'. Nakukuntento na sa mga pakunti-kunting 'bird seed' na binibigay sa akin kapag nagagawa ko ang mga gusto nilang gawin ko.

** Sabay gagayahin ang isang parrot **

"Errr.. Panget! Panget!"

"Errr.. Magnanakaw! Magnanakaw! Err..."

Kaya siguro ako malnourished.

Nabanggit ni 'idol' na gusto nya pala maging isang guro, isang guro sa musika. Ewan ko kung biro lang niya 'yun o inuuto niya lang ako at nagpauto naman ako.

Ako din pinangarap ko nang maging guro (hindi ako nanggagaya, peksman!).

Kung siya music teacher, ako naman gusto ko maging hmm... Biology teacher! Nakatutuwa siguro kung makikita ko ang mga reaksyon ng mga inosenteng batang mag-aaral habang itinuturo mo sa kanila ang mga leksyon tungkol sa katawan ng tao (lalo na ang reproductive system... hehe!)

Pero totoo, ginusto ko maging guro. Naisip ko ito ngayong buwan lamang nang mahilig ako sa pagbabasa at pagsusulat. Isang dakilang 'bokasyon' ang pagiging isang guro, lalo na kung ikaw ay nasa isang pampublikong paaralan.

Hindi ganoon kaganda ang kikitain mo kung isa kang public school teacher , kaya bilang remedyo dapat maalam ka sa mga negosyo. Kailangan may alam ka sa pagpoproseso ng karne upang makagawa ka ng mga produkto tulad ng tocino, longganisa, hotdog, siomai, kikiam, fish balls, squid balls, chicken balls at kung anu-ano pang balls na gusto mong itinda. Madameng pwede, bahala ka na lang mag-isip ng trip mo.

Pwede ka ding magkaroon ng 'portable sari-sari store' (tip: sa panahon ngayon, patok na ang mga 'portable'). 'Yun bang marami kang mga mumurahing tsokolate, kendi, chichirya, biskwit at mga inumin sa iyong bag na dala-dala mo kasama ng mga dokyumento ng iyong estudyante na kadalasan ay nasa bingit ng kamatayan ang mga grado kaya mapapabili sila ng mga tinda mo para kaawaan at ipasa mo sila. Ayos! Marketing strategy!

Kung ayaw mo ng 'portable' na tindahan at mas gusto mo ang malakihang kita, pwede ka din magtayo ng isang tindahan ng mga kagamitang pang eskwelahan sa mismong loob ng paaralan.

Ito seryoso, meron yata kaming guro na gumawa ng ganito. May tinda silang manila paper (bakit nga ba manila paper ang tawag dun?), kartolina, lapis, pambura, bolpen, pentelpen at walang kamatayang foot rags. Oo! Foot rags. Ito yung mamisong basahan na pabilog. Kaya pala kame required na gumamit ng foot rags sa clasroom ng masungit naming chemistry teacher ay dahil sa kanya mapupunta ang kita mula sa mga basahang ito.

Ibang klase. Pero kahit walang masyadong kaliwanagan ang pag-unlad ng mga public school teacher, marami pa rin ang pumapasok sa ganitong propesyon o dapat ko bang sabihing bokasyon?

Naniniwala ako na hindi lamang salapi at materyal na bagay ang mahalaga sa kanila, kundi ang paniniwalang makatutulong sila ng malaki sa pagpapaunlad ng mga mamamayan, ng lipunan at ng bansa sa pamamagitan ng pagbibigay kaalaman at paggabay sa kinabukasan ng kanilang mga mag-aaral.

Kaya sa lahat ng mga guro, bago o luma, bata o matanda, single or matandang dalaga, 'fresh' o menopause na, saludo ako (at ang iba pa) sa inyo!

** Unang naisulat noong May 22, 2008 **